PUTIK (One Shot Story)
![](https://static.wixstatic.com/media/cb2b58_ca25c3aa2c7548f6af3968ed2019d176.jpg/v1/fill/w_206,h_274,al_c,q_80,enc_auto/cb2b58_ca25c3aa2c7548f6af3968ed2019d176.jpg)
[Episode 1] Nakadekwatrong upo si Chelsea sa beranda ng bahay ni tita Elaine niya, nakaipit sa braso ang paborito niyang manika na pinangalanang Lucille. Tumatagos sa mga dahon ng balete ang sinag ng araw habang ito'y tumatama sa semento ng beranda. Namangha ang bata sa kanyang nakita kaya pinagmasdan niya ang pamamaalam ng liwanag. Napakaganda ng paglubog ng araw. Ang mahabang paguusap sa loob ng bahay ay maririnig mula sa labas kaya nakinig si Chelsea. "Elaine, buti naman at sumama kayo sa pagsimba kanina." Masayang sabi ni Megan. "Dito na lang kaya kami magpalipas ng gabi." "Pwede rin, pero diba hindi kayo nakapag paalam kay Jon Jon, hindi kaya magalala yun?" Paalalang tanong ni Elaine. "Oo nga pala." "Wag kang magalala, ipapahatid ko kayo mamaya kay Erwin." "Naku, salamat ate." Napangiti si Elaine, "Isa pa, gusto kong matikman mo ang niluto kong Kare-kare." Napangiwi si Megan sa sinabi ng kapatid, "Lord!, sana naman hindi na mapait yan ha!" Pantukoy ni Megan sa nakaraang "disaster" ng kapatid sa kusina. Naputol ang kanilang tawanan nang pumasok si Chelsea at magsalita. "Nagtatawanan nanaman kayo ni tita Ma ha." "Oh bakit naman kung magtawanan kami?" Tanong ng kanyang tita. "Si mama po kasi, parang walang asawa at anak kung makatawa." Napakunot noo si Megan sa sinabi ng anak at sisimulan na sana ang sermon nang biglang sangayunan ito ni Elaine. "Nga naman Megan. Tama siya. Aba! Mas nanay pa ang anak mo sayo ha!" "Echusera tong batang ito! Halika na nga at makakain na." Sabi ni Megan. . . . . . Matapos nilang makakain ay nagpaalam na ang mag-ina. Sinabihan ni Elaine ang kanyang asawa na ihatid si Megan at Chelsea pauwi subalit tumanggi ito nang malamang flat tire ang dalawang gulong ng tricycle nito. "Naku kapatid, pasensya na ha. Hindi ko naman alam na flat ang tricycle eh." Pagpapaumanhin ni Elaine. "Ok lang ate maghahanap na lang kami ng ibang tricycle sa daan. Kailangan na naming umuwi. Gabi na eh." Wika ni Megan. "O siya sige. Mag-iingat kayo ha." Paalala ng kanyang kapatid. "Dalhin niyo na lang itong flashlight para may ilaw kayo sa daan." Kinuha ni Megan ang flashlight at nagsimula na silang magabang ng tricycle sa daan subalit sa kasamaang palad ay walang nais magpasakay sa kanila lalo na't papuntang Harvest Ville ang ruta. Maraming nagsasabing mayroong white lady sa palayan doon, ang iba nama'y naniniwalang may engkato sa mga mahogany na pumapalibot sa palayan at ang sabi ng ibang lasingero ay mayroong pinatay at itinapon sa kanal ng patubig doon. Maraming nagpatotoo, maraming naniniwala at marami ring hindi pumapatol sa tsismis, subalit ang hindi alam ni Megan at Chelsea ay ang misteryong bumabalot sa nakaraan ng Harvest Ville at ngayong gabi ay mararamdaman nila ang kakaibang elementong namamahay sa palayan. "Anak, wala tayong choice kesa magabihan tayo eh maglakad na lang tayo pauwi." Sabi ni Megan. "Ok po Ma." Tugon ng anak. Sinimulan nilang tahakin ang daan pauwi, at nang makarating sila sa bukana ng palayan ay namatay ang lahat ng ingay dulot ng mga sasakyan sa downtown. Nakabibinging katahimikan ang sumalubong sa kanila. Sa buong isang kilometro na nilakad nila ay ngayon lang sila nakaramdam ng pagod kaya minabuti ni Megan na huminto sandali. "Anak, pagod ka na ba? Magpahinga muna tayo sandali, tutal andito na tayo sa bukana at maliwanag ang buwan. Sapat na para ilawan ang daan." "Sige Ma, pagod narin ako eh." Sabi ni Chelsea sabay kuha sa kanyang manika at pinagmasdan itong mabuti na animo ay mayroong iniintindi. Maya maya pa ay nagulat si Megan sa biglang pagsalita ng anak. "Ma, sabi ni Lucille, wag na tayo magpahinga. Baka raw maabutan tayo ni Joel." Nanindig ang balahibo ni Megan nang marinig ang sinabi ng anak subalit pinabulaanan niya ito at pinagdiskitahan ang imaginary friend ni Chelsea. "Hay naku! Ayan ka nanaman sa Lucille mo anak ha. Ilang beses ko ba sasabihin sayo na tigilan mo na yang pagkukunwari na nakakausap mo yang manika mo." "Pero Ma, totoo naman na nakakausap ko si Lucille eh. Ang sabi nga niya itanong ko sayo ang tungkol sa palayan." "Anong tungkol sa palayan? Hay naku! Ewan ko sayong bata ka. O, ano tara na?" "Sige Ma, buti pa nga kasi sabi ni Lucille nagsisimula nang lumutaw si Joel at gumagapang na ito mula sa loob ng palayan." Muling kinilabutan si Megan ngunit hindi niya ito pinahalata sa anak. Ngunit mas nagpahindik sa kanya ang mga susunod na pangyayari dahil nakarinig si Chelsea ng kakaibang tunog mula sa malayong panig ng palayan. Isang pakalyskos na tunog ng mga dahon ng palay malapit sa mga mahogany. Pagkaluskos at pag tapak sa basang putik ng palayan ang siyang narinig ng bata at lalong natakot si Megan sa sinabi ng anak. "Ma, narinig mo yun? May naglalakad sa palayan!" . . . . [Episode 2] Syam na taon sa nakaraan... Pauwi na si Megan nang mga oras na iyon. Dakong alas sais ng hapon, palubog na ang araw at mag-isa siyang naglakad pauwi sa Harvest Ville. Nagpasya siyang mamalengke sa downtown at magluto ng sinigang na baboy. Katatapos lang ng ulan at katamtaman ang pagkakabasa ng lupa, sapat upang lamunin ng tubig ang alikabok sa daan papasok sa bukana ng palayan. Marahang naglakad si Megan habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw. Bagamat walang natatanaw na bahag-hari ay napamangha naman siya sa napakagandang paglubog ng araw. Mula sa lila na himpapawid ay kumakaway ang dilaw na liwanag ng araw hanggang sa maupos ito at magbigay ng pulang pinta sa langit. Unti-unti itong bumaba hanggang sa maglaho at ipaubaya sa dilim ang buong palayan. Lingid sa kanyang kaalaman ay mayroong nakaabang na panganib sa daan at kanina pa ito naghihintay sa palayan. "Tumingin ka sa likod mo Megan!" Yun ang kanyang naisip nang maramdamang may nagmamasid sa kanya at sya naman niyang ginawa ngunit nang malamang walang tao roon ay nagpatuloy siya sa paglalakad. Napaurong na lamang siya nang biglang gulatin ng isang lalaking nakakubli sa palayan. "RRRAAAWR!" "Aaah!" Gulat na sigaw ng dalaga. "Joel?!", agad niyang nakilala ang binata dahil sa boses nito at dahil alam niyang mayroon kubong tinutuluyan si Joel na nasa loob ng palayan. "Ano ka ba?! Wag mo nga akong ginugulat." "Bakit, hindi mo ba narinig ang kaluskos ng palayan?" "Hindi." Pagalit na tugon ng dalaga. Simula nang bastedin niya ito ay iniwasan na niya ang binata. Alam niyang matindi ang gusto ni Joel sa kanya kung kaya nang manligaw si Jonathan ay sinagot niya ito agad upang magkaroon ng dahilan para lubayan ni Joel, ngunit tila nagkamali siya. "Paraan nga!" "Bat ka ba nagmamadali? Magusap muna tayo." "Hindi, ayoko ko, gagabihin ako." "Sandali lang naman eh." "Ayoko nga!" Inis na sigaw ni Megan. "Saka, may kasintahan na ako, isaksak mo yan sa kukote mo!' "Ayon! Inamin mo rin, kaya mo sinagot si Athan, para lumayo ako sayo, diba?" "Hi-hindi. Ma-mahal ko siya" tugon ng dalaga. "Paraanin mo nga ako!" Tinitigan siya ng masama ni Joel at nakipagpatintero ito sa kanya, desidido ang binata na harangan si Megan at ituloy ang balak. "Halika rito!" Sigaw ni Joel sabay hila sa kamay ni Megan. Sinubukan niyang manlaban ngunit mas malakas ang magsasaka. "Bitiwan moko! Saan mo ba ako dadalhin?" Litong tanong ng dalaga nang makapasok sila sa loob ng palayan. Napansin niyang hinihila siya ni Joel papunta sa kubo na nasa gitna ng palayan. Inakala nga niyang doon siya dadalhin subalit nagkamali siya nang hilahin siya bigla ng binata papunta sa harapan, dahilan upang mawalan siya ng balanse at madapa. "Saan kita dadalhin?" Nagulat si Megan sa tanong ni Joel ngunit mas ikinagulat niya nang subukan niyang tumayo dahil sinikmuraan siya ng binata. Natumba siya habang hawak hawak ang tiyan. Nanlambot siya sa sobrang sakit at halos di na siya makagalaw o makapagsalita. "Dadalhin kita sa langit!" Sabi ng binata sabay hubad ng kamiseta at pantalon. Walang magawa si Megan, ni tumayo, ni sumigaw, ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata at napaluha habang si Joel naman ay malayang maisasagawa ang plano —ang angkinin si Megan. Nakauwi parin si Megan nang gabing iyon, medyo gusgusin at tulala. Nang tanungin ng kanyang ama kung bakit siya nabahiran ng putik, "Wala po. Nadapa ako sa may palayan." Ngunit walang sikretong hindi nabubunyag, walang lihim na pwedeng itago, walang kasalanang hindi pinagbabayaran. Halos dalawang linggo na di siya makausap ng matino, tuliro at animoy naglalakbay ang diwa. Ultimo, si Athan ay nakapansin. Ngunit dumating ang panahon na kinatakutan ni Megan at kinailangan na niya ng masasabihan. . . . . Dakong alas sais, magtatakip silim na sa Harvest Ville nang pumasok si Joel sa kanyang maliit na kubo sa palayan. Nakapag-init na siya ng tubig na pantimpla ng kape nang biglang may tumulak sa kanya papasok sa kubo dahilan upang bumangga ang tuhod niya sa kawayang upuan at siya ay matumba subalit tila minalas at sa pagkatumba nito ay sumalpok ang ulo niya sa mesa. Panandalian siyang nawalan ng malay at nang magising ay nadatnan niya ang sarili na nakatali sa upuan. Samantalang ang tumulak sa kanya papasok ng kubo ay nakaupo ngayon sa isa pang upuan, humihingang malalim, may hawak na kutsilyo sa nanginginig na kamay at sa kasamaang palad ay kilala niya ito. "Ikaw?!" "Musta na Joel?" Sinubukan ni Joel na pumiglas upang makawala sa pagkakatali subalit tumigil din siya nang maisip na mauubos ang kanyang lakas ngunit mananatili parin siyang nakatali. "Ano bang kailangan mo?" "O, alam mo kung anong kailangan ko." "Hindi." Muling huminga nga malalim ang lalaki, "Papatayin kita at ililibing kita sa sarili mong lupa!" "Ugh!" Sinubukan ng binata na tumayo subalit mahigpit ang pagkakatali sa kanya. "Ano bang kasalanan ko sayo? Ha?" "Wag ka nang magmaang maangan! Alam ko na lahat!" Sa sinabing iyon ng lalaki ay biglang nagiba ang tono ng pananalita ni Joel. "Ah, nagsumbong na pala siya?" "Oo." Ngumiti ng nakakaasar na ngiti si Joel at sinabing, "Nakipag-patintero pa siya sakin, sinabi ba niya?" Nanginig ang kamay ng lalaking may hawak ng kutsilyo ngunit di ito tumugon. "Nagpakasasa ako sa katawan niya. Inangkin ko siya at ako ang nauna." Nanatiling tahimik ang isa ngunit halata sa panginginig ng kanyang kamay na ilang sandali pa ay sasabog na ito sa galit. Tinitigang mabuti ni Joel ang lalaki, "At alam mo, doon ko napatunayan na napakasarap niya." Marahil nagkamali si Joel ng piniling gawin nang sabihin niya iyon o marahil ay alam niyang papatayin rin naman siya ng lalaki matapos ang gabing ito. At mas inasahan niya nga ang nahuli. Tinadtad siya ng saksak ng kutsilyo at di pa nakuntento ay ginilitan pa siya ng leeg nung lalaki. Di nagtagal ang lalaking iyon sa palayan. Dali dali siyang gumawa ng hukay at inilibing si Joel doon. Sinunog nito ang maliit na kubo at pagkatapos ay umalis. . . . . [Episode 3] "Maraming salamat sa pagmamahal na binigay mo sa amin ng anak mo." Wika ni Megan, napaluha ito nang abutan siya ni Jonathan ng isang regalo. Isang malaking kahon na parihaba at nakabalot ng pink gift wrapping paper. "Siguradong matutuwa si Chelsea at nabili mo na yung manikang gusto niya." Ngumiti si Jonathan, "Ako nga dapat magpasalamat sayo dahil pinagbigyan moko na mahalin ka at tulungang makalimot sa nakaraan." "Mahal kita. Yun ang nagbigay sakin ng lakas ng loob para malimutan ang mga nangyari Athan." Muling ngumiti si Athan habang hawak hawak ang regalo, sandali niyang pinagmasdan ang kahon. "Hindi ko alam kung bakit ito ang gustong gusto ni Chelsea." Nagtatakang sabi ni Athan. "Bata eh. Pagbigyan mo na." "Nakapagtataka lang kasi nung makita niya ito sa tindahan, ang sabi niya, tinatawag raw siya nito mula sa bintana ng tindahan." "Eh alam mo naman yang anak mo, mahilig sa mga nakakatakot na kwento." Pakunot-noong nagsalita si Athan tungkol sa di pangkaraniwang pampalipas oras ng anak, "At anhilig pa sa mga horror stories ha. Binabasa niya parati yung mga kwento na isinulat ni Daryl Makinano Morales." "Eh mahilig nga sa horror stories ang bata, isa pa sikat si Daryl Morales sa mga horror pages ng facebook." Napabuntong hininga si Athan, "Eh hindi ba yun medyo weird para sa edad niya?" "Hindi ah! At least mahilig magbasa ang anak mo kesa naman, matuto siyang mag DOTA o Clash of Clans..." Natawa si Athan, "Sabagay, may punto ka dyan Hon." "O siya sige na ilagay mo na yan sa kwarto niya para paguwi niya sa hapon, masosorpresa siya." "Sige." Ansabi ni Athan. . . . . Siyam na taon sa nakaraan, pinili nilang manahimik nang marinig ang sunog sa palayan, gusto na lamang nilang makalimutan ang lahat at magsimula ng bagong buhay. Walang nakakaalam kung paano nasunog ang palayan at ang nakapagtataka ay wala doon si Joel at di na ito nakita kailan man. Buntis na si Megan nang sila ay ikasal ni Athan, minadali ng binata ang pagdadaupang-palad upang maiwasan ang eskandalo at mailayo sa kahihiyan ang nobyang si Megan. Subalit lingid sa kanyang kaalaman ay hindi sa kanya ang ipinagdadalang tao ng nobya. Halos ilang buwan lang rin ang agwat ng kasal ni Elaine sa kanila. Si Elaine, ay ang nakababatang kapatid ni Megan. Ngunit ikinagulat ni Megan na malamang ikakasal ang kanyang kapatid sa kanyang best friend na si Erwin pero gaya ng mga telenobela sa tv, nagkaroon rin silang lahat ng happy ending o masaya nga ba? . . . . Sa kasalukuyan, dumating si Chelsea ng hapong iyon at gaya nga ng inasahan ay tuwang tuwa ito na makita ang regalo ng kanyang ama sa kanyang kaarawan. Dali dali itong lumabas ng kwarto at tumungo sa kusina kung saan nagluluto si Athan at Megan. "Ma! Pa! Tingnan niyo o!" "Wow! Anak anganda ng manika mo. Anong itatawag mo sa kanya?" Tanong ni Athan. "Umm... Lucille po." Sandaling nanahimik si Megan at pinagmasdan naman ni Athan ang anak. "Eh anak hindi ba pwedeng palitan mo na lang?" "Hindi pwede Pa. Yun ang pangalan niya eh." Tugon ng anak. Napatingin si Athan kay Megan na ngayo'y naluluhang pinagmamasdan ang masayang bata. Bigla na lamang nagulat si Athan nang muling magsalita si Chelsea habang hinihimas ang buhok ng manika, "Ngayon, nandito ka na ulit Lucille. Hindi ka na mag-iisa sa dilim ate." . . . . Makalipas ang dalawang taon, napansin ni Megan na bagamat normal ang paglaki ng anak ay lalong lumalala ang problema niya pagdating sa "imaginary friend" nito sa katauhan ng manikang si Lucille. Parati itong isinasama ng anak sa kung saan, minsan ay kasabay pa niya itong kumain at ang masama ay kinakausap niya ito na parang tunay na tao at tinatawag na "ate Lucille". Isang araw sa paglalaro ni Chelsea ay muling napansin ni Megan na kinakausap nito ang laruang manika at tila may umudyok sa kanya na makinig sa kanilang pinaguusapan, bagamat si Chelsea lamang ang nagsasalita ay nangilabot parin si Megan sa mga pinagsasabi ng anak. "Hello ate Lucille, musta ka?" Tanong ng bata sa manika. *katahimikan. "Bakit malungkot ka?" *katahimikan. "Wag ka mag-alala, tutal kasama mo na kami ni mama." *katahimikan. "Mahal ka rin ni mama at mahal kita ate. Hindi ka na mag-iisa doon sa pinagtapunan sayo." *katahimikan. "Mabuti na lang nakumbinse ko si papa na bilhin ang manika para masaniban mo. Ngayon, hindi na tayo maghihiwalay." *katahimikan. "Akong bahala sayo ate. Promise secret lang natin yun." *katahimikan. "Eh sino ba kasi yung Joel sa kwento mo ha?" *katahimikan. Nakaramdam ng matinding kaba sa dibdib si Megan nang marinig niya ang pangalan ni Joel ang lalaking minsan na gumahasa at nagiwan ng mapait na kahapon sa kanya. Natulala siya habang nakasilip mula sa pintuan ng kwarto ni Chelsea na bahagyang nakabukas. Muli na lamang bumalik ang kanyang diwa nang may maramdaman siyang humawak sa kanyang likod kaya agad siyang lumingon. "Ma?" "Che-Chelsea?" "Ma, anong ginagawa mo sa labas ng kwarto ko?" Muling bumalik ang kanyang kaba at natameme siya sa pangyayari. "A-ano kasi..." Napakunot noo si Megan at sinusubukang intindihin ang mga pangyayari. "Kanina pa kasi kita hinahanap sa kusina." Wika ni Chelsea. "A-ano? Kanina ka pa sa kusina?" "Opo Ma. Kanina pa po ako nandoon. Eh, ano po ba sinisilip niyo dyan sa kwarto ko?" Muling ibinaling ni Megan ang atensyon sa sahig na nasa loob ng kwarto kung saan nakita niyang nakaupo ng magkaharapan ang manika at ang anak ngunit laking gulat niya nang malaman na tanging manika lamang ang naroon. "Ma, bakit? Paraan nga po, baka kasi bumaba nanaman si Lucille sa kama." Agad na pasarang hinila ni Megan ang pinto at nagkunwari na walang nangyayaring kababalaghan. *BLAAAG! "Ah! Ano kasi anak... tara sa kusina. May niluto ako na meatball spaghetti. Tara na." "Wow! Talaga Ma? Ansarap nun. Buti na lang hindi mahilig sa spaghetti si Lucille." Nagulat si Megan sa sinabi ng anak kaya bigla siyang napatanong, "Huh? Bakit anak, ano ba ang paborito ni Lucille?" "Buko pie po. Sabi niya sa akin doon daw siya pinaglihi ng mama niya." Pangiting sabi ni Chelsea. Alam ni Megan na totoong may kababalaghang nangyayari sa kanilang bahay ng dahil sa manikang iyon na nagngangalang Lucille. Subalit masyadong madilim ang mga pangyayari ng kahapon at ayaw niya itong harapin sa ngayon pero minabuti niya parin na tuklasin ang misteryong bumabalot sa manikang iyon kung kaya hinayaan niyang itago at ipagpatuloy ni Chelsea ang pakikipagkaibigan sa kanyang "imaginary friend", bagay na dapat ay matagal na niya pinutol. "Ma, pinaglihi mo ba ako sa spaghetti?" Tanong ni Chelsea. . . . . [Episode 4] "Chelsea anak, tigilan mo na nga iyang kaka-kunwari mo na totoong buhay yang manika mo." "Pero ma, totoo naman eh. Totoong buhay si Lucille at ang sabi niya kung gusto raw nating makauwi, dapat simulan na nating maglakad dahil baka maabutan tayo nung Joel." Muling kinilabutan si Megan sa sinabi ng anak, ngunit kailangan niyang magpakatatag. Di biro ang nangyari sa kanyang nakaraan subalit makakasama para sa bata ang matakot lalo na sa ganitong lugar. Paano kung maulit ang kahapon? Paano kung kinailangan ni Chelsea na umuwi mag-isa? Paano kung walang magtatanggol sa kanya? Naglakbay ang diwa ni Megan habang patuloy na nilalamon ng mga ulap ang liwanag ng buwan. Samantalang napalingon si Chelsea sa kanilang pinagdaanan. Madilim, tahimik, at malamig ang bukana ng palayan, nung isang araw lamang binuksan ang patubig kung kaya basa pa ang putik sa basak. Ang amoy ng bagong usbong na palay ay nakikipag agawan sa amoy ng malamig na lupa at muling narinig ni Chelsea ang kaluskos. "Ma! Ano yun?!" "Shh! Wag kang maingay na bata ka!" Pagalit na saway ni Megan. Itinutok niya sa gawi ng palayan ang flashlight. "O! Tingnan mo anak, wala namang gumagalaw ah!?" "Pero ma, meron kaming narinig ni Lucille." Pagpupumilit ni Chelsea. Bahagyang nainis si Megan, halatang nauubos na ang pasensya sa pangungumbinsi sa anak. "Eh wala nga!" Ibinaling ng bata ang atensyon sa manikang hawak hawak na para bang tinatawag nito ang kanyang pangalan. "Ma, sabi ni Lucille maglakad na tayo at baka lalo tayong magabihan." "O sige tara na." Tugon ni Megan. Habang tumatagal ang manikang iyon sa kanilang poder ay lalong lumalala ang obsesyon ni Chelsea na ito ay totoong may buhay. Naisip ni Megan na makakasama ito para sa anak subalit mas pinili niyang alamin kung totoo ngang may misteryo ito. Panandaliang nakiayon siya sa anak habang naglalakad. "Anak, kung totoong may buhay yang manika mo, ilang taon na siya?" "12 po. Isang taon lang ang agwat namin." Tugon ng bata. "O, eh bakit naman niya nasabing dapat akong tanungin tungkol sa palayan?" "Eh kasi daw, kilala niyo si Joel." "Sinabi ba niya kung paano?" "Dati raw may gusto si Joel sa iyo ma. Totoo ba yun?" Nagulat siya sa naging tanong ng anak. Hindi niya akalain na malalaman ng bata ang bagay na iyon mula sa isang manika pero isina-isang tabi niya ito dahil naisip niyang marahil ay naikwento lamang iyon ng kanyang tita Elaine sa kanya. Ngunit mas ikinagulat niya ang mga sumunod na sinabi ni Chelsea na nakabasag sa katahimikan ng gabi. "Hindi ma. Walang naikwento si tita Elaine sa akin. Si Lucille ang nagpaliwanag sa akin ng lahat." Muntik mapaiyak si Megan ngunit pinigilan niya ito at sa halip ay muling nagdagdag ng tanong. "Paano nakilala ni Lucille si Joel?" Inasahan ni Megan ang isang hindi katanggap-tanggap na tanong at iyon nga ang kanyang narinig. Sumagot si Chelsea at doon napansin ni Megan na ilang hakbang ang inihinto ng anak sa kanyang likuran. Nang lingunin niya ito ay binalot siya ng takot at lamig ng dalawang tinig na lumalabas sa bibig ni Chelsea. "Siya ay aking ama!" Ang isa ay makikilala niyang boses ng anak subalit ang isa ay malalim na tinig ng isang batang babae na kailan man ay di niya pa naririnig. Sa kanyang paglingon, ay nakita niyang nakatayo si Chelsea sa daan, may ilang talampakan ang layo sa kanya, hawak ang manika sa isang kamay at nakikitang umaagos ang dugo sa mga binti nito mula sa... "Pinatay mo kami. Pinatay mo kami!" Sigaw ng batang duguan. "Hindi! Hindi yan totoo!" Mangiyak-ngiyak na napaluhod si Megan sa daan, tinabunan niya ng kanyang mga kamay ang kanyang mukha habang paulit-ulit na sinasabing, "Hindi yan totoo." Napilitang tanggalin ni Megan ang kanyang mga kamay mula sa kanyang mukha at idilat ang mga mata dahil sa naramdamang kamay na pumatong sa kanyang balikat. Natakot siya na ang duguang si Chelsea ay ngayoy nakatayo na sa kanyang harapan!!! Handa na niya sanang iwasiwas ang kamay ng kung sino o ano man ang pumatong sa kanyang balikat nang marinig ang maamong boses ng anak na nagtatanong. "Ma? Ang alin? Hindi totoo ang alin?" Dahan-dahan niyang idinilat ang mga mata, nagdarasal na sanay wala na ang kung ano mang nilalang na nakita niya kanina at nagpasalamat siya sa Dios nang makita ang maamong mukha ng anak na si Chelsea. Maayos ang kalagayan. Hindi nasasaniban at hindi duguan. Subalit di niya maalis ang pagaalala nang makitang hawak hawak parin ni Chelsea ang manika. Binalak niya itong hablutin subalit minabuti na lamang niyang maghintay ng magandang tyempo. "Ma, halika na. Tumayo ka na dyan. May narinig kasi akong kumakaluskos ulit sa palayan." . . . . [Episode 5] "O sige anak tara na." Wika ni Megan nang muling marinig ni Chelsea ang pagkaluskos ng mga dahon ng palay. Matataas na ang palay at malapit na ang ani. Malapit nang magbunga ang paghihintay ng kaluluwa ni Joel na matagal naibaon sa putik ng limot. "Ma! Ano yun?" Pabulong na tanong ni Chelsea habang yakap yakap ang manika. Inis na itinutok ni Megan ang flashlight sa palayan at biglang tumugon. "Wala naman ah?! Tara na!" Muli silang naglakad. Sa pagkakataong ito nagmamadaling humakbang si Chelsea kaya ikinainis iyon ng kanyang ina. "Hoy bata ka! Dahan dahan naman sa paglakad. Aba! Wala namang naghahabol sa atin ah?" Sandaling nilingon ni Chelsea ang ina habang patuloy sa paglalakad. "Meron ma. Sabi ni Lucille andyan na raw si Joel sa daan kaya dapat nating bilisan." Ikinatakot ni Megan ang narinig ngunit di niya binigyan ng pagkakataong magduda ang anak na totoo ang pinagsasabi ng manika. Sa kabilang panig ay talagang nahihiwagaan na siya sa manikang iyon kaya... "Akin na nga yan!" Sabay hablot ni Megan sa manika na siyang ikinagulat ni Chelsea. "Ma `wag! Wag mo itatapon si ate Lucille!" Sigaw ni Chelsea. "Ate?! Ano bang pinagsasabi mo? Tumigil ka dyan bata ka ha!" "Pero ma! Si ate Lucille yang hawak mo ma. Kapatid ko yan, anak mo iyan!" Hindi maiwasang makaramdam ng pandidiri si Megan sa kanyang narinig. Nagbigay daan ito upang manumbalik sa kanyang ang mapait na kahapon. . . . . Siyam na taon sa nakaraan... Nagpakasal si Megan at Jonathan subalit inilihim ng babae ang kanyang tunay na kalagayan sa kanyang asawa. Magdadalawang linggo nang buntis si Megan, ang totoo, sanhi iyon ng panggagahasa ni Joel sa kanya. Hindi niya alam ang gagawin at natakot siyang iwan siya ni Jonathan kaya minabuti niya itago ang lahat at palabasin na si Jonathan ang ama ng kanyang dinadala, upang maisagawa iyon ay agad siyang nakipagsiping sa asawa, isang linggo bago ang kasal sa ganoong paraan ay walang maghihinala sa mga pangyayari. "Anong ipapangalan mo sa anak natin Meg?" Tanong ni Jonathan. "Kung lalaki, Lander." Napangiti si Jonathan. "Eh paano kung babae?" Sandaling nagisip si Megan habang pakunwaring hinahaplos ang tyan. "Lucille." "Aba! Anganda naman ng mga.magiging pangalan ng magiging anak ko." Wika ni Jonathan. "Anak natin." Pagtutuwid ni Megan. Kailangan niyang ipaako kay Jonathan ang bata dahil iyon lang ang makakaligtas sa kanyang kahiya-hiyang sinapit. "Ah eh, oo nga pala. Anak natin." Pagsasangayon ni Jonathan. Dumaan ang mga araw, ang mga linggo, ang isang buwan matapos ang kanilang kasal. Di pa gaanong malaki ang tyan ni Megan nang aksidente siyang nadulas sa hagdan ng kanilang bahay. Nahulog siya ng tatlong baitang, kung iisipin, mahina ang pwersa na iyon subalit inasahan na niya ang mangyayari. Nahulugan siya. Matapos ang ilang linggong pagpapahinga sa ospital ay muling nanumbalik ang sigla at saya ni Megan. Nakalimutan na niya ang nakaraan at tila di nanghinayang noong siya ay mahulugan hanggang sa ipagbuntis niya si Chelsea. . . . . Pilit na ibinaling ni Megan ang kanyang atensyon sa ibang bagay upang lunurin ang kaba at takot na nararamdaman. Subalit nagpatuloy parin si Chelsea sa kanyang paniniwala sa manika at sinabi na totoong mayroon siyang naririnig na kumakaluskos sa palayan. Sa pangalawang pagkakataon at inis ay itinutok muli ni Megan ang flashlight sa palayan. . . . . Naaninag ni Megan ang kanilang bahay, may ilang metro ang layo mula sa kanilang kinatatayuan at narinig na kumakahol ang aso nilang si Pachi kaya sumipol siya upang tawagin ito habang nagpatuloy sa kanilang paglalakad. Mayroon din siyang napansing lalaki na sumusunod sa aso at naglalakad papunta sa kanilang dalawa ni Chelsea. "Si Jonathan! Chelsea, ang papa mo, sinasalubong na tayo." "Oo nga po Ma--" biglang napatigil sa pagsalita si Chelsea at tila nahinto rin ito sa paglalakad nang mapansin ni Megan na dahan dahan itong lumingon sa kanilang dinaanan. "Ma! Ano yun??!" Agad itinutok ni Megan ang flaslight sa kadiliman at bago pa man tuluyang makita ng bata ang kung anumang nilalang na tumatawag sa kanya ay agad hinila ni Megan ang kanyang anak at itinabi sa kanya. Dumating narin si Pachi at Jonathan at napanatag narin ang loob ni Megan kahit papaano. "O, ginabi kayo ah! Tara sa bahay." wika ni Jonathan. Nagpatuloy silang tatlo sa paglalakad patungo sa kanilang bahay, lahat ng bakas ng takot sa mukha ni Megan ay naglaho nang marinig niya ang boses ni Jonathan. Subalit pinagtakahan ng kanyang asawa kung bakit tila di sumunod si Pachi. Nanatili ito kung saan nila nasalubong ang mag-ina, kumakahol sa dilim at mukhang galit na galit. "Pachi! Pachi!" sigaw ni Jonathan. Sa tawag nito ay agad tumakbo si Pachi papunta sa kanilang bahay. Nang gabing iyon, isinaradong mabuti ni Jonathan ang gate na kawayan at ang pinto ng kanilang bahay. Nang makapagbihis ay agad inasikaso ni Megan si Chelsea upang makatulog. Ugali na ni Megan ang pagpapatulog sa anak, inaayos niya ito sa kanyang higaan, kinukumutan at kung minsan ay kinakantahan para makatulog. Katabi ni Chelsea ang manikang si Lucille, yakap yakap niya ito sa loob ng kumot. "Ma, hindi mo ba kami kakantahan?" Napatingin si Megan kay Chelsea at sa manika. Tahimik, nagiisip, hanggang sa makuha niyang magprotesta. Ang totoo, hindi niya makuhang kantahan ang anak matapos ang mga pangyayari ng gabing iyon. Ang mga pagbalik sa alaala ng kahapong matagal niyang sinubok limutin at ang hiwaga na bumabalot sa manika ni Chelsea. Malapit na siyang makumbinsi na ang manikang iyon ay sinaniban ng kaluluwa ng kanyang anak. Ang anak na bunga ng kawalang-hiyaan ni Joel. "Hindi anak. Matulog ka na. Pagod ako eh." sabi niya. "Tutal katabi mo naman yang paborito mong--" "Sige ma. Matutulog na lang kami para makapagpahinga na kayo ni papa." sabi ni Chelsea. "Anak naman! Nagtatampo ka ba kay mama?" "Hehe... Naku hindi po. Naiintindihan naman po namin ni Lucille. Pagod din po kami sa paglalakad eh." "Sigurado ka anak?" "Opo ma. Ok lang kami. Matulog na po kayo." "O, sige ganito na lang matutulog ng maaga si mama para bukas maaga din ako magising. Magluluto ako ng favorite mo." "Spaghetti??!" "Oo. Ano ok ba yun?" "Opo ma. Sige po, salamat po." wika ni Chelsea, nang masigurong maayos na makakatulog ang bata ay lumabas na ng kwarto si Megan. Ilang sandali pa at may narinig si Chelsea na tumawag sa kanyang pangalan dahilan upang maalimpungatan siya at magising. "Chelsea!" Isang mahinang boses ng batang babae ang bumulong sa kanyang tenga at naalala niyang katabi niya sa pagtulog ang kanyang manika. "Lu-lucille ba-bakit?" tanong niya rito ngunit di siya nakatanggap ng sagot at sa halip ay naramdaman niyang dahan-dahang bumukas ang pinto ng kanyang kwarto at narinig niyang naguusap si Megan at Jonathan sa labas. "Hindi ako nagbibiro Jonathan. May kakaibang nangyayari kay Chelsea dahil sa manikang iyon. Saan mo ba binili yun?" "Alam mo Mei, guniguni niyo lang yan. Paano magsasalita ang manika?" "Basta! Sigurado akong may sa demonyo ang manikang iyon!" "Hay naku!" Nagtatalo sila tungkol sa kakaibang manika na iniregalo ni Jonathan sa anak at ngayon ay gusto ni Megan na kunin ang manikang iyon at sunugin. "Nababaliw ka na ba?!" tanong ni Jonathan. "Hindi pa pero mangyayari yan pag hindi nawala ang manikang iyan dito." "Aber! Sige, anong sasabihin mo kay Chelsea? Bakit biglang nawala ang manika?" tanong ni Jonathan. "Magiisip ako ng dahilan pero sa ngayon dapat nang mawala ang manikang iyon." "Ano ba kasing sinabi sayo ng bata at ganyan ka ka-paranoid ha?" inis na tanong ni Jonathan at sa sobrang pagkalito ay nabanggit niya ang mga kaluskos sa palayan na narinig ni Chelsea. Nagulat si Jonathan. Namutla at di makapaniwala sa katapusan ng kwento ni Megan. "Yung huling beses na tinutok ko ang flashlight sa palayan, may nakita ako." "Ano?!" "May nakita ako!" Agad na nawala ang antok ni Chelsea sa narinig. Nakita rin pala ng kanyang ina ang nilalang na lumabas sa palayan. Ang nakakatakot na nilalang na nababalot sa putik. Ang halimaw na kayang lumikha ng kahit anong bagay, hayop o anyo ng tao at bigyan ito ng sariling buhay - Ang Lapok!!! "Nakita ko siya Jo at sa tingin ko, sumunod siya rito." Pareho silang napatingin, puno ng kaba at takot ang bawat isa sa kanya kanyang dahilan, nang marinig nila ang malakas na pagkatok sa pintuan ng kanilang bahay. BLAG* BLAG* BLAG* -Wakas-