top of page
Search

HAUNTED CHILD SHOW (One Shot Story)

  • Written by Daryl Morales
  • Nov 2, 2015
  • 12 min read

NAKAHILIGAN na ng walong taong gulang na batang si Carl ang manood ng mga child show gaya ng mga cartoons, anime, at mga puppet educational show. Tuwing umaga pagkagising nito ay agad nitong binubuksan ang telebisyon para maghanap ng magandang child show na ipinapalabas. Madalas ay kasabay ng kanyang pag-aalmusal ang panonood ng telebisyon. Katunayan ay marami rin siyang mga pambatang VCD’s gaya ng Spongebob Squarepants, Mickey Mouse, Tom and Jerry at Pokemon. Nang matapos na ang mga cartoons na pinapanood niya ay naghanap pa muli siya ng mga child show sa ibang mga channel. Sa kakapindot niya ng remote ay napunta siya sa channel 16. Bumulaga sa kanya ang mga puppet na nagkakantahan sa TV screen. Unang dinig pa lang niya sa awit ng mga ito ay napukaw na agad ang atensyon niya na panoorin iyon. Napakaganda ng boses ng mga ito na parang choir na sabay-sabay ang pagkanta at walang sablay. Wala siyang alam kung paano nagkaroon ng palabas ang channel 16. Ang alam lang niya dati ay isa iyon sa mga blank channel na walang istasyon. Ngunit gayunpaman ay in-enjoy na lamang niya ang panonood. “We are the little monsters, monsters, monsters. We will show you what we got, we will show you what we got. We are the little monsters, monsters, monsters. Welcome to… Triple Six!” Triple Six ang pamagat ng nasabing child show. Isang grupo ito ng mga nakakatakot na mga puppet na kumakanta, nagpapatawa, at nagtuturo ng kung anu-ano sa mga viewers. Kaya ito tinawag na Triple Six dahil ang show ay nahahati sa tatlong segment at pinagbibidahan ng anim na mga puppet. Ang opening segment ay tungkol sa tatlong mga puppet na kumakanta ng ilan nilang mga awitin at wini-welcome ang kanilang mga viewers. Sa pangalawang segment ay magtuturo ang tatlo pang mga puppet ng kung anu-ano sa mga viewers. At sa panghuling segment ay magpapatawa ang mga natitirang tatlong mga puppet at muling kakanta ang mga ito ng kanilang mga awitin bilang closing credits. Bagamat nakakatakot ang hitsura ng mga ito ay balewala iyon kay Carl dahil bukod sa hilig niyang manood ng mga child show ay hilig din niyang manood ng mga horror. At mukhang magugustuhan niya ang palabas na ito dahil mukhang horror ang tema ng palabas at nakakatakot din ang mga puppet na ginagamit. Tila isa itong horror child show. Ang napuna lamang niya dito ay black and white ang kulay ng palabas. Parang lumang programa na ito na ini-ere lamang muli. Pagkarating sa ikalawang segment ay lalong natuon ang pansin ni Carl sa pinapanood. Napalapit na siya sa harap ng TV screen habang pinapanood ang isang batang babaeng puppet na kasalukuyang naghohost sa naturang segment ng show. “Masamang umaga mga bata! Ako nga pala si Queene the Whore. Ngayon, tuturuan ko kayo kung paano magmura. Sa English, I’m going to teach you how to speak bad words. Sa Spanish, hindi ko alam! Hahaha!” Biglang may nagtawanang mga boses ng mga tao sa TV pagkatapos nitong magpakilala at magpatawa. Nakakatakot ang hitsura ng puppet na si Queene the Whore. Buhaghag ang buhok nito at may sungay sa magkabilang ulo. Wala itong suot na damit at kita ang kinorteng suso nito sa dibdib. Parang child porn show tuloy ang dating ng segment na iyon. Palibhasa’y hindi pa ganoon ka-mature ang isip ni Carl kung kaya’t wala pa siyang masyadong alam sa mga ganoong bagay, dedma lang. Muling nagsalita si Queen the Whore, “Fuck You! Ang salitang iyon ay gagamitin natin kapag meron tayong mga kaaway o kaalitan. Say Fuck You! Fuck You!” Dahil sa malikot na pag-iisip ni Carl ay hindi sadyang nasabi niya ang salitang iyon. “Fuck you…” First time niyang nakapagmura sa buong buhay niya, dahil lamang sa show na iyon. “Magaling mga bata! Ngayon naman ay tuturuan ko kayo kung paano mag-fuck you sa pamamagitan ng kamay. Titigan n’yong mabuti ang aking kamay. Itinayo ko ang gitna ng aking daliri at isinara ko naman ang apat kong mga daliri. Ayan! Ganyan ang sign ng fuck you. Kung ayaw n’yong magmura sa pamamagitan ng bibig, maaari ninyong gamitin ang hand sign na ito para murahin ang isang tao! Ngayon, sabayan ninyo ako. Humarap kayo sa TV screen at gayahin n’yo ang form ng kamay ko and then say Fuck You! Fuck You! Fuck You!” Ginaya naman ng walang kamuwang-muwang na si Carl ang puppet sa TV. Nag “fuck you” hand sign siya at itinapat sa TV sabay sabing, “fuck you… fuck you… fuck you…” “Magaling! Magaling! Magaling mga bata! Ngayon naman, ituturo ko sa inyo kung paano at saang paraan ginagamit ang salitang, “mother fucker!” Marami pang itinuro na mga masasamang salita si Queene the Whore sa kanyang mga manonood. Lahat ng mga mababaho, masasama, at malalaswang salita ay sinasabi niya. Ang sumunod na puppet na magtuturo ay nagpakilala sa pangalang Wilbert the Pet. Ang kaanyuan nito ay hating aso at hating tao. “Aww! Aww! Aww! Ako nga pala si Wilbert the Pet, mga bata! Ako ang munting taong aso na magtuturo sa inyo kung paano gumamit ng sigarilyo. Sa English, I’m going to teach you how to use cigarette. Sa Spanish, I don’t know and I don’t fucking care goddamn it!” Muling may nagtawanang mga boses ng mga tao sa TV. Parte iyon ng sound effects ng show dahil may halo rin itong comedy. Titig na titig si Carl sa TV screen. Tila may gayuma ang show na iyon dahil ang lahat ng mga batang makakatiyempong makapanood dito ay talagang maaadik. “Kita n’yo ba ang hawak kong ito? Isa itong sigarilyo mga bata. Kung napapansin ninyo, ito ang karaniwang ginagawang lollipop ng mga kalalakihan. Palagi itong nasa bibig nila habang hithit buga sa usok. Alam n’yo ba? Nakakaadik ito at masarap sa pakiramdam! Gusto n’yo bang makita kung paano ako manigarilyo? Tignan n’yo!” Hinithit ni Wilbert the Pet ang usok ng sigarilyo, pagkatapos maipon ng usok sa kanyang bibig ay ibinuga niya ito. Kinilig pa siya sa sobrang sarap sa pakiramdam. Habang pinapanood ni Carl ang puppet na naninigarilyo sa TV ay naalala niya ang ama niya na panay din ang hithit ng sigarilyo sa labas at sa tuwing bibiyahe sila sa malalayong mga lugar. Naisip tuloy ni Carl, “mukhang masarap nga ito sa pakiramdam... Masubukan nga…” Pagsapit ng hapon, nang matiyempuhang abala ang ama niya sa paglilinis ng sasakyan sa garahe nila at habang abala ang ina niya sa pagluluto ng meryenda ay lihim na kumuha ng isang sigarilyo si Carl sa bulsa ng pantalon ng kanyang ama. Sinindihan niya ang lighter at itinapat doon ang sigarilyo. Nang ito’y magbaga na ay hinithit niya ito. Ginaya niya kung ano ang napanood sa TV. Hinithit niya ang usok ng sigarilyo saka ibinuga. Medyo malamig sa bibig ang sigarilyong iyon, pero napatunayan niya sa sarili na masarap nga palang talaga! Kaya pagkaubos ng isang sigarilyo ay kumuha pa muli siya ng isa. Binuksan niya ang lahat ng bintana ng kuwarto at sinindihan ang electric fan para lumipad palabas ang usok at mawala ang amoy. Sarap na sarap siya. Parang mas masarap pa sa lollipop. Inaraw-araw ni Carl ang paninigarilyo ng palihim sa loob ng kuwarto sa tuwing wala o abala ang mga magulang niya. Palagi niyang binubuksan ang lahat ng mga bintana at sinisindihan ang electric fan para tangayin ng hangin palabas ang naiipong mga usok sa loob ng kuwarto. At syempre, araw-araw na rin niyang sinusubaybayan ang child show na Triple Six sa Channel 16. Ineere ito tuwing alas dyes ng umaga hanggang alas dyes emedya. Araw-araw namang may mga panibgong gimik at pakulo ang mga wirdong puppet na iyon para turuang gumawa ng masama ang mga batang nakakapanood sa kanila. Sa totoo lang ay mahinang-mahina ang rating ng palabas na iyon dahil halos walang nakakaalam na may palabas palang ganoon sa Channel 16. Nasa 0.03 lamang ang rating na natatanggap ng airing nito pero ang impact naman nito sa iilang mga batang nakapanood ay matindi. Tila may hipnotismo ang palabas na iyon na nakukuha nitong bihagin at kontrolin ang isip ng mga batang nakakapanood sa kanila. At isa na sa mga biktima ay si Carl. Dahil sa araw-araw na pagsubaybay niya sa horror child show na iyon ay unti-unting nagbabago ang takbo ng isip niya. Hanggang sa dumating ang araw na tuluyang nilamon ng show na iyon ang utak niya. Doon naganap ang lagim… Gabi na ng dumating ang kuya niyang si Emerson na kasalukuyang nag-aaral sa Jocson College sa kursong Information Technology. Naghubad siya ng sapatos at medyas pagkatapos ay nagtungo sa kusina at kumuha siya ng tubig sa refrigerator. Uhaw na uhaw siya dahil sa pagod. Wala siyang kamalay-malay na nagtatago si Carl sa ilalim ng lamesa at may hawak itong bote ng asido. Binabantayan nito ang kilos ng kuya niya. Nang magsimula nang kumilos ang mga paa nito ay agad binuksan ni Carl ang takip ng asido at ibinuhos sa sahig. Natapakan iyon ni Emerson. Napaso ito at nadulas. Ang mukha nito ang unang bumagsak sa lupa. Nalapnos ang mukha nito sa asido. Nagsisigaw ito ng napakalakas at nanginig ang buong katawan. Para itong bulate na kumukule-kulere sa sahig. “Aaaaaahhhh!!! Aaaaarrrggghh!!!! Tuloooooong!!!” Isa iyon sa mga natutunan ni Carl sa itinuturo ng mga wirdong puppet sa Triple Six show, ang mambuhos ng asido sa sahig kapag may taong lalakad bilang prank. Isang makatotohanan at nakamamatay na prank! Narinig nina Wilfredo at Amita ang sigaw ng panganay nilang anak na si Emerson. Agad silang lumabas ng kuwarto at tarantang tumakbo papunta sa kusina. Pagkapunta nila doon ay bumungad sa kanila ang bangkay ni Emerson. Lapnos ang mukha at mga balat sa iba’t ibang parte ng katawan nito habang ang batang si Carl ay tawa ng tawa habang ito’y nakatingin sa bangkay ng kuya niya. Napasigaw si Amita at napaatras sa takot. Si Wilfredo naman ay napako sa kinatatayuan at hindi makapaniwala. Nagulat silang dalawa sa pangyayari. Bakas sa mukha nila ang takot at pagtataka. Hindi nakalapit ang dalawa dahil kalat na kalat pa ang asido sa sahig ng kusina. Pinagmasdang mabuti ni Wilfredo ang bunsong anak nilang si Carl. Parang naging adik ito, tila nasisiraan ng utak at nawawala sa sarili. Tawa ito ng tawa na parang batang demonyo habang pinagmamasdan ang lapnos na bangkay ng kuya Emerson nito. SA mental hospital ang bagsak ni Carl. Nang suriin ng mga duktor ang kalagayan nito ay wala naman daw silang makitang problema sa utak ng bata. Lahat ng mga tests na ginawa nila ay normal ang lahat ng results kung kaya’t hindi talaga nila maipaliwanag kung bakit biglang nagkaganoon ang bata. Samantala, nasa isang private room ito habang walang malay. Tinurukan kasi ito ng pampatulog dahil hindi ito tumitigil sa pagwawala kanina. Nangangalmot ito at nananadyak at palagi nitong binabanggit ang salitang, “fuck you!” at “mother fucker!” Awang-awa sina Wilfredo at Amita sa sinapit ng bunso nilang anak, lalo na sa panganay nilang anak na si Emerson na kasalukuyan ngayong nasa morgue. Pareho silang lumuluha ng mga sandaling iyon habang pinagmamasdan ang natutulog na si Carl na bigla na lang nagbago ang hitsura. Para talaga itong batang drug addict base sa anyo nito ngayon. Hindi sila lubos makapaniwalang mangyayari ang lahat ng ito. Pagkaraan ng kalahating oras ay nauna nang umuwi si Wilfredo para asikasuhin ang burol ni Emerson. Si Amita ang maiiwan para bantayan ang anak at mag-aasikaso sa ibibigay na gamot ng duktor sa bata. SAMANTALA, nang umagang iyon ay kasalukuyang nanonood ng telebisyon si Vincent. Isa siyang pulis ngunit dahil day off niya ngayon ay naisipan niyang manood na lamang ng telebisyon upang malibang subalit aksidenteng nailipat niya sa ibang channel ang pinapanood. Hanggang sa nagkataong napunta siya sa channel 16. Nagulat siya at nagtaka kung bakit merong palabas doon. Ngayon lang niya nalaman na mayroon palang istasyon sa channel na iyon. Naupo siya. Sinubukan niyang panoorin ang palabas pero parang boring ito para sa kanya dahil isa lamang itong lumang puppet child show. Black and white ang kulay nito at halatang lumang-luma na dahil medyo gasgas na ang boses ng palabas na iyon. Ililipat na sana niya muli ng ibang channel subalit natigilan siya sa sumunod na eksena… “Ngayon mga bata, tuturuan namin kayo kung paano magmura. Say fuck you!” Napakunot ang noo ni Vincent sa narinig. Tama ba ang narinig niya? Tinuturuan ng mga puppet na iyon na magmura ang mga bata? Hindi na muna niya inilipat ng ibang channel. Natuon ang atensyon niya sa palabas na iyon. Wala siyang pinalampas na mga eksena. Parang may kakaiba sa palabas na iyon, pansin niya. “Mga bata, alam n’yo ba kung ano itong hawak ko? Tama! Ang tawag dito ay baril. Kung napapansin ninyo, ito ang karaniwang armas ng mga pulis. Pero tuturuan ko kayo kung paano ito gamitin sa kasamaan.” Hindi maitatago si mukha ni Vincent ang labis na pagtataka kung anu-ano ba ang mga pinagsasasabi ng puppet na iyon. Hindi niya alam kung nagbibiro lang ba ito o talagang seryoso ito sa itinuturo sa mga viewers. Makikita sa palabas na may binabaril na tao ang berdeng puppet na nagnangalang si Mamboo King. Kinilabutan si Vincent sa napapanood. Habang binabaril ng puppet ang isang tao na nakagapos ay nilalabasan pa ito ng dugo sa bawat balang tatama sa katawan nito. Parang ‘makatotohanan’ ang ginagawang pagbaril dito. Kahit wala nang buhay ang taong iyon ay sige pa rin ng sige sa pagbaril ang mala-demonyong puppet, walang patawad. Napaisip tuloy si Vincent, bakit kaya pinayagan pa ng MTRCB na ipalabas ang ganitong klaseng palabas na nagtuturo lamang ng puro kalokohan lalo na sa mga kabataan? Kahit na gawin pa itong Rated SPG dahil naglalaman ito ng mga eksenang hindi angkop sa mga bata ay hindi na dapat ito ina-allowed na mag-air sa telebisyon dahil wala itong maidudulot na mabuti o mumunting aral sa mga viewers. Hindi man lang ba nila inisip na baka may mga batang makapanood sa isang di pangkaraniwang palabas na ito? At lalo pa siyang napaisip kung bakit naisipan pa ng mga directors at producers ng programang ito na gumawa ng isang palabas na wala namang maidudulot na mabuti sa mga manonood. Sino nga ba ang nasa likod ng lahat ng ito? Natigilan siya sa panonood at napalingon sa kanyang likuran. Nakita niya ang bunsong kapatid niya doon na nagngangalang si Sofia. Nabigla siya dahil hindi niya namalayang nakasilip pala ito at tiyak niyang napanood din nito ang programang iyon. Agad siyang lumapit sa bata at hinagod ang buhok nito. “Sofia, bakit ka lumabas ng kuwarto mo? ‘Di ba may lagnat ka?” tanong niya sa batang babae. Ngunit hindi man siya pansin ng bata. Ni hindi nga ito nakatingin sa kanya. Ang mga mata nito ay nakatingin sa telebisyon. Muling nilingon ni Vincent ang telebisyon. “Ngayon naman mga bata, ipapakilala namin sa inyo ang isang nilalang na lumikha sa ating lahat na mga masasamang nilalang. Nakikita n’yo ba ang litratong hawak ko? Siya si Satanas, ang ating panginoon!” Hinarangan ni Vincent ang bata para hindi nito mapanood ang palabas. Muli niya itong kinausap. “Sofia, mabuti pa pumasok ka na lang sa kuwarto mo. Baka mabinat ka , medyo mainit ka pa, o. ‘Wag ka muna manood magpahinga ka na lang muna.” Niyakap ni Vincent ang bata upang hindi nito makita ang pinalalabas sa TV. Subalit nabigla siya ng may isang bagay na itinutok sa kanya si Sofia. Pagtingin niya, hawak pala ng bata ang kanyang baril! Kumabog ang dibdib ni Vincent. Mukhang napanood din pala talaga ng bata ang palabas na iyon kanina habang hindi niya ito namamalayan. “S-sofia? B-bitawan mo ‘yan…” nanginginig ang boses na sabi niya. Ayaw niyang biglain ang bata. Subalit nakalbit na ni Sofia ang baril bago pa ito maagaw sa kanya ni Vincent. Bumulagta ang lalaki sa sahig. Duguan ang tiyan nito. Parang nawala sa sariling katinuan si Sofia nang mapanood niya ang Triple Six show. Tila may humatak sa kanya na kunin ang baril ng kanyang kuya at paslangin ito matapos nitong mapanood ang isang puppet kanina na nagturo kung paano magpaputok ng baril. Naging wirdo ang kilos ni Sofia. Bakas sa mga mata nito ang di maipaliwanag na galit at poot. At mayamaya pa, nasa harapan na ng telebisyon si Sofia habang pinapanood nito ang Triple Six show. “We are the little monsters, monsters, monsters. We will show you what we got, we will show you what we got. We are the little monsters, monsters, monsters. Welcome to… Triple Six!” “Mga bata, alam n’yo ba ang tawag sa hawak ko ngayon?” anang isang asul na puppet na naka black shades na may hawak na maliit na bote. “Tama! Ang tawag dito ay lason. Ituturo ko sa inyo kung paano haluan ng lason ang isang pagkain! At sasabihin ko rin sa inyo ang iba’t-ibang uri ng mga lason na inihahalo sa pagkain ng tao. Handa na ba kayo?” Enjoy na enjoy si Sofia habang pinapanood ang Triple Six, habang ang bangkay ng kuya Vincent niya ay nakabulagta sa likuran ng sofa. Kung alam lang nila, ang programang Triple Six ay ginawa ng isang chinese-flipino producer na nagngangalang Chan Lin Sei, na sinasabing miyembro ng illuminati organization kaya lahat ng mga palabas na ginawa nito ay naging blockbuster hit noong 1950’s dahil sa kanilang taimtim na pananampalataya sa Diablo. Karamihan sa mga pelikula at programang ginawa niya ay puro mga nakakatakot, gore movies, at sexual program katulad ng isang child tv show na pinamagatan nitong Triple Six. Ang misyon ng programang iyon ay turuan ang mga kabataan na maging salbahe, barumbado, malibog, adik, at maging kampon ng dilim. Pero may isang pangyayari na hindi inaasahan ni Chan Lin Sei. Nang magkataon na mapanood iyon ng kaisa-isa niyang anak ay di sadyang nabihag ito ng kapangyarihan ng Diablo na bumabalot sa programang iyon kung kaya’t pinatay nito ang sariling ama dahil sa kawalan ng kontrol sa utak at sa sarili. Magmula noon, wala nang balita ang mga tao sa anak ni Chan Lin Sei. Magmula ng lumayas ito sa bahay nila ay hindi na ito nakita pa. Iniwan na lamang nito ang bangkay ng ama niya malapit sa tv. Wala pa ring makapagsabi hanggang ngayon kung bakit taun-taon ay muling nag-eere sa telebisyon ang nakakatakot at disturbing na pangbatang programa na Triple Six. Awtomatiko itong nag-eere sa tuwing sasapit ang undas sa Nobyembre. At ang isa pang nakakatakot dito ay Nobyembre rin ang eksaktong buwan kung kailan pinatay si Chan Lin Sei ng sarili niyang anak! HAUNTED CHILD SHOW Written by Daryl Morales All Rights Reserved 2015 ***WAKAS***


 
 
 

Comments


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic

FOLLOW US

  • Facebook Classic
  • YouTube Social  Icon
  • Google+ Social Icon
  • Blogger - White Circle

© 2015 by Daryl Morales (UHS Creator)

bottom of page