top of page

They Got Bitten by a Zombie (One Shot Story)


THEY GOT BITTEN BY A ZOMBIE

by Darrenz Arellano

"Papa!" sigaw naming dalawa ng bunsong kapatid ko na si Jun-Jun habang walang patid ang aming pag-iyak.

Kitang-kita ng dalawang mata ko ang naghihingalong mukha ni papa sa harapan naming dalawa. Nakaupo ito sa sulok, hawak ang kanyang sugat sa leeg at halos hindi humihinto ang pagtagas ng dugo mula rito.

"E-Enzo, makinig kang mabuti sa sasabihin ko. Mayroon tayong stock ng pagkain d'yan, kaya hindi n'yo na kailangang lumabas pa ng bahay. Isara ninyo lagi ang pinto at huwag na huwag magpapapasok ng kahit na sino," bilin ni Papa sa akin. Sa tono ng pananalita niya ay tila malalagutan na ito ng hininga. "At alagaan mong mabuti ang bunso mong kapatid, okey?"

"O-opo!" Niyakap namin siya nang mahigpit. Hindi ako makapaniwalang pati si papa ay magiging kagaya na rin ni mama.

Niyakap niya rin kami habang umaagos ang luha nito mula sa kanyang namumuting mga mata.

Mahal namin sina mama at papa. Ang dating makulay at masayang pamilya ay unti-unting naglaho na parang bula.

Pumunta kaming tatllo sa kusina kung saan naroroon si mama—naka-upo sa bangko habang nakatali ang mga kamay at paa nito.

"Ilang araw nang hindi kumakain ang mama n'yo, siguro kailangan ko na siyang pakainin ngayon," nakangiting sabi ni papa habang nakatitig sa mukha ni mama—inaagnas at inuuod na ito.

Ilang saglit lang...

Namilog ang mga mata naming dalawa ng kapatid ko nang biglang ipalapa ni papa ang kanyang braso kay mama!

Kitang kita ng dalawang mata ko ang unti-unting pagkaubos ng braso ni papa hanggang sa maging buto na lamang ito.

"P-papa!!!"

Bago tuluyang maging zombie si papa ay nagawa pa niyang itali ang kanyang sarili at ipako ang kamay nito sa kaharap na mesa.

Ngayon, magkasama na sila ni mama—parehong lawit ang dila habang nabubulok at namamaho ang mga katawan.

"Mama... papa... kain na po kayo," sabi ko habang hawak ang platong may lamang sardinas.

Sinubukan ko silang pakainin. Ngunit hindi nila ito nagustuhan.

Ang sabi ni papa sa akin noong hindi pa ito nakakagat ng zombie, balang araw ay magiging maayos rin ang lahat at babalik ito sa normal kapag nadiskubre na ang lunas dito.

"Kuya, gutom na si Ming-Ming," ani Jun-Jun habang hinihimas ang alagang pusa.

Inabot ko sa kanya ang sardinas na hindi kinain ni mama at papa. Iyon ang pinakain nito kay Ming-Ming.

"Hindi kinain ni mama at papa ang sardinas. Siguro kailangan nila ng lihaw na karne. Mamamatay sila kapag hindi sila kumain."

"Eh, paano 'yan kuya? Mayroon lang tayong noodles at dilata rito."

Napaisip ako. Kailangang mabuhay ang aming magulang hanggang sa madiskubre ang lunas balang araw.

Napatingin ako sa pusang hawak ni Jun-Jun.

Magugustuhan kaya ni mama at papa ito?

Kahit labag sa kalooban ko ang pumatay ng isang hayop ay gagawin ko para sa aking mga magulang.

"Pa, Ma, kain na po kayo." Inabot ko ang ulo ng pusa na tinuhog sa mahabang kahoy atsaka ko ito isinubo sa bibig ni papa.

Ngunit bigo muli akong pakainin sila dahil hindi nila ito pinansin at kinain.

"Sinungaling ka kuya! Sinungaling! Ang sabi mo sa akin si Ming-Ming lang ang maaari nating ipakain sa kanila! Pero bakit ayaw nila itong kainin? Bakit?!" Humagahulhol pa itong umiiyak.

Hindi ko alam ang sasabihin ko sa kanya kundi, "sorry."

"Hindi na muling maibabalik ang buhay ni Ming-Ming!" sabi pa nito habang patuloy itong umiiyak.

Tama nga ang hinala ko... mga laman ng tao lang ang kinakain nila.

Lumipas ang ilang araw ay naubusan na kami ng supply ng pagkain. Kaya naman napilitan kaming lumabas ng bahay para humanap ng makakain.

"Kuya bakit ang gulo rito sa labas at ang tahimik pa? Namatay na ba silang lahat?"

"Shhh... Hindi ko alam. Basta humanda ka sa anumang oras."

Habang naglalakad kami—dala ang kahoy na aming armas, may nakita kaming convenience store sa hindi kalayuang lugar. Agad naman namin iyong pinuntahan.

Halos mapuno ng mga dilata ang bag na dala naming dalawa.

"Kuya, meron pa dito, oh!" tawag sakin ni Jun-Jun habang turo ang mga candy at junk foods.

Ngunit hindi inaasahang lumabas ang zombie mula sa likuran nito. Napasigaw ako!

"Jun-Jun! Sa likuran mo!”

Sa gulat ng kapatid ko ay hindi na ito nakagalaw sa kinatatayuan niya kaya naman napilitan akong sugurin ang zombie gamit ang dalawa kong armas!

Hindi pwedeng pati si Jun-Jun ay maging katulad ninyo!

Puwersahang hinampas ko sa kanyang ulo ang hawak kong kahoy.

Sa sobrang lakas ng aking pagkakahampas ay biglang pumutok ang kanyang bungo at saka tumalsik ang utak nito.

Akala ko ay ligtas na kami, ngunit hindi pa pala.

Unti-unting dumadami ang mga zombie na pumapasok sa loob.

Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hanggang dito na lang 'ata kami. Ano bang magagawa ng isang walong taong gulang at isang anim na taong gulang na bata laban sa napakaraming mga zombie?

Niyakap ko na lang ang kapatid ko at sabay kaming umiyak habang marahang lumalapit ang mga zombie sa amin.

Segundo lang ang lumipas ay nakarinig kami ng sunod-sunod na putok ng baril at isa-isang nagtumbahan ang mga zombie na nasa paligid namin.

"Okey lang ba kayo?" sabi ng isang lalaking may dalang baril.

Laking pasasalamat naming dalawa sa dalawang lalaking tumulong sa amin. Kung hindi dahil sa kanila baka naging katulad na rin kami ng mga zombie na iyon.

Sinamahan na rin kami sa pag-uwi ng bahay para sa kaligtasan naming dalawa.

"Kayo lang ba ang nandito? Nasaan ang mga magulang n'yo?" sunod-sunod na tanong sa amin ng isang lalaking naka police uniform.

"Uhh…wala na po sila," tugon ko. Halos hindi ko alam ang sasabihin.

"Kuya? 'Di ba nasa kusina lang sina mama't papa?" Tinakpan ko agad ang bibig ni Jun-Jun.

Baka masira ang plano ko. Balak ko kasi silang gawing pakain kina mama't papa. Siguradong gutom na sila dahil ilang araw na silang hindi kumakain.

MAYAMAYA ay biglang may kumalabog sa loob ng kusina.

Siguradong sila mama't papa iyon.

Daling tumakbo ang dalawang police na lalaki sa kinaroroonan na iyon. Wala pang isang minuto ay may narinig na kaming putok ng baril.

"Mama! Papa!" sigaw ng kapatid ko.

Hindi! Hindi maaari!

Sa mga sandaling iyon ay biglang nakaramdam ako ng lungkot. Lalo na't hindi ko na sila nakikitang gumagalaw. Lalong nawalan ng pag-asang bumalik muli sa dati ang pamilya ko.

Sa isip ko, nanghingi ako ng tawad kina mama at papa dahil hindi ko sila naproteksyunan.

Pagkatapos ng malagim na pangyayari, dinala kami sa ligtas na lugar kung saan naroon ang iba pang mga survivor.

Kahit magkaroon pa ng lunas ang mala-impiyernong virus na ito ay hinding hindi na muling maibabalik pa sa dati ang masasayang alaalang iniwan sa amin ng aming mga magulang.

Mga alaalang itatabi ko hanggang sa pagtanda ko.

WAKAS

©ALL RIGHTS RESERVED 2016


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
No tags yet.
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic
bottom of page