top of page

JUTO (One Shot Story)


Chapter 1: Bargain Sale ******************** Mahilig sa bargain sale ang nanay ni Arnel. Halos 4 na beses sa isang buwan kung dumayo ito sa UK (ukay-ukay), akala mo sa ibang bansa niya ginagawa ang pamimili, hindi, yun ang tawag sa bargain sale dito sa Pinas. Ibat ibang uri ng imported goods ang makikita rito bukod sa mga damit, kasangkapan sa kusina at minsan kung siswertehin, ilang second hand appliances. Karamihan dito ay mula sa India, America at China. "Soy, wala ka bang gustong bilhin dito?" Tanong ni Bing-Bing na halos mapuno na ang bitbit na basket ng ukay ukay. Soy, yun ang tawag niya sa anak dahil si Arnel ang bunso kaya binansagan siyang Bunsoy. Napailing si Arnel. Wala siyang magustuhan, ang totoo niyan hindi naman niya nais na sumama sa magulong mundo ng ukay ukay. Mas nageenjoy siya sa bahay habang hinihintay na umalis ang kanyang nanay papunta sa Bible study, pagkakataon na makatakas papuntang internet cafe. Naa-addict kasi siya sa DOTA2. Deliryo ni Bing-Bing ang sitwasyon ng anak, nagiging alipin na ito sa mundo ng War Craft. Halos ang 90% ng baon nito sa eskwelahan ay napupunta sa kaha ng internet cafe at siya, sa lahat ng karapatan na iginagawad ng pagiging ina ay walang magawa pero hindi niya binubulyawan ang anak. Sadyang hindi siya mabungangang ina ngunit kailangan niyang turuan si Arnel na magipon para sa tagulan, di nga lang niya alam kung paano? "Wala akong gusto dito Ma." sabi ni Arnel. Wala na nga bang pag-asa na magamot ang pagkahumaling ng anak sa kinababaliwang online game? Sandaling nawala sa isip si Bing-Bing, sa kakaisip ng solusyon, nakalimutan niyang nasa ukayan pa sila hanggang sa bigla siyang hilahin pabalik ng sigaw ng isang babaeng tindera. "Bente na lang teh." Sabay bigay ng comforter na kulay yellow. Mukhang nagulat siya sa tindera, di siya agad sumagot, pinagisipan niyang mabuti ang comforter na yun at nang makita ng tindera na unti unting naglalaho ang interes ng kanyang prospek, "Libre na'tong alkansya..." sabi niya. "Bente na lang talaga." Isang ceramic na ulo ng baboy ang alkansya na ipinakita ng tindera sa mag-ina. Mukhang Chinese mula sa pulang inskripsyon sa ibabaw na naka-embos naman sa gintong pintura nito. Di sana kukunin ni Bing-Bing ang comforter subalit nahulog ang loob niya sa masayang mukha ng baboy na nakangiti sa kanya, animoy nagsasabing "Bilhin mo na ako." Chapter 2: Dreams **************** Mayroon namang sobrang pera na nasa loob ng alkansya, sigurado siyang sampung piso lang ang naihulog niya rito kahapon subalit nang kunin niya ito ay dalawampung piso na ang laman. Ilang beses na niya itong napansin mula nang mabili ang alkansya, one last and desperate attempt na turuang magtipid ang anak. Naisip ni Arnel na hinuhulugan rin ito ng kanyang ama't ina, bagay na ikinalaking tuwa niya dahil may extrang pera na siya para makapaglaro ng DOTA. "Parati ka yatang may pera ngayon ah!" panunuksong tanong ni JR. Hindi na ito masyadong pinansin ni Arnel, alam na niya ng susunod na sasabihin ng pinsang addict din sa DOTA. "Librehin mo naman ako." Yun ang punch line na kanina pa niya hinihintay. Tinatawanan na lamang niya ito, kung minsan ay nililibre niya si JR, after all, kahit araw araw pa sila maginternet, ok lang dahil parang hindi nauubusan ng laman ang piggy bank na yun. Bagamat napapaisip sa hiwaga ng alkansya, inisang tabi niya ito at naniniwalang nilalagyan din ito ng kanyang mga magulang. "Naku Soy," paliwanag ng ina. "...kulang pa nga tayo sa budget. Paano pa kami makakahulog dyan?" Sandaling napaisip si Arnel. Kung hindi sila, eh sino? Di niya maintindihan kung bakit nakaramdam siya ng takot, sobrang takot para mabilaukan siya sa fried chicken na ulam nila nang tanghaling iyon. Inubos niya ang laman ng piggy bank na halos hindi umaabot sa isang daan, salamat sa pinsan niyang si JR at sa DOTA ngunit ngayong gabi ay sinigurado niyang walang laman ang alkansya. Nagising siya sa kalagitnaan ng gabi, pawisan at hinihingal dahil sa kanyang panaginip. Nakakita siya ng isang gintong mascot na may ulo ng baboy, ang mismong alkansyang ulo na binili nila sa ukay ukay. Nagpakilala ito bilang isang genie, may katawan, kamay at paa at sing taas niya, ang kulay ng kanyang balat ay ginintuang dilaw at nang hawakan ito ni Arnel ay naramdaman niya ang lambot na nagpaalala sa kanya ng isang stufftoy tulad ng spongebob na iniregalo ng kanyang ina sa kaarawan ng kanyang ate Shyn. Genie ngunit hindi nakakapagbigay ng kahilingan, isang genie na ang tanging alam ay magbigay ng pera o doblehin ang perang ibibigay mo sa kanya."Gusto ko ng maraming pera." Sabi ni Arnel. Nakita ng nilalang ang pagkaganid sa puso niya at napangiti. "Masusunod." Isang saglit pa at nakarinig siya ng kulog na nagmula sa lupa, hindi, tunog yun ng lupang nagsisimulang gumalaw. Isang lindol!!! Huli na nang makita niyang bumiyak ang lupa at nahulog siya sa ilalim. Hindi ganun kalalim ang kanyang nahulugan, sampung talampakan lang subalit sa ibaba! Nakita niyang nabaon ang kalahati ng kanyang katawan sa gintong pera. Tumingala siya at naaninag ang mascot na may ulo ng kanyang piggy bank na nagpakilalang genie, naalala niya ang mga detalye na para bang kanta ni Gloc 9, paulit ulit na tumutugtog sa kanyang isipan. Nakita niyang nakatingin sa kanya ang genie nang biglang sumigaw ito sa boses na nakakapangilabot, "Isang dagat ng pera!!!" Muling nakarinig si Arnel ng tunog, tila malakas na patak ng ulan. Namuo na lang ang takot sa kanyang isipan nang makitang gumalaw ang bundok ng gintong pera. Ilang sandali pa ay nakita niyang umalsa na parang alon ang gintong pera at sasakluban siya nito. Kadiliman. Tawa ng nilalang. Katapusan. Chapter 3: Change for the worse ************************** Kinaumagahan ay muli niyang nilagyan ng sampung piso ang alkansya. Ngayon lamang niya naalala ang mga kalansing na naririnig niya noon. Isang buong sampung piso ang kanyang inihulog subalit nang buksan niya ang alkansya ay dalawampung piso na ang kanyang nakita sa loob. Sinubukan niyang hulugan ng limampung piso ang alkansya, naghintay at ilang sandali pa ay muling tiningnan ang laman. May maliit na butas ito sa ilalim na nagsisilbing bukasan upang makuha ang pera sa loob at gaya ng inasahan mayroon na siyang isang daang piso. "Mahiwagang alkansya to!" Buong tuwa niyang sinabi sa sarili. Sa pagdaan ng mga araw ay lalong nalulong si Arnel sa paglalaro ng DOTA, napabayaan na niya ang kanyang pagaaral at kinabahala ito ng kanyang ina. Itinago niya ang mahiwagang alkansya at nang tanungin siya ng kanyang ina tungkol sa animoy di maubos ubos na pera ay, "Nagpupustahan kami sa DOTA ma." Marahil malaki nga ang napapanalunan niya sa laro pero ang totoo kahit matalo siya ay ayos lang dahil dinodoble ng alkansya ang anu mang halagang ihulog mo rito. Nagbago rin ang ugali ni Arnel. Parating mainitin ang ulo at walang inatupag kundi paglalaro ng DOTA. Hanggang sa magkasakit ang kanyang ama. Na-diagnose ng Lung cancer ang kanyang ama at na confine ito sa ospital. Bagamat namroblema si Bing-Bing ng panggastos, hindi nagalala si Arnel dahil mayroon siya mahiwagang alkansya. Hindi siya nagalinlangan na manghiram ng isang libo at gaya ng dati dumoble ang perang iyon hanggang sa makalikom siya ng sapat na pangtustos sa ospital. Responsive ang ama sa treatment at maayos ang lahat sa ospital kaya ikinagulat na lamang nila nang malamang binawian ito ng buhay. Ilang linggo matapos ang libing ay nagkaproblema ang kanyang ate Shyn sa trabaho at inakusahan itong nakapag despalko ng malaking halaga. Tinangka ni Arnel na tulungan ang kapatid at pinadalhan niya ito ng pera na pambayad sa atrasong di niya naman ginawa. Nabayaran ito at naiwasang makasuhan ang kapatid subalit nakilala ni Shyn ang totoong salarin, ang mismong manager ng kompanyang pinagtatrabahuan niya. Nanatiling tikom ang bibig ni Shyn at pinaubaya na lamang sa Dios ang nangyari, subalit upang maiwasan ang pagkakadawit ay minabuti ng manager na ipadukot at ipapatay si Shyn, bagay na ikinabalisa ng bunsong kapatid dahil sa kabila ng patuloy na pagagas ng pera sa kanyang palad, wala naman siyang magawa sa isa isang pagkawala ng kanyang mga mahal sa buhay. Ilang araw pa lamang ang nagdaan nang malaman ni Bing-Bing na namatay rin ang pamangkin na si JR. Nasagasaan raw ito ng rumaragasang Crosswind habang tumatawid pauwi sa kanila. Chapter 4: 4 Shens of Tibet *********************** Ayon sa alamat mayroong 4 na Punong Panginoon sa Tibet nung unang panahon, si Shen Long ang dios ng karunungan at digmaan, si Shen Yang ang dios ng pagsasaka at kasiyahan, si Shen Gooy ang dios ng tubig at kapayapaan at si Shen Ju ang dios ng kayamanan at katakawan. Sa apat na Shen, si Ju ang pinakamahigpit at brutal na pinuno. Ginagamit niya ang kanyang kapangyarihan upang turuan ng leksyon ang mga tao na mapangabuso sa pera at kasaganahan. Ang tatlong punong panginoon ay nangimbal sa mga ginagawa ni Ju kung kaya inialay nila ang kanilang buhay upang maikulong ang mapanirang Shen sa isang sisidlang putik. Dito nagumpisa ang Juto. Habang nasa eskwelahan at nakikinig sa kanilang leksyon ay nakatanggap ng text si Arnel mula sa kanyang ina. "Soy, naaksidente si JR." Nawala ang kanyang antok na dulot ng pakikinig sa boring history lesson ng oras na iyon. As if hindi pa sapat ang kamalasan na dumating sa kanyang pamilya, nung una ang kanyang ama, sumunod ang ate niya, dumating na nga sa puntong inasahan niyang marahil ang kanyang ina ang sunod na kukunin ng kamalasang iyon, pero ang hindi niya inasahan ay ang pagkawala ng pinsang si JR na siyang parati niyang kasama sa halos lahat ng bagay. Nabitawan niya ang cellphone. Bumagsak ito sa sementong sahig ng silid aralan, bagay na siguradong makakatawag atensyon kung kaya dali dali niya itong pinulot at humanda sa tiyak na pagtawag ng guro sa kanya subalit hindi iyon nangyari. Nang mapansin ang katahimikan ay inayos niya agad ang pagupo, sa isang iglap, dakong hapon na at nakaupo siya sa loob ng bakanteng silid aralan. Walang guro at walang mga kamag aral. Nakarinig siya ng malakas na tawa ng isang nilalang, lumingon lingon siya sa palibot subalit wala siyang makitang tao. Bigla siyang napatayo sa takot nang maisip niya nangagaling sa ilalim ng lupa ang tinig na iyon. "Bayad na ang tatlong Shen." Tatakbo sana palabas ng silid si Arnel nang mapansin niya sa pamamagitan ng dulo ng kanyang mata ang isang gintong halimaw na may ulo ng baboy damo na nakatayo may ilang talampakan mula sa kanya. Nagalinlangan siyang tumakbo sapagkat nakatayo ang halimaw malapit sa pintuan. 3 kaluluwa lang ang kanyang kinailangan upang makatakas sa kanyang sisidlang putik. 3 kaluluwa na siyang isasanla niya kapalit sa 3 Shen na nagbuwis ng kanilang buhay upang maikulong siya. Si Shen Ju, ang dios ng kayamanan at katakawan. Ngayon ay naintindihan na ni Arnel, hindi mahiwagang alkansya ang kanilang nabili kundi sinumpang reliko ng kinalimutang kahapon at ngayong nakatakas na ito ay sisingilin na niya ang kanyang mga pinautang kay Arnel. "Sa kasalungatan, hindi ako naparito para sayo." Sabi ni Shen Ju. Nalito si Arnel sa sinabi ng nilalang. Hindi ba ganun ang nangyayari sa mga horror movies? Pagnakawala na sa kulungan ang halimaw ay kakainin niya ang unang tao na makikita niya? Tama, yun ang nangyayari sa horror movies diba? "Hor!" Napaungol ang halimaw, napansin ni Arnel na ang balat nito ay nababalutan rin ng buhok na ginto. Mayroon itong mga pulang tattoo na sulat tsino, sing pula ng sariwang dugo. Pero hindi ito horror movie at lalong wala ang sinumpang alkansya dito. "Sa bahay!!!" Sigaw ni Arnel. Naglaho ang halimaw kasabay ng malakas na tawa nito. "Ang alin Mr. Degala?" Tanong ng guro niyang kanina pa nakatingin sa kanya at nagtataka kung bakit siya nakatayo. Atensyon, nakuha nga niya ang atensyon ng buong klase dahil ngayon ay nakatingin ang lahat sa kanya. Shit! Chapter 5: Business and Blood ************************* Dali dali siyang nagisip ng excuse para makauwi, masakit ang ulo, namatay ang pusa o magugunaw na ang mundo, kahit ano para lang makauwi pero sa totoo lang, pakiramdam niya ay magugunaw na nga ang kanyang mundo. Naisip niya ang kanyang ama, ang kanyang ate at ang kanyang pinsan, lahat sila ay naging kabayaran sa buhay ng tatlong Shen dahil lahat sila ay nakatanggap ng pera na galing sa alkansya. "Pinairal ko kasi ang pagiging maluho ko." Sabi ni Arnel. Nasilaw siya sa perang di maubos, perang ngayon ay umuubos sa mga mahal niya sa buhay. Binilisan niya ang pagtakbo pauwi. Hindi naman kalayuan ang eskwelahan sa kanilang bahay kung kaya hindi na siya sumakay, sa sandaling iyon ay ipinangako niyang hindi na niya gagamitin ang anumang pera na galing sa alkansya. Nagalala siya kanina sa eskwelahan at nagpasyang umuwi dahil hindi sinasagot ng ina ang kanyang cellphone. Di na niya inaksaya ang panahon, tinulak niya ang pinto at agad pumasok upang hanapin ang ina. Nakarinig siya ng ungol ng isang aso? Hindi, marahil isang hayop na mas malaki pa sa aso! Nanggagaling ang tunog mula sa kusina. Dahan dahan siyang lumapit sa pasilyong papunta sa kusina, sabay hablot ng isang babasaging plurera sa sala. Dahan dahang sumilip siya sa gilid ng pader at nakita niya ang mismong gintong halimaw kanina na ngayon ay nakayuko malapit sa ilalim ng mesa. Nanlamig na lamang si Arnel ng mapansing may dugo na nakapahid sa floor cabinet ng lababo, dugo na mukhang pinahid ng nanghihinang mga kamay ng isang tao. Ang kanyang ina! Ang kanyang biglang pagurong ang nakaagaw ng atensyon ng halimaw. "Arneeel!" Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang gutay gutay na katawan ng kanyang ina na kanina ay natatabunan ng halimaw na baboy. Punit punit ang balat at labas ang lamang loob. "Hreeeek!" Muling umungol si Shen Ju bago ito tumayo at dahan dahang lumapit sa kanya. "Napakasarap ng iyong ina." Sabi ng halimaw. "Hmm... nabighani ako sa kanya nung una ko palang siya makita sa ukayan." Muling bumalik sa kanyang alaala ang araw na magkasama sila ng ina sa ukayan. "Soy, kailangan matuto kang magtipid." Sabi ni Bing-Bing. Binili niya ang nakangiting alkansyang baboy at umasang matutunan ng anak ang kahalagahan ng pera subalit ngayon ay may natutunang mas importanteng bagay si Arnel. "Aanuhin mo ang kayamanan kung wala ka nang pamilyang masisilungan?" "Hahaha!" Natawa ang nilalang sa naisip ni Arnel. "Ang iyong ina..." pagpapatuloy nito. "...alam mo bang nagmakaawa siyang wag ka patayin?" Yun ang ipinakiusap ni Bing Bing sa halimaw, ang kahabagan sa mauulila niyang bunsong anak. Ginawa niya ito bago ipakain ng buhay ang sarili sa punong panginoon. Ngunit ang pangako ni Shen Ju ay walang halaga dahil sa itim niyang puso na walang nararamdaman kundi pagnanasa, kasakiman at pagkauhaw sa kapangyarihan. "Hahaha! Subalit dito na magtatapos ang iyong kwento bata." Lumiyab ang mapupulang mata ni Shen Ju at akmang susunggaban si Arnel ngunit mayroong hindi nalalaman ang halimaw tungkol sa sakripisyo ng 3 Shen. Biglang nanlaki ang kanyang mata at nawala ang lumiliyab na liwanag rito, napahawak siya sa kanyang tyan at biglang napaluhod sa naramdamang sakit. "Ano to!!?" Sigaw ni Shen Ju. Ngunit huli na ang lahat at bumagsak siya sa sahig. Isang matunog na bagsak ng bakal sa sementong sahig. Dilat ang mata, hinahabol ang hininga subalit di na makagalaw. Nakatitig siya kay Arnel may ilang dipa ang layo mula rito. Lumiwanag ang palibot, nakakabulag na liwanag ang nagmula kay Shen Ju. Sobrang liwanag upang tumalikod si Arnel na hanggang ngayon ay nakahandusay sa sahig at nanlalambot sa mga nasaksihan. Tumalikod siya at tinakpan ang mga mata. Nang maglaho ang liwanag, lumingon siya upang tingnan ang nangyari sa halimaw para lamang makitang naglaho na ito at ang pumalit sa lugar nito ay ang sinumpang alkansya! Buong lakas na tumayo si Arnel, lumapit at dinampot ito. Naisip niyang kung wawasakin niya ito ngayon ay mapuputol din ang sumpa at mamamatay ang halimaw. Iniangat niya ito upang ihampas sa sahig, "Katapusan mo na Shen Ju!!" Sigaw ni Arnel. Inihagis niya ang alkansya sa ere at tumama ito sa pader na nagsanhi ng malakas na kalampag sa buong bahay, bago sumalpak muli sa sahig, sa pagkainis ay kumuha siya ng martilyo at pinagpupukpok ang alkansya ngunit bigo siya sa balak na wasakin ito. Nagulat si Arnel, di niya inasahang buo parin ang sisidlan ng halimaw at walang anumang bakas na mawawasak ito. Ang totoo hindi ito mawawasak kahit kailan at pag muling ginamit ng sinuman ay mauulit ang mga pangyayaring dinanas niya. Muli niya itong pinulot at binalot ng puting tela, naupo, nagpahinga, nagisip, habang nakapatong sa kandungan ang alkansya binalot, sino ang magaakalang sa ilalim ng ngiting iyon ay isang mabangis na halimaw. Wala. Wala. Kabaliwan. Kawalan. Katapusan.


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic

FOLLOW US

  • Facebook Classic
  • YouTube Social  Icon
  • Google+ Social Icon
  • Blogger - White Circle

© 2015 by Daryl Morales (UHS Creator)

bottom of page