top of page

Shake Rattle & Roll 8: Endless Death (3 in 1 Short Stories)


SHAKE RATTLE & ROLL 8: ENDLESS DEATH by Daryl John Spears

EPISODE I: TALUHMA

SA unang linggo ni Marie Claire sa bahay ng Pamilya Mangkibo ay marami na siyang napansing kakaiba na nagbigay ng kilabot at kuryosidad sa kanya. Walang makikitang larawan ng mga santo at ng Panginoong Diyos na naka-display sa loob. Kahit rosaryo o mga bibliya ay wala siyang nakita sa gamit ng mga ito. Sa isip-isip niya ay tila wala yatang kinikilalang Diyos ang mga ito.

Ang isa pang bagay na nagbigay ng takot sa kanya ay ang litrato ng mga patay na nasa kabaong na naka-display sa paligid. Hindi niya maunawaan kung bakit kailangan pang i-display ang mga ganoong larawan. At lalong hindi niya maunawaan kung bakit kailangan pang kunan ng litrato ang patay sa mismong kabaong nito para lamang ma-i-display sa bahay. Ang iba nga sa mga iyon, nakalagay pa sa malaking picture frame at naka-display sa dingding ng sala. Nakakapangilabot tuloy pagmasdan. Kaya nga si Marie Claire, hindi niya magawang tapunan ng tingin ang mga iyon.

Ngunit sa kabila ng lahat, tiniis niya ang takot sapagkat isa lamang siyang katulong doon at wala siyang karapatang magreklamo. Kailangan niyang kumita para sa kanyang ina na may sakit.

Isang araw iyon nang maiwan si Marie Claire sa bahay. May pupuntahan daw ang kanyang amo kasama ng asawa't mga anak nito at hapon na raw sila makakauwi. Binilinan siya ng among si Sultana na linisin ang kabilang kuwarto at palitan ng punda ang mga unan pati ang kutson ng kama.

Pagkatapos niyang maglinis sa kusina, sunod niyang nilinis ang kuwarto ng mga ito. Minadali niya ang paglilinis sa silid na iyon dahil may isang malaking litrato rin ng matandang babae sa kabaong ang naka-display doon. Habang nagpapalit siya ng punda ay nanginginig ang mga kamay niya at kabog nang kabog ang dibdib niya. Kahit anong iwas niya sa litrato ay pilit pa rin siyang napapasulyap doon.

Nang siya'y matapos, ang kutson naman ang kailangan niyang palitan. May isang puting kutson na nasa likod ng aparador. Ngunit ang problema, malapit din sa aparador ang litrato ng patay na kinatatakutan ni Marie Claire. Para makuha niya ang kutson, kailangan niyang daanan ang litratong iyon na nakasabit sa dingding. Wala siyang ibang puwedeng madaanan kundi iyon lang. Kaya inabot siya ng kalahating oras sa kaiisip kung tutuloy pa ba siya. Kanina pa siya napa-praning. Hindi na talaga niya kaya. Pero wala siyang magagawa.

Nagsimula na siyang pagpawisan. Nakapako pa rin siya sa kinatatayuan habang iniisip kung paano makukuha ang puting kutson. Kailangan matapos niya ang trabahong iyon bago pa dumating ang kanyang amo. Sa huli, yumuko na lamang siya at nagsimulang maglakad patungo sa kinaroroonan ng kutson. Sinikap niyang huwag ilingon sa kinalalagyan ng litrato ang kanyang mata. Sa sahig lamang siya tumitig at binilisan ang paglakad.

Nang madaanan na niya ang litrato ay nangilabot siya nang husto at ibig nang tumalon ng puso niya sa lakas ng pagkabog nito. Nanginig pa ang mga tuhod niya habang naglalakad. Nang makarating na siya sa aparador ay doon pa lang nabawasan nang bahagya ang kilabot niya.

Nang makuha na niya ang kutson, hinila niya ito palabas sa likod ng aparador. Medyo nabawasan ang takot niya dahil natakpan ng kutson ang litrato habang hinihila niya ito papunta sa kama. Ilang sandali pa, matagumpay niyang nailagay ang puting kutson sa kama. Naiayos na rin niya ang mga puting unan. Napahinga siya nang malalim at pinunasan ang pawis niya gamit ang likod ng kanyang palad.

Paglabas niya ng kuwarto ay hingal na hingal siya. Nanlalamig ang mga palad niya at medyo tumaas ang temperatura niya. Pakiramdam niya'y lalagnatin siya sa sobrang takot kanina. Naisipan niyang tumambay sa balkonahe dahil bukod sa maliwanag doon at presko, mawawala rin sa paligid niya ang litrato ng mga patay na nagdadala ng laksa-laksang kilabot sa kanya. Doon na lang niya naisipang hintayin ang kanyang amo.

Hanggang sa mga oras na iyon ay medyo hirap pa siyang huminga dahil sa lakas ng kabog ng puso niya na sinabayan pa ng paninikip ng dibdib. Sa isip-isip niya'y lalo siyang magkakasakit kapag nagtagal pa siya roon. Naisip tuloy niya na sa oras na makuha na niya ang unang suweldo ay magpapa-alam na siya sa amo at hahanap na lang ng ibang mapagkakakitaan.

PASADONG alas-singko ng hapon na dumating ang kanyang amo. Agad siyang bumaba upang salubungin ang mga ito. Pagbukas niya sa gate, laking gulat niya nang makita ang isang puting kabaong na buhat-buhat ng apat na kalalakihan. Hindi na siya nakapagtanong sa amo kung bakit may dalang kabaong ang mga ito. Dire-diretso lamang ang mga itong pumasok sa loob kasama ng apat na kalalakihan.

Nakabuntot lamang si Marie Claire sa likod ng kanyang amo habang pinanonood ang apat na kalalakihan sa pagpuwesto ng kabaong sa sala. Kahit medyo natatakot, sumunod siya sa amo niya sa paglapit sa kabaong. Nang buksan ng isang lalaki ang kabaong, nangunot ang noo niya nang makita ang nakahimlay na matandang babae. Ang matandang iyon ay ang matandang nasa litrato sa kuwarto. Sa hitsura ng bangkay nito, parang hindi pa ito gaanong nagtagal mula sa pagkakalibing.

Hindi na nakapagsalita si Marie Claire. Nagsimula muling kumabog ang dibdib niya at tumindig ang mga balahibo niya. Ang dami niyang nais itanong sa amo, pero walang isang salita na lumabas sa bibig niya. Naguguluhan siya nang husto sa mga nangyayari. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin para mawala ang takot.

Mula nang iuwi sa bahay na iyon ang labi ng matandang babae, hindi na kayang maglinis mag-isa ni Marie Claire sa sala. Kaya naman kapag naglalaro ang dalawang bata sa sala, doon na lamang siya naglilinis para may kasama. Tinitiis na lang niya ang kalikutan ng dalawang bata.

Isang gabi iyon habang pinanonood ni Marie Claire kung paano bihisan ng mag-asawang Sultana at Ibrahim ang bangkay ng matandang babae. Una, inilabas muna nila sa kabaong ang katawan nito. Pangalawa, hinubad nila ang puting damit pangpatay na suot nito. Pagkatapos, maingat nilang itinayo at hinawakan ang bangkay upang mabihisan ng bagong damit na kahawig din ng naunang damit nito. Ayon kay Sultana, nanay raw nito ang matandang iyon.

Pagkatapos mabihisan ang matanda, muli na itong ipinasok sa kabaong. Nakita niyang hinalikan pa ni Sultana sa noo ang bangkay ng matanda. Napalunok lamang siya ng laway sa nakita at nangunot ang noo.

Mayamaya, inutusan siya ng amo na ilagay sa labahan ang damit na hinubad nila sa matanda. Napako siya sa kinatatayuan habang nakatitig sa damit na galing sa patay. Bakas sa mga mata niya ang takot at pandidiri. Dahan-dahan siyang lumakad patungo sa amo at nanginginig ang mga kamay na kinuha ang damit. Pagkuwa'y mabilis niyang inilagay sa labahan ang damit ng patay atsaka siya naghugas ng kamay sa lababo. Tatlong beses pa niyang sinabon ng safeguard at binanlawan nang mabuti ang kamay niya na pinanghawak sa damit ng patay. Diring-diri siya sa kamay niyang iyon. Pakiramdam niya'y napasukan siya ng nakakahawa at nakamamatay na virus.

Hindi pa siya nakuntento at napilitan siyang maligo kahit gabi na. At habang naliligo siya, ilang beses din niyang sinabon at hinugasan ang kamay niya. Halos pumuti na ang kamay niya at nangulubot ang balat dahil sa labis na paghugas dito. Nang makuntento na siya sa ginawa, mabilis siyang nagpatuyo ng katawan at nagbihis sa kuwarto.

Hindi naman siya makatulog nang gabing iyon. Ibig niyang masuka sa tuwing maiisip niya ang damit ng patay na hinawakan niya. Kahit ilang beses na niyang nahugasan ang kamay, medyo nandidiri pa rin siya kapag nakikita ito.

Tahimik na ang buong bahay. Patay na lahat ang ilaw. Sarado ang mga bintana. Walang ibang marinig si Marie Claire kundi ang kumakabog niyang puso dahil alam niyang nasa sala ang bangkay ng matanda. Nakiramdam siya sa sala. Dalangin niyang huwag sana siyang makarinig ng anumang ingay na magmumula sa sala. Ayaw na talaga siyang patulugin ng kanyang takot. Kaya naman pagsapit ng umaga, puyat na puyat siya. Sa tantiya niya, mahigit kalahating oras lang ang tulog niya. Inaantok pa siya ngunit hindi siya makatulog sa takot kahit umaga na.

Narinig niyang palabas pa lang ng kuwarto ang dalawang bata. Kahit nanlalambot pa ang katawan, pinilit niyang bumangon upang makisabay sa dalawa dahil ayaw niyang maiwan mag-isa. Iba na talaga ang takot niya sa bahay na iyon. Gustuhin man niyang umalis ay hindi pa maaari dahil hindi pa siya sumusuweldo. Wala pa siyang pamasahe pauwi lalo na't malayo ang uuwian niya.

GABI. Magkakasamang kumain sina Marie Claire sa kusina. Nang una siyang matapos kumain, inutusan siya ni Sultana na kunin ang cellphone nito na naiwan sa kama. Lumakas ang tambol ng dibdib ni Marie Claire dahil batid niyang inihiga kanina ng mag-asawa sa kuwarto ang bangkay ng matandang babae. Nahihiya naman siyang magpasama sa dalawang bata dahil kasalukuyang kumakain ang mga ito.

Wala siyang nagawa kundi ang tumayo mag-isa. Pagpunta niya sa sala, ang kabaong na walang laman ang agad na bumungad sa kanya. Napako siya pansamantala sa kinatatayuan. Nanginginig ang mga tuhod niya at napahinga siya nang malalim. Nagwala ang puso niya nang magsimulang maglakad papunta sa kuwarto.

Nang makarating na roon, dahan-dahan niyang binuksan ang pinto at sinilip ang bangkay ng matandang nakahimlay sa kama ng mag-asawa. Hindi na niya tinapunan pa ng tingin ang mukha nito. Mahinahon siyang pumasok sa kuwarto at dinampot ang cellphone na nasa bandang paanan pa talaga ng matanda. May kaunting luha na nga na nangingilid sa mga mata niya dahil sa hindi mapigilang takot.

Habang paatras siyang lumalabas ng kuwarto ay nakatitig siya sa bangkay ng matanda. Ayaw niya itong bitiwan ng tingin dahil baka sumunod ito paglabas niya. Subalit ganoon na lamang ang naging reaksyon niya nang dumilat ang mga mata ng matanda. Halos mamuti na rin ang itim na mata nito sa gitna. Dahil doon, napasigaw nang todo si Marie Claire hanggang sa hindi na niya namalayan ang sumunod na nangyari.

Nang magkamalay siya, nasa loob na siya ng kuwarto niya na katabi lang ng kuwarto ng amo niya. Walang ilaw ang buong bahay. Tila wala ring katao-tao roon liban sa kanya. Doon na bumuhos ang luha niya at umiyak na parang bata. Nagsimula siyang pagpawisan at nanginig ang buong katawan niya.

Napapikit siya at nagdasal ng our father. Subalit lalo siyang kinilabutan nang marinig niyang may boses ng isang matanda ang sumabay sa kanyang pagdarasal. Ang boses nito ay tila nagmula sa kailaliman ng kuweba.

Our f-father... W-who a-art...in h-h-heav-ven...

Nahinto siya sa pagdarasal nang makitang nasa harap na ng pinto ng kuwarto niya ang bangkay ng matanda. Gumagapang ito sa sahig at tila patungo sa kinaroroonan niya. Nagsisigaw siya at isiniksik sa sulok ang sarili. Nagwala siya sa kinalalagyan dahil sa labis na takot. Kulang na lang ay idikit na niya sa loob ng dingding ang kanyang sarili lalo na nang tuluyan nang makalapit sa kanya ang matanda. Wala nang nagawa si Marie Claire kundi ang magdasal nang malakas habang nakapikit at umiiyak. Subalit nahinto siyang muli sa pagdarasal nang hawakan ng matanda ang kaliwang paa niya. Nakakapaso sa sobrang lamig ang kamay nito. Sagad hanggang buto. Hindi na kinaya ni Marie Claire ang takot. Nagdilim ang paningin niya hanggang sa hindi na niya namalayan ang paglipas ng oras.

Nang magkamalay siya, napansin niyang nakahiga siya sa kanyang kama habang nakabantay sa kanya ang mag-asawa.

"Hija, mabuti naman at nagising ka na. Naabutan ka namin kagabi na walang malay sa harap ng pinto ng kuwarto namin. Tapos ungol ka pa nang ungol. Parang nananaginip ka yata ng masama. Kaya inihiga ka na namin sa kama mo," sabi ni Sultana sa kanya.

Matagal bago nakasagot si Marie Claire. Noon lang niya natuklasan na panaginip lang pala ang nangyari kagabi. Pero kahit panaginip lang iyon, malaki pa rin ang epekto niyon sa kanya. Kaya naman nang araw ding iyon, nagpaalam na siya sa kanyang amo na uuwi na sa kanilang probinsya. Agad namang pumayag ang mag-asawa. At kahit hindi pa siya umaabot ng isang buwan doon, ibinigay na ng mga ito ang unang suweldo niya.

Mabilis siyang nag-empake at lumisan sa bahay na nagbigay ng pinakanakakatakot na bangungot sa kanya. Ang mahalaga, may pera siyang maiuuwi para sa kanyang nanay sa probinsya.

Nang siya'y makauwi na sa probinsyang kinalakihan, ikinuwento niya sa kanyang lola ang naging karanasan niya sa bahay ng kanyang amo.

Ayon sa matanda, ang mga ganoong tao raw ay hindi pangkaraniwan. Ang tawag daw sa mga ito ay Taluhmense. Ang relihiyon ng mga ito ay tinatawag namang Taluhma.

Ang mga tao raw na kabilang sa Taluhma Religion ay walang kinagislangang Diyos. Kaya naman ang ginagawa nila, ang mismong mga mahal nila sa buhay na pumanaw na ang ginagawa nilang Diyos upang sambahin.

Sa oras na mamatay ang isa sa miyembro ng kanilang pamilya, ililibing lang nila ito sa loob ng 13 na araw para mabasbasan ng espirito ng kalikasan. At pagkatapos, muli nila itong huhukayin at iuuwi sa bahay upang alagaan, bihisan, at sambahin.

Ang tradisyong iyon ng mga Taluhmense ay sinasabing pampasuwerte. Sinasabi ring hahaba ang buhay ng buo nilang pamilya sa oras na alagaan nila ang bangkay ng kanilang mahal sa buhay.

Kabilang ang mga iyon sa makulay na tradisyon at paniniwala ng mga taong kabilang sa Taluhma Religion. Bagama't kaunti na lamang daw sila sa makabagong panahon, hindi nila hinahayaang maglaho sa mundo ang natitira nilang lahi at kultura.

EPISODE II: BI-ON-IC

HINDI alam ng lalaki kung gaano siya katagal walang malay. Basta't paggising niya, hindi niya alam kung ano'ng ginagawa niya roon, kung paano siya napunta roon, at kung ano'ng lugar ang kinalalagyan niya. Natagpuan niya ang sarili na nakahiga sa isang papag sa isang maliit na kuwarto. Hindi rin niya kilala ang sarili niya. Wala siyang maalala sa halos lahat ng bagay.

"Mabuti naman at nagkamalay ka na," narinig niyang wika ng isang babae. Lumapit ito sa kanya at nagkatinginan sila bago ito muling nagsalita.

"Kamusta ang pakiramdan mo?" mayamaya'y tanong ng babae.

"N-nasaan ako?" awtomatikong sagot ng lalaki.

"Natagpuan kita kanina sa damuhan. Akala ko nga patay ka na. Nang makapa kong may pulso ka pa, dinala na kita rito sa bahay ko," anang babae. "Ano ba'ng nangyari sa 'yo? Taga saan ka? May nagtangka ba sa buhay mo?"

Matagal bago nakasagot ang lalaki. Tumayo muna siya bago tumugon.

"W-wala akong maalala."

"Paano kaya kita matutulungang umuwi sa inyo kung wala kang maalala?" kunot-noong sabi ng babae. "Di bale, dito ka muna sa amin tumira. Kapag may panahon, tutulungan kitang makauwi sa inyo."

Nilibot ng paningin ng lalaki ang buong paligid. Labis ang kanyang pagtataka sa lahat ng nakikita niya. Ni isang bagay ay wala siyang matandaan. Lahat ay hindi pamilyar sa kanya.

"Ako nga pala si Marie Clarie. At dahil wala kang maalala, tatawagin na muna kitang...hmmm... Vladimir! Tama! Bagay na bagay sa 'yo ang pangalang iyon. Dahil mukha kang foreigner," anang babae sa kanya.

Sa buong maghapon, walang tigil si Marie Claire sa pagkukuwento ng tungkol sa buhay niya pati sa mga naging karanasan niya. Napansin niya na ubod ng tahimik ang lalaki. Halos mapanis ang laway nito dahil hindi nagsasalita.

"Mamayang gabi pala, ipapakilala kita sa lola ko. Nandoon din 'yong nanay ko. Nasa kabilang barangay lang ang isa pa naming bahay. Tiyak na matutuwa ang mga iyon kapag nakita ka. Tapos bukas naman ng umaga, ipapasyal kita sa bayan. Sa ngayon, magpahinga ka na muna," wika ni Marie Claire.

Nakaupo lamang si Vladimir sa upuang kahoy habang nakikinig sa mga sinasabi at kinukuwento ng babae.

"Vladimir, alam mo ba, matatakutin ako. Madali lang akong matakot. Dito lang sa bahay na ito ako hindi takot dahil dito ako lumaki at sanay na 'ko rito. Bihira lang ako matakot dito. Pero kapag dinala mo 'ko sa ibang lugar, lalo na sa malalayo, umaapaw ang takot ko," ngiting wika ni Marie Claire habang nagwawalis sa sahig.

Gabi. Magkasama silang naglalakad sa daan nang sila'y mahinto nang makita ang grupo ng mga kalalakihang nag-aaway, nagbubugbugan, at nagbabasagan ng bote sa gitna ng daan. Tatakbo na sana si Marie Claire, subalit ayaw namang kumilos ng kasama niya. Nakatingin lang ito sa mga lalaking nagrarambulan.

"Vladimir, umalis na tayo! May kaaway na naman sina Goyong! Mga miyembro ng isang kinatatakutang gangster dito ang mga 'yan! Walang sinasanto ang mga 'yan! Halika na baka makita pa tayo!" maluha-luha na si Marie Claire sa takot habang pilit na hinihila si Vladimir. Pansin niyang tila napakatigas ng katawan ng lalaki. Kasing tigas ng metal.

Bigo silang makalayo nang makita sila ng grupo nina Goyong. Sindak na sindak si Marie Claire habang pinagmamasdan ang mga lalaking nakahandusay sa daan dahil sa pagkatalo kay Goyong.

"Saan kayo pupunta? Tatakas kayo? Magsusumbong? Mga punyeta!" Inutusan ni Goyong ang dalawang lalaking kasama niya na sugurin sina Marie Claire.

Hindi na halos makahinga si Marie Claire sa lakas ng kabog ng dibdib niya. Nanginginig na ang mga tuhod niya habang pilit na hinihila si Vladimir para umalis.

"Vladimir...u-umalis na tayo! Na-nat-tatakot na...ko!" nanginginig ang boses na wika ni Marie Claire. Sindak na sindak ang mga mata niyang lumuluha habang pinagpapawisan sa takot na nakatitig sa dalawang lalaking papalapit sa kanila.

Pagkalapit ng dalawang lalaki, akmang pagbubuhatan na nila ng kamay ang dalawa, subalit nagulat sila nang sakalin silang dalawa ni Vladimir. May kakaibang lakas na tinataglay ang lalaki. Nagawa niyang buhatin ang dalawa sa pamamagitan lamang ng sakal. Pagkatapos, sabay niyang ibinagsak sa lupa ang mga ito.

Hinila niya ang paa ng isang lalaki. Nasindak ang lahat nang maputol ang kaliwang paa ng isang lalaki. Ang sumunod na nangyari, buong lakas na sinuntok ni Vladimir ang lalaking iyon sa mukha. Ang nangyari, literal na nadurog ang mukha ng lalaki. Tumalsik pa ang mga dugo sa mukha niya. Ang sunod na ginawa niya, hinati niya sa dalawa ang katawan ng lalaki. Nagawa niya iyon sa pamamagitan lamang ng kalmot.

Si Marie Claire, magkasamang sigaw at iyak ang ginawa. Para siyang mababaliw. Ibig bumaligtad ng sikmura niya sa nasasaksihan.

Si Goyong naman, napako sa kinatatayuan at napanganga sa eksena. Nanlalaki ang mga mata niya habang pinanonood kung paano durugin ni Vlamidir ang katawan ng isang kasama niya.

Pagkatapos ni Vladimir sa isang lalaki, ang pangalawang lalaki naman ang ni-murder niya. Pinutol niya ang dalawang kamay at paa nito pati ang ulo. Hiniwa niya ang tiyan nito atsaka ibinaon sa loob ang bali-baling mga kamay at paa nito. Nilamutak din niya ang ulo bago ipinasok sa loob ng tiyan. Sa isang sipa lang ni Vladimir, nagmistulang lobo na pumutok ang katawan ng pangalawang lalaki. Bumaha ng dugo at mga lamang loob sa parte ng kalsadang iyon.

Hindi man lang nabigyan ng pagkakataon ang dalawang lalaki na makasigaw. Sa bilis kumilos ni Vladimir, durog sila kaagad.

Kumaripas ng takbo si Goyong nang magsimulang lumakad si Vladimir patungo sa kanya. Tarantang-taranta siya. Halos hindi siya makahinga sa bilis ng takbo niya. Sa ekspresyon ng mukha niya, ibig na niyang maiyak. Para siyang batang hinahabol ng aso sa kilos niya. Nawala ang pagkasiga niya. Para siyang baklang duwag nang mga sandaling iyon. Pasigaw-sigaw pa.

Si Marie Claire naman, hindi na sinundan pa si Vladimir. Tumakbo na lamang siya pauwi. Dahil sa nasaksihan kanina, nagkaroon na rin siya ng takot sa lalaki. Mangiyak-ngiyak pa siya habang tumatakbo. Nagsuka pa nga siya ng isang beses dahil hindi nakayanan ang eksenang nakita kanina.

Habang tumatakbo si Vladimir ay hindi rin niya maipaliwanag kung bakit siya may ganoong lakas. Noon lang din niya napansin na kasing tigas ng bakal ang katawan niya. Lalo siyang nahiwagaan sa pagkatao niya. Kaya naman lalo siyang nagkaroon ng lakas ng loob para kalabanin si Goyong.

Huminto si Goyong sa pagtakbo nang madaanan niya ang isang truck na nakaparada sa gilid. Ang lalim ng paghingal niya. Halos maligo na siya pawis. Labis siyang nagsisisi kung bakit naduwag siya kanina. Hindi niya tanggap ang pagkaduwag niya. Halos ayaw niyang ma-imagine ang hitsura niya kanina habang kumakaripas ng takbo. Nais niyang gumanti. Nais niyang ipakita na mas mataas siya sa kahit anong paraan.

Sumakay siya sa truck at pina-andar iyon. Nagsimula siyang magmaneho nang mabilis. Pinaharutot pa niya ang truck. Nang makita niya si Vladimir na tumatakbo sa daan upang habulin siya, nagpakawala siya ng ngiting demonyo habang nagbabaga ang mga matang nakatitig sa lalaki.

"Huwag mo 'kong subukang kalabanin, lalaki... Dahil lahat ng magtangkang kumalaban sa akin ay aking dudurugin!"

Nahinto sa pagtakbo si Vladimir nang papalapit na sa kanya ang rumaragasang truck. Hindi na niya nagawang umiwas pa, sapul ang katawan niya sa truck. Sinadya pang i-urong at i-sulong ni Goyong ng tatlong beses ang truck upang madaganan ng gulong ang nakabulagtang katawan ni Vladimir.

Nang makatiyak na wala na ang lalaki, nagmaneho na siya paalis ng lugar na iyon. Naiwan sa daan ang kalunos-lunos na katawan ni Vladimir. Bali-bali ang buto nito sa buong katawan. Sa kabila ng pagkadurog ng katawan nito ay walang kahit isang patak ng dugo ang lumabas mula sa kanyang katawan!

Makalipas ng ilang oras, may pulang van na dumaan at huminto sa nakabulagtang katawan ni Vladimir. Bumaba ang dalawang lalaki sa van at kinuha ang katawan ng lalaki. Nang maipasok sa loob ng van, nilisan na nila ang lugar na iyon.

NANG magkamalay si Vladimir ay hindi niya muling alam kung saang lugar siya naroroon. Nakahiga siya sa isang higaan na gawa sa bakal habang maraming mga wire na nakadikit sa katawan niya.

Mayamaya, may matabang lalaking nakasuot ng puting uniporme at nakasalamin ang lumapit sa kanya.

"Ikaw pala gising na," wika nito gamit ang native accent nito.

"N-nasaan ako?" mahina ang boses na tanong ni Vladimir.

"Dito ka ngayon sa laboratory ko. Ako gawa sa 'yo. Ako rin balik buhay sa 'yo," tugon ng lalaki.

Inilibot ni Vladimir ang kanyang paningin. Sa paligid, nakita niya ang mga walang malay na katawang tao na nakalagay sa isang malalaking pabilog na lalagyanan. Marami ring wire na nakadikit sa katawan ng mga ito. Puno rin ng naglalakihang makina ang paligid.

Sa kabilang dako naman, nakita niya ang mga trabahador sa pag-assemble ng mga katawang tao na yari sa bakal. Sa huli, natuklasan ni Vladimir ang tunay niyang pagkatao. Siya ay kalahating robot at kalahating tao. Tao ang panlabas na katawan niya ngunit makina, elektrisidad, at bakal naman ang nasa loob ng katawan niya. Iyon ang dahilan kung bakit wala siyang dugo sa katawan. Dahil electricity ang bumubuhay sa kanya.

Isa siya sa mga imbento ng Japanese-Filipino evil scientist at inventor na si Kuku Roko Kawasaki. Ang misyon ni Mr. Kawasaki ay gumawa ng isang taong walang kamatayan, may taglay na kakaibang lakas, at may kakayahang pumatay sa brutal na paraan.

Ikinuwento rin ni Mr. Kawasaki kay Vladimir na matapos siya nitong mabuo, ipinatapon siya nito sa malayong lugar. At kahit nasa malayong lugar siya, nalalaman ng imbentor ang lahat ng nangyayari sa kanya dahil sa ikinabit nitong spy machine sa kanyang katawan.

Doon naging malinaw kay Vladimir ang lahat kung bakit wala siyang maalala noong unang beses na magkamalay siya. Dahil siya ay hindi talaga ganap na tao. Isa siyang masamang robot na pinagmukhang tao. Siya'y eksperimento lamang ng isang imbentor na kampon ng dilim!

EPISODE III: DEATH CAR

NANINIWALA ka ba sa sinasabi nilang 'impiyerno dito sa lupa?'

Napasubo sa kaiinom ng alak sina Pedring at Juancio kung kaya't inabot sila ng hatinggabi sa daan. Malayo pa ang uuwian nila ngunit hindi na halos nila kayang lumakad dahil sa kalasingan. Pahinto-hinto ang dalawa habang nagkukuwentuhan.

Natigil sa pag-uusap ang dalawa nang makakita ng isang itim na kotseng tila papalapit sa kanila.

"Ala! Eh! Hanep ang kotseng iyon, aha! Mukhang napakayaman naman yata ng may-ari niyan!" komento ni Pedring habang nakatingin sa papalapit na kotse.

"Ala! Eh! Harangan na naten! Magpahatid na lang tayo, ah?" sabi naman ni Juancio.

Kahit hindi pa nila napapara ang kotse, kusa itong huminto sa harap nila. Pagbukas ng pinto ng kotse, laking gulat ng dalawang lasing dahil walang tao sa loob! Hangin lang ang naramdaman nilang lumabas sa kotse. Hangin na nagpawala sa kalasingan nila.

"P-pare..." ani Pedring. Nanlalaki ang mga matang nakatitig sa loob ng kotse.

Napa-atras silang dalawa at nagkatinginan. Bakas sa kanilang mata ang takot.

"Mukhang lasing na yata talaga tayo... Kasi pare--" Hindi na naipagpatuloy ni Juancio ang sinasabi. Bigla na lamang nanigas ang buong katawan nito. Lalong nanlaki ang mga mata ni Pedring nang biglang bumulagta sa daan si Juancio. Dilat ang mga mata nito at wala nang buhay!

Tatakbo na sana si Pedring ngunit siya naman ang sumunod na naparalisado. Lalong namilog ang mga mata niya nang maramdamang unti-unting nalalagot ang kanyang hininga. Isang iglap lang, pareho nang nakabulagta sa daan ang dalawang lasing. Pareho silang wala nang hininga, dilat ang mga mata at nakabuka ang bibig.

Sumara ang pinto ng kotse at nagsimula na itong sumulong muli paalis ng lugar na iyon.

ISANG nakasisindak na balita ang kumalat sa buong bayan. Nakarating pa ito sa diyaryo. Tungkol ito sa diumano'y itim na sasakyang gumagala kapag gabi. Wala raw tao o drayber ang naturang sasakyan ngunit umaandar itong mag-isa. May nakapagsabi rin daw na napaparalisado ang sinumang mapalapit sa sasakyan iyon, pagkatapos ay biglang malalagutan ng hininga sa gitna ng daan. Ngunit walang nakaka-alam kung saan galing ang nasabing sasakyan at kung saan ito tumutungo pagkatapos nitong gumala sa gabi.

HATINGGABI na nakarating si Marie Claire sa bayan. Kahit ginabi siya sa paghahanap ng trabahong mapapasukan, ang mahalaga'y natanggap siya sa huling inaplayan.

Medyo binilisan niya ang paglalakad dahil kinikilabutan siya sa dilim ng paligid. Nagpatugtog pa siya sa cellphone upang hindi marinig ang nakakatakot na katahimikan ng gabi. Hindi niya halos magawang tapunan ng tingin ang mga puno at matataas na damong nasa paligid. Pakiramdam kasi niya'y may nilalang na sisilip sa kanya roon sa oras na tumingin siya. Dumagdag pa ang malamig na simoy ng hangin na lalong nagpataas sa balahibo niya.

Sa kalagitnaan ng kanyang paglalakad, umagaw sa kanyang atensyon ang isang itim na kotseng paparating. Kinabahan siya dahil baka mga sindikato o masasamang loob ang nakasakay roon. Lalo siyang kinabahan nang huminto ito sa harap niya. Nang bumukas ang pinto ng sasakyan, nahulog ni Marie Claire ang hawak na bag sa pagkasindak dahil walang tao sa loob ng sasakyan. Bago pa siya makagawa ng aksyon, naparalisado na ang buong katawan niya at unti-unting nalagot ang hininga niya hanggang sa nagdilim ang lahat sa kanya.

Nang magkamalay siya, nasa loob na siya ng sasakyan. Napasigaw siyang agad nang makita ang itim na lalaking nagmamaneho. May sungay ito sa magkabilang noo, namumula ang mga mata, mahaba ang ilong at tainga, at litaw ang ugat sa buong katawan. Ipinikit niya ang mga mata at umusal ng dasal.

"Wala na tayong magagawa..."

Nilingon ni Marie Claire ang pinanggalingan ng tinig. Sa kanyang tabi, may isa pang babaeng nakaupo. Sa tantiya niya'y menorde edad pa lamang ito. Umiiyak ito at nanginginig ang mga kamay at tuhod sa takot.

"A-ano?" nanginginig ang boses na tanong ni Marie Claire sa dalagita.

"Dapat mong malaman na patay na tayong dalawa. Mga kaluluwa na lamang natin ang nakasakay dito sa sasakyan. Ang katawang-tao natin ay paniguradong naiwan na sa lugar kung saan tayo nasalubong ng kotseng ito. Pareho lang tayong dinakip ng demonyo!"

Namilog ang mga mata ni Marie Claire at napabuka ang bibig niya. Walang boses na lumabas sa bibig niya. Noon lang din niya napansin na hindi niya makita ang sarili niyang katawan kahit nakaupo na siya sa likod ng sasakyan. Nararamdaman niyang kumikilos siya, ngunit hindi niya makita ang kanyang katawan. Pati kamay, paa, tuhod, wala siyang makita sa kahit anumang parte ng katawan niya.

Naramdaman niyang nagsimulang tumulo ang luha niya. Takot na takot siya ngunit hindi na niya maramdaman ang tibok ng puso niya. Wala na siyang maramdamang pumipintig sa loob ng kanyang dibdib. Basta't ang alam lang niya, labis-labis ang kilabot niya. Para siyang nakakulong sa isang karumal-dumal na bangungot. Nais niyang kumawala ngunit hindi niya alam kung paano.

Huminto ang sasakyan sa harap ng isang malaking haunted house. Mula sa bintana ng kotse, nakita ni Marie Claire ang maliwanag na sinag ng bilog na buwan. Doon niya naisip na tila ang haba yata ng biniyahe nila sapagkat hindi na pamilyar sa kanya ang lugar. Nakatitiyak siyang nasa malayong lugar na sila.

Dahan-dahang bumukas mag-isa ang kinakalawang na gate ng haunted house. Lumikha pa iyon ng nakaririnding ingay. Pagkabukas ng gate, pumasok ang sasakyan sa loob. Pagtapat nito sa mismong harap ng bahay, bumaba ang demonyong nagmaneho ng sasakyan. Binuksan niya ang pangalawang pinto ng sasakyan at binuhat si Marie Claire. May isa pang demonyo ang lumapit sa sasakyan at binuhat naman nito ang dalagita.

Parehong nagwala sina Marie Claire habang ipinapasok sila sa loob ng haunted house.

Pagkabukas ng pinto, nahinto sila sa pagwawala nang makita ang iba pang tao na nakakalat sa loob. Halos lahat sa kanila ay nakatali ang buong katawan. Ang iba naman ay ginagahasa ng mga demonyo. Ang iba naman ay binubugbog ng mga kampon ng dilim at pinapakain ng bubog. Pakiramdam ni Marie Claire ay nasa impiyerno sila.

Dinala sila ng mga demonyo sa isang bakanteng kama na puno ng mga alupihan. Magkatabi sina Marie Claire at ang dalagita. Itinali ng dalawang demonyo ang kanilang katawan sa kamang iyon.

Nagsimulang magsisigaw ang dalawang babae nang maramdaman nilang gumapang sa katawan nila ang mga alupihan. Si Marie Claire naman, ibig niyang masuka nang maramdamang may mga alupihang pumasok sa bibig niya. Pinilit niyang sumuka ngunit wala namang lumalabas sa bibig niya. Wala na siyang nagawa kundi ang sumigaw at umiyak na parang bata.

Ang bahay na iyon na kung tawagin ay Casa Inferno, ay sinasabing mala-impiyernong bahay na nag-e-exist dito sa lupa. Kung sa labas ay para lamang itong pangkaraniwang haunted house, sa loob naman nito ay kasuklam-suklam ang makikita sa buong paligid.

Ang mga demonyong naninirahan sa bahay na iyon ay hindi nakikita ng mga taong buhay. Tanging mga kaluluwa lamang ang puwedeng makakita sa kanila. Walang nakaka-alam kung kailan dumating ang mga demonyong namumugad sa nasabing bahay dahil hindi naman sila nakikita. Ngunit isa lang ang alam ng iba: maraming masasamang naganap sa bahay na iyon noong panahon ng mga Kastila. At ang itim na sasakyang ginagamit ng mga demonyo sa pangunguha ng mga kaluluwa sa gabi, ay ang mismong sasakyan na ginamit ng mga Kastila noon upang dakpin ang mga Pilipinong pupugutan nila ng ulo.

ONE YEAR LATER.

May isang babaeng halatang pinagsamantalahan ang tumatakbo sa gitna ng daan. Punit-punit ang damit niya at gulong-gulo ang buhok. Ang kanyang mga luha ay may halo nang dumi.

"Tulungan n'yo ko! Saklolo!" umiiyak na sigaw niya sa kawalan habang nananangis. Sobrang bilis ng pintig ng puso niya. Nanginginig ang buong katawan niya. Umaapaw ang takot niya na baka masundan siya ng tatlong kalalakihang nanamantala sa kanya.

Mayamaya pa, may itim na sasakyan siyang nakita na paparating. Tila nakatagpo siya ng pag-asa. Agad siyang pumagitna sa daan at pinara ang sasakyan. Pagkahinto ng sasakyan, bumukas ang pinto nito. Pagsilip niya sa loob, laking gulat niya dahil nasa loob niyon ang tatlong kalalakihang nanamantala sa kanya.

Nagtatalon at nagsisigaw ang babae sa takot. Bago pa siya makagawa ng aksyon, bumaba ang isang lalaki at binuhat ang babae papasok sa loob ng kanilang sasakyan. Tinalian pa siya sa kamay at tinutukan ng baril sa ulo. Hindi na nakakilos ang babae. Nanginig na lamang ang buong katawan niya habang patuloy ang pagtulo ng luha.

Habang kasalukuyang nagmamaneho ang leader ng mga rapist na iyon ay may dumating naman na isa pang itim na sasakyan sa kanilang dinadaanan. Huminto ito sa gitna ng daan at tila walang balak na sumulong o tumabi man lang.

"Aba! Gago yata 'yong driver na iyon, a! Hinarangan tayo!" galit na wika ng leader.

Nang bumaba ito sa loob ng sasakyan, sumunod din sa kanya ang dalawang kasamahan. Magkasama nilang nilapitan ang itim na kotse at dinukot ang baril sa bulsa.

Pagkalapit nila sa itim na kotse ay biglang bumukas ang pinto nito. Pagsilip ng tatlo sa loob, laking gulat nila dahil walang tao!

***THE END***

Episode I: Taluhma Episode 2: Bionic Episode 3: Death Car

SHAKE RATTLE & ROLL 8: ENDLESS DEATH by Daryl John Spears All Rights Reserved 2017 Property of University of Horror Stories


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
No tags yet.
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic
bottom of page