top of page

Si Ton Ton (One Shot Story)


SI TONTON

by Darrenz Arellano

MAY mga bagay talaga sa mundo na mahirap ipaliwanag. Bagay na hindi nakikita ng ating mga mata. Mga elemento na hindi mo alam kung totoo ba o hindi...

Maniniwala ka ba? Kung sabihin kong...totoo nga sila!

Halina't samahan n'yo ako sa aking maikling kuwentong kababalaghan mula sa aking talambuhay.

Handa ka na ba?

Natatandaan ko pa noong walong taong gulang pa lang ako. Bakas ang lungkot sa aking mukha nang magkaroon ng personal na problema ang aking pamilya. Hindi ko alam kung bakit sila nagsisigawan at nag-iiyakan. Bakit nga ba? Bakit gano'n. Ang lungkot.

Lumipas ang ilang araw. Nalaman ko na lang na lilipat na kami ng tirahan sa Quezon Province.

Sa una mahirap talaga mag-adjust lalo na't wala naman akong kakilala roon. Kaya naman parati akong nakakulong sa kuwarto at binabantayan ang bunso kong kapatid na si Kim. Minsan may araw talagang sadyang nakakainip. Kaya naman naisipan kong lumabas at mamasyal. Hindi ko man kabisado ang lugar, patuloy pa rin ako sa paglalakad. Hanggang sa makilala ko ang isang kaibigan.

"Ano'ng pangalan mo?" 'yan agad ang bungad na tanong sa akin ng isang batang lalaki. Hindi agad ako nakasagot sapagkat mahiyain akong bata noon. Halos bihira ako makipag-usap sa ibang tao lalo na't hindi ko naman kakilala.

"Renz... Renz ang pangalan ko," pakilala ko sa kanya, "ikaw ba?"

"Ako si Mark," tugon nito.

Mabilis kaming nagksundo ni Mark. Mula no'n araw-araw na kaming nagkikita para maglaro. Minsan pinagagalitan na 'ko nila mama't papa dahil hapon na ako umuuwi. Pa 'no ba naman kasi, pagkatapos mananghalian ay didiretso na 'ko agad sa bahay nina Mark. Ang tigas ng ulo ko, 'no?

Maraming bagay akong natutunan dahil kay Mark. Katulad ng paggawa at pagpapalipad ng saranggola. Masaya ako sa bawat araw na kasama siya.

Sa araw-araw naming pagkikita ni Mark, akala ko'y kilang-kilala ko na siya. 'Yon pala hindi pa.

Isang araw, nagpunta ako sa bahay nina Mark para yayain s'yang maglaro. May inutos pa sa 'kin ang aking ina kung kaya makulimlim na ang hapon nang ako'y makarating sa bahay nila.

"Si Mark po?" tanong ko sa kanyang ina na abalang nagsisiga ng mga tuyong dahon na pinagwalisan.

Medyo nanibago ako nang mga oras na iyon dahil maggagabi na akong nakarating sa kanila sapagkat nasanay akong pumupunta ng maaga sa kanila.

"Renz, ikaw pala. Nasa loob si Mark. Tumuloy ka na lang sa loob," anang ina niya.

Mukhang pagod ito sa tono pa lang ng kanyang pananalita. Wala akong masabe sa ina ni Mark. Napakabait at napakasipag nito. Minsan nga magluluto pa ito ng sarobot at buchi-buchi pang meryenda sa aming dalawa.

Nang pumasok ako sa loob, kapansin-pansin ang nakabibinging katahimikan ng paligid. Ang bahay nila Mark ay gawa lamang sa kahoy at meron itong pangalawang palapag. Kapansin-pansin din ang makalumang desensyo nito mula labas hanggang loob. Kaya naman masasabi kong matanda na ang bahay na iyon.

Umakyat ako ng hagdan papunta sa kuwarto ni Mark. Medyo may kadiliman ang pasilyo kung kaya't kinapa ng aking dalawang kamay ang switch button ng ilaw. Ngunit bigo akong matunton 'yon.

"Renz?"

Bigla akong nagulat nang marinig ang boses ni Mark mula sa likod ko. Ang buong akala ko nasa loob siya ng kanyang kuwarto. Pero hindi pala.

"Mark pasensya ka na gabi na ako nakarating. Inutusan kasi ako ni mama kanina," pagpapaliwanag ko.

Ngumiti lang siya sa akin at simabing, "okey lang 'yon.Tara pasok tayo sa kuwarto ko may ipapakilala ako sayo."

May ipapakilala? Sino? Sa pagkaka-alam ko ay nasa Laguna ang kanyang mga kapatid at silang dalawa lang ng ina niya ang nakatira sa bahay na iyon. Nakapagtatakang isipin.

Pagbukas pa lang ng pinto, bigla na 'kong nakaramdam ng kilabot nang makita ko ang mga santo at buda na naka-display sa itaas ng kanyang kama at sa iba pang bahagi ng kuwarto. Pero ang nakapagtataka ay kung sino ang ipapakilala niya sa akin. Gayong wala naman akong nakitang ibang tao bukod sa aming dalawa. Bigla rin akong nakaramdam ng panlalamig ng kamay kahit pinagpapawisan na ako sa init.

"Shhh. Huwag mong pagsasabi ito ha? Sikreto lang natin ito," mahinang bulong sa akin ni Mark.

Medyo kinakabahan na ako nang mga oras na iyon kaya napatango na lamang ako bilang tugon.

Lumapit siya sa kanyang kama at may kinuhang kahon sa ibaba nito. Kapuna-puna ang kakaibang kilos nito na hindi maipaliwanag ng aking kaisipan.

"Halika 'eto siya," tinawag niya ako.

Ano kaya iyon? Hindi ko alam kung bakit ang bilis ng tambol ng dibdib ko. Kaya naman napabuntong hininga ako't lumapit sa kanya.

"Mark ano ba 'yan?" tanong ko kasabay ng paglapit ko sa kanya.

Nakangisi lang siya at sinabing, "si Ton-Ton."

Bigla akong nagulat. Akala ko'y kung anong hayop lamang iyon.

'Yon pala isang tao...

Maliit na tao na yari sa tela.

"'Yan ba 'yung ipapakilala mo sa akin? Isang tela na hugis tao?" tanong ko sa kanya, ngunit hindi niya ako sinagot.

Natakot ako bigla noong namilog ang dalawang mata niya habang nakatitig sa tela na hawak niya. Nakangisi siya na parang nawawala sa sariling katinuan.

"Tingnan mo, Renz, nakangiti siya sayo," sabi niya sa akin.

Doon ko napagpasyahang umuwi na sa amin. Kumakabog ang dibdib ko sa takot lalo na't wala namang mukha ang manikang yari sa tela.

Mabilis akong nagpaalam sa kanya at daling lumabas ng bahay nila. Hindi na rin ako nakapagpaalam sa ina niya dahil sa kamamadali ko. Ang wierd ng pangyayaring iyon.

MULA no'n ilang araw rin akong 'di bumisita kina Mark sapagkat pasukan na muli at tutok na ako sa aking pag-aaral.

Isang araw napadaan ako kina Mark. May inutos ang aking ina kung saan madadaanan ang likod ng bahay nila. Mabilis kong natanaw si Mark na tila naglalaro sa buhanginan. Kaya naman nilapitan ko ito para kumustahin.

Lumingon siya sa akin at niyaya niya akong maglaro. Ngunit tumanggi naman ako. Ang sabi ko'y may inutos pa sa akin si mama kaya pass muna ako. 'Di ko alam kung bakit bigla na lang tumamlay ang kanyang mukha. Kaya tinanong ko siya kung okey lang ba siya. Ang sagot niya, "okey lang ako. Sige umalis ka na may kalaro naman ako."

Napalingon ako sa paligid. Baka sakaling makita ko ang sinasabi niyang kalaro. Ngunit wala naman.

"Nasaan 'yong kalaro mo? At sino siya?" sunod-sunod na tanong ko.

"'Eto, oh, si Ton-Ton," sagot niya habang hawak na naman ang nakakikilabot na manika

Hindi ko alam kung maaawa ako kay Mark o matatakot. Dahil siguro'y hindi siya nag-aaral at dahil wala rin siyang ibang kalaro bukod sa akin. Bihira na lang akong makipaglaro dahil sa studies kaya naman sa isip ko'y baka gumawa siya ng imaginary friend?

Napakamot ako sa ulo at lumapit sa kanya.

"Sige na nga. Laro muna tayo," sabi ko at bigla na lang siyang napangiti sa saya. Tutal bihira na akong makipaglaro sa kanya at maaga pa naman.

Sinamahan ko siyang maglaro sa harap ng nakatumpok na lupa.

"Alam mo, Renz, ito ang bahay ni Ton-Ton," 'yan ang sabi niya sa akin habang nakaturo sa isang tumpok na lupa.

Pati ba manika may bahay na? Eh, ang pagkakaalam ko ay tirahan lang iyon ng anay. 'Yon din kasi ang napag-aralan namin sa school at napanood ko sa discovery channel.

"Ayan na naman 'yang Ton-Ton na 'yan. Mark kalaro muna ako kaya 'wag ka nang mag-imbento ng kung anu-ano," sabi ko sakanya habang may halong pagkunot-noo.

Dahil matigas ang ulo ni Mark, pinipilit pa rin niyang totoo si Ton-Ton at hindi ito imahinasyon lamang. Kaya naman sa inis ko ipinakita ko sa kanya ang loob ng bahay ng sinasabi niyang Ton-Ton. Ipapakita ko sa kanya na puro anay lang ang laman ng 'yon.

"Huwag! Huwag mong sirain ang bahay ni Ton-Ton!" sigaw niya habang pilit niyang pinipigilan ang pagbungkal ko sa lupa gamit ang kapirasong kahoy.

"'Yan ba ang sinasabi mong bahay ni Ton-Ton!? Eh, puro anay oh," pasigaw kong sabi sa kanya dahil kumukulo na ang dugo ko sa paulit-ulit niyang pagbanggit kay Ton-Ton na wala namang buhay.

Umiyak lang siya. Umiyak nang umiyak. Bigla akong natauhan at humingi ng pasensya. Ngunit bigla itong tumakbo paloob ng bahay nila. Na-realize ko na mali pala ang ginawa ko. Maling-mali.

Kinagabihan, bago ako matulog sa aking kuwarto ay tinapos ko muna ang aking takdang-aralin. Hindi ko alam kung bakit nahihilo ako habang nakatitig sa sinusulat ko. Kayan naman pinagpabukas ko na ito. Pinatay ko na ang ilaw ng kuwarto at saka humiga sa aking kama.

Nakaramdam ako ng panlalamig kaya pinatay ko na rin ang electric fan. Pakiramdam ko kakaiba ang gabing iyon. Sinubukan kong pumikit para dalawin ng antok. Ngunit ilang sandali lang ay may narinig akong sitsit. Akala ko noong una guni-guni ko lang iyon. Pero hindi pala, nang umulit muli ang pagsitsit mula sa labas ng bintana, nagsimula na 'kong kilabutan at nagtalukbong ng kumot.

Ano kaya iyon? Pakiramdam ko, may nakamasid sa akin mula sa labas. May naririnig akong maliit na boses na tila tumatawa. Ano ba talaga iyon? Sinundan pa ng kaluskos mula sa taas ng kisame namin. Gusto ko nang tumayo at pumunta sa kuwato nila mama. Pero natatakot ako baka kung anong nilalang ang makita ko sa bintana. Mayamaya'y tumahimik ang lugar. Inisip ko na dala lang ito ng pagod at puyat. Kaya naman nakahinga na ako nang maluwag at ilang sandali pa, hindi ko na namalayan ang paglipas ng oras.

PAGGISING ko, akala ko'y umaga na ngunit napakadilim pa rin ng paligid. Hindi ko alam kung anong oras iyon. Pero hindi ako makabangon o makagalaw sa kinahihigaan ko. Bigla na lang may aninong dahan-dahang lumalapit sa harap ko. Tumatawa ito na parang demonyo! Sigaw ako nang sigaw, ngunit walang lumabas na boses sa bibig ko. Biglang binalot ng kadiliman ang buong mukha ko. Wala akong makita at hirap akong huminga. Sabi ko sa isip ko, "binabangungot na 'ata ako!"

Hanggang bigla akong nagising. Akala ko'y katapusan ko na. Napansin ko na lang na napakaraming luha pala ang tumulo mula sa aking mga mata. Bumangon ako para uminom ng tubig. Bigla na lang sumagi sa isip ko ang pangalang "Ton-Ton."

Kinaumagahan ang sakit ng katawan ko. Hindi ako makakibo at makatayo. Sobrang init ko. Nilalamig ako. Nanginginig kahit pawis na pawis at balot ng kumot.

Sa pag-aalala ng magulang ko, pinapunta niya sa bahay ang kilalang magtatawas o manghihilot kung tawagin sa Quezon.

Pinausukan niya ako. Hindi ko alam ang iba pa niyang ginagawa sa akin. Dahil hilong-hilo ako nang mga oras na iyon. Kumuha siya ng maliit na platito at langis. Sinunug niya ang platito. 'Di ko alam kung para saan iyon. Basta ang nasaisip ko ay sana gumaling na agad ako.

Mayamaya nagulat na lang ako sa sinabi ng matandang manghihilot.

"Nuno sa punso... Na anayo ko, hijo. May nagalaw kang bahay nito o baka may nagambala kang nilalang na hindi mo nakikita," paliwanag niya sa akin.

Labis iyong ikinabahala ng aking magulang.

Pagkatapos akong dasalan ng albularyo at painumin ng gamot na pinakuluan sa dahon ay unti-unting gumaan ang aking pakiramdam.

Hindi nagtagal ay tuluyan na akong gumaling.

Mula noon, pinagbawalan na 'ko nila mama na magpunta sa masusukal na lugar. Kaya naman hindi na ako gaano namamasyal o lumalabas ng bahay.

Lumipas ang ilang buwan ay nalaman kong nasa laguna na si Mark at doon na mag-aaral.

Mahirap man paniwalaan lalo na't kung ito'y hindi nakita ng ating ordinaryong mga mata. Pero alam ko nariyan lang sila, maaaring maramdaman.

Masasabi kong isa iyon sa mga karanasan na hinding-hindi ko malilimutan hanggang sa aking pagtanda. Sana'y nagustuhan ninyo ang handog kong kuwento mula sa aking nakaraan. Maraming salamat sa pagbabasa.

Tabi-tabi po! Baka nariyan si...

Ton-Ton!

WAKAS By Darrenz Arellano© All Rigths Reserved 2016®


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
No tags yet.
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic
bottom of page