top of page

Sumpa ni Gemalyn (One Shot Story)


SUMPA NI GEMALYN

by Slap Crowdord

"Sigurado ba kayo na tulak 'yang tatlong babaeng itatapon natin?" tanong ni SPO1 Rhona habang kasama ang dalawa pang pulis sa loob nang umuusad na patrolcar.

"Yan ang sabi ng source ko, kaya 'wag ka na magreklamo," ani SPO2 Abi.

"Tutal patay na ang tatlong 'yan, siguro dapat na nating iligpit ang mga 'yan," saad ni SPO1 Mhay na siyang nagmamaneho.

Lumipas ang ilang linggo ay parang naging normal lang ang lahat sa tatlong pulis ngunit hindi para sa mga pamilya na biktima ang mahal nila sa buhay ng EJK.

---

Bilog ang buwan habang umaalulong ang mga aso malapit sa isang simenteryo. Isang kamay ang biglang lumabas sa lupa. Mula sa ikalalaliman matapos magbungkal ay nalilimahid ito ng putik.

'Di nagtagal ay iniluwa si Gemalyn, na muling nabuhay. 'Di pa rin ito makapaniwala nang makita ang sarili sa ganoong kalagayan.

Tuwing gabi ay nagkakaroon muli ito ng buhay, at sa mga oras na iyon ay palakad-lakad lang ito. Pagsapit ng umaga ay natagpuan na lang muli na bangkay na ito, kaya dinala sa punerarya.

Nang magsimulang magdilim at lumubog ang araw sa loob ng punerarya ay nagising muli si Gemalyn.

'Di naman ito makapaniwala nang makitang ang katawan na walang suot na damit habang katabi ang mga nakahilerang bangkay. Sa paggala nito sa buong sulok ay napansin niyang karamihan ng mga bangkay ay mga lalaki.

Naisipan niyang tignan ang mga bangkay na kaniyang kasama. Isa-isa niyang sinilip ang mga katawan nito, doon niya nakumpirmang tama nga ang isang blog na nabasa niya noon. Maliit lang ang kargada ng mga lalaki kapag namatay.

Pero bago pa mag-isip nang kung anu-ano ay muli na naman naalala ni Gemalyn kung papaano siya namatay o para sa kaniya ay pinatay. Hindi niya makakalimutan ang pangyayaring iyon na dahilan ng kaniyang pagkawala.

Isang gabi ay enjoy na enjoy siya noon sa isang party kasama ang mga kaibigan. Nang biglang tumigil ang kasiyahan at nagsulputan ang mga taong mayroong hawak na baril.

Pinadapa silang lahat. Hanggang sa sapilitang tinalian ang kanilang mga kamay.

'Di naman inakala ni Gemalyn na dadamputin siya kasama ang dalawa pang babae. Doon sa isang silid ay binaril silang tatlo sa ulo. Matapos bawian ng buhay ay pinulupot ang masking tape sa kanilang buong katawan. Sa loob ng patrolcar ay dinala ang kanilang bangkay at tinapon magkakahiwalay sa ibat-ibang parte ng Iloilo.

Nang matagpuan ang bangkay ni Gemalyn ay kumalat na lang sa pahayagan na isa ito sa pinakamaraming biktima ng EJK. 'Di naman lingid sa kaniyang pamilya na gumagamit siya ng droga pero ang sinasabi at paratang nilang nagtutulak siya ay wala iyong katotohanan.

Matapos maalala ang pangyayaring iyon ay nagdesisyon ang buhay na muling si Gemalyn na gumanti sa mga pulis na pumatay sa kaniya.

Naglakad si Gemalyn patungong presinto ngunit matigas at mabagal ito kumilos dahil sa estado ng kaniyang kalamnan.

Pagdating doon ay kaniyang naabutan naka-duty ang tatlong pulis na pumatay sa kaniya.

"Teka lang ba't ka pumasok dito na ganyan ang suot mo?" singhal ng isang pulis na mayroong sukbit na baril sa bewang. Ang panglan nito ay SP01 Rhona Martires.

Nagtataka ito nang makita ang babae na madungis ang hitsura at punit-punit ang suot.

"Parang nakikilala kita a, 'di ba ikaw 'yung pinatay namin. Hindi ako maaaring magkamali. Patay ka na!" saad ng isa pa na si SPO2 Abi Pecson.

Hindi makapaniwala ang tatlong naka-duty na pulis na buhay muli si Gemalyn.

Dahil sa pagkatakot ay bumunot si SPO2 Abi at pinutukan ito, subalit patuloy pa rin itong gumagalaw matapos matamaan sa dibdib. Nakita pa ng tatlong pulis ang pagtagos ng bala sa dibdib ni Gemalyn kaya pinagtaka nilang nakakagalaw pa ito.

Nang makalapit kay SPO2 Abi ay inagaw ni Gemalyn ang baril ng pulis. Nagbunuan silang dalawang hanggang sa mayroong kumalabit ng gatilyo at umalingawngaw ang putok ng baril.

'Di naman makapaniwala ang babaeng pulis na siya ang tinamaan ng bala. Napaupo ang pulis sa sahig ngunit muli na naman itong binaril ni Gemalyn. Ang dalawang pulis naman na sina SP02 Mhay Azyamoj at SPO1 Rhona ay nagulat sa pangyayari na nasaksihan nila.

"Isa kang halimaw, ang dapat sa iyo ay patayin," sigaw ni SPO2 Mhay.

Bumunot din ang dalawa at binaril si Gemalyn, ngunit kahit anong bala ang tumatama sa katawan nito ay patuloy pa rin itong nakakagalaw. Nanlaki ang mata ng dalawang pulis nang makitang sa kanila na nakatutuk ang baril na inagaw ni Gemalyn. Nang kumawala ang mga bala sa baril na iyon ay bumagsak din ang dalawang pulis.

Tinadyakan pa ni Gemalyn ang ulo ni SPO1 Rhona hanggang sa malamog ito.

Nang makitang nakahandusay na ang tatlo at naliligo sa sariling dugo ay kaagarang linisan ni Gemalyn ang presinto. Sa wakas ay nakapaghiganti na rin ito sa mga taong pumaslang sa kaniya. Para sa kaniya ay nararapat lang iyon sa tatlong pulis.

Hindi alam ngayon ng babae kung saan siya pupunta. Uuwi ba ito sa kaniyang pamilya o babalik sa simenteryo. Alam niyang pagbumalik siya sa kanilang tahanan ay matatakot lang ang kaniyang mga kapatid lalo na ang kaniyang ina na lubos ang pagmamahal sa kaniya.

Naalala niya pa noon ang nangyari sa kaniyang ama pagkaraang mamatay at bago isalin sa kaniya ang pagiging Amalanhig. Nang mamatay ito ay tuwing gabi na lang muli itong nabubuhay. Sa burol ng kaniyang ama ay 'di naman makapaniwala ang mga taong nakakakita noon. Ayon sa kanilang paniniwala, ang isang bangkay na pinaniniwalaang Amalanhig ay hindi nabubulok. Natigil lang ang pagiging Amalanhig ng kaniyang ama nang maipasa ito sa kaniya. Ngayon siya naman ang nakakaranas nito, ang mabuhay tuwing gabi.

Dahil maayos pa ang kaniyang sistema sa katawan ay nagagawa niya pa ring makapagsalita at makakilos ng maayos.

Naisip ni Gemalyn na puntahan ang kaniyang matalik na kaibigan na si Lennie, alam niyang ito lang ang makakatulong sa kaniya ngayon.

Nag-iisa lang namumuhay ang kaibigan niyang iyon matapos mapatay ang buo niyang mag-anak sa isang aksidente at ito lang ang tanging nakaligtas.

Mahabang oras din ang lumipas nang makarating si Gemalyn sa tahanan ni Lennie.

Nang mabuksan ang pinto sa tahanan ni Lennie ay laking gulat nito nang makita ang matalik na kaibigan na matagal nang nawawala ang bangkay sa simenteryo.

"Gemalyn ikaw ba 'yan?" nagtatakang tanong ni Lennie nang bumungad ang matalik na kaibigan sa kaniya.

"Oo, ako nga ito Lennie?" tugon ni Gemalyn ngunit namimilipit na ang dila nito.

"Kung ganoon, totoo pala ang sinasabi mo noon sa akin na ipinasa sa iyo na iyong ama ang pagiging Amanlahig na lahi ninyo!" anito.

"Bilis pumasok ka sa loob at ba ka mayroong makakita sa iyo sa labas," dugtong ni Lennie.

Pagkasara ni Lennie ng pinto ay pinaupo nito si Gemalyn at muli naman silang nag-usap na dalawa. Marami ang napag-usapan nila, ang tungkol sa pagpatay ni Gemalyn noong nakaraang araw sa tatlong pulis na pumatay sa kaniya at sa balak na nitong putolin ang pagiging isang Amalanhig.

"Lennie gusto ko sanang tulungan mo ako sa balak ko na putulin na ang sumpa sa pamilya namin," ani Gemalyn.

Napaiyak naman si Lennie sa mga nanirinig niya lalo na sa ginawang pagpatay ni Gemalyn. Hindi niya lubos maisip dahil sa galit ay nagawa iyon ng matalik niyang kaibigan. Pero bilang isang mabuting kaibigan ay nagawa niya pa rin itong tulungan, hindi niya dapat ito husgahan sa pagkakamali nito kundi dapat ay intindihin nito ang lahat, kung ano ang pagkakilala niya rito.

Dis-oras ng gabi ay nagpunta ang dalawa sa isang simenteryo dahil doon balak ni Gemalyn na isagawa ang kaniyang plano.

"Gemalyn sigurado ka ba na puputulin mo na ang pagiging Amalanhig mo?" tanong ni Lennie habang nakatigil ang isang sasakyan kung saan sila naroon.

"Tama ka Lennie, dapat ay mahinto na ang lahat. Gusto mo ba sumunod sa akin sa loob?" ani Gemalyn.

"Ano ka ba, ang dilim-dilim tapos gabi mo pa balak na tangaling 'yang bato na sabi mong ipanasa sa iyo ng tatay mo. 'Di ka ba natatakot na papasok ka riyan sa loob ng simenteryo?" ani Lennie.

"Mabuti pa'y maiwan ka na lang diyan. Babalik din naman ako kaagad," sabi ni Gemalyn.

"Ulol ka talaga! 'Di ba ang sabi mo oras na maalis 'yang bato sa katawan mo ay tuluyan ka na ngang mamatay," biro ni Lennie.

"Salamat Lennie, isa kang mabuting kaibigan."

Sa pagsabi ng ganoon ni Gemalyn ay kaagad niyang tihanak ang pintuan papunta sa loob.

Maliban sa bilog na buwan tanging ilaw sa lampost na malapit sa pinto ang nagsisilbing liwanag sa kaniyang daan na tinatahak. Ni kahit anong flashlight ay wala siyang tangan.

Gumaan ang pakiramdam ni Gemalyn nang makapasok. Para sa kaniya ay matatapos na rin ang pagiging Amaranhig niya.

Sa pinakagitna ng siminteryo ay tumigil ang babae sa paglalakad. Gamit ang kaniyang kamay at daliri ay naghukay siya. Binungkal ng kaniyang daliri ang maputik na lupa. Nang makitang malalim na ang kaniyang hinukay ay hinawakan ni Gemalyn ng dalawang kamay ang kaniyang lalamunan.

Ang batong nilunok niya noon ay pinipilit niyang ilabas. Taas-baba ang kaniyang dibdib habang binubuka ang bunganga. Mga ungol ang lumabas sa kaniyang bibig. Tumitirik ang kaniyang mata habang nakatingala sa bilog na buwan.

Nang mapansing nasa lalamunan na niya ang bato ay kaagad niya iyon dinura sa lupa na kaniyang hinukay saka tinabunan. Kasing laki lamang ng hollen ang bato na kaniyang dinura na mayroong itim na kulay.

Matapos mailabas ni Gemalyn ang bato ay bumagsak na ang kaniyang katawan. Ngunit bago ito tuluyang bumagsak sa lupa ay nasalo ito ni Lennie. Inakay niya si Gemalyn at inilabas ng simenteryo.

Kahit natatakot siya ay 'di siya dapat maduwag dahil huling pagkakataon na niya iyon para muling makasama ang kaibigan. Si Gemalyn na ang tinuring niyang pamilya matapos mamatay ang kaniyang mga mahal sa buhay. Mahal niya ito higit pa sa pagiging kaibigan.

Nang magwakas ang pagiging Amalanhig ni Gemalyn ay plinano na nilang dalawa na ilibing muli ang babae ng simple na tanging pamilya lang nito ang nakakaalam.

Habang akay ang bangkay ni Gemalyn ay 'di na napigilan ni Lennie ang pagtulo ng mga luha nito. Ang bawat pagpatak ng luha nito sa lupa ay nagpapagaan sa sakit na kaniyang nararamdaman.

Ngunit habang papaalis si Lennie at papunta labas ng simenteryo na akay ang bangkay ni Gemalyn ay 'di niya napansin na mayroong kakaibang nangyayari.

Dahil sa batong itim na inilibing ni Gemalyn ang mga bangkay sa loob ng Simenteryo ay muling nagkakaroon ng buhay. Bago tuluyang bawian ng buhay si Gemalyn ay isang sumpa ang kaniyang sinambit, na paglipas ng ilang taon ay maaaring magkatotoo.

-Wakas-


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
No tags yet.
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic
bottom of page