OLD MAID (One Shot Story)
- Written by Reginald Marcos
- Nov 4, 2015
- 3 min read

Gabi na ng umuwi ng bahay si Marie. Pagod na pagod siya galing sa kanyang pinagtratrabahuhan at makikita sa mga mata niya na gusto niya nang magpahinga. Binuksan niya muna ang TV para manood ng balita at pagtingin niya dito ay may balita tungkol sa mga magnanakaw na katulong. "Hay, mahirap na talaga maghanap ng maid sa bahay. Minsan ka na lang makakahanap ng mga mabubuting tao. Mayroon kasing mga magnanakaw at mahirap ng maghanap ng mga mapapagkatiwalaan." ani ni Marie. Pagkalipas ng ilang oras ay nakatulugan na niya ang kanyang pinapanood at lumipas na ang malalim na gabi. Kinabukasan ay naghanda na si Marie para sa pagpasok niya sa opisina. Hinanda niya na lahat ng mga papeles na dadalhin. Pagpunta niya sa kanilang opisina ay nakita niya nanaman ang gwapo nilang amo na si Mr. Richard. Hindi niya maiwasan na tingnan ito dahil sa malakas nga ang dating nito sa kababaihan. Itinuon niya na lang ang pansin niya sa pagtapos ng mga gagawin niyang trabaho at marami-rami pa ito. Mabilis na lumipas ang oras habang nagtratrabaho si Marie sa opisina. Alas-otso na ng gabi noong tiningnan niya ang orasan. Paalis na sana si Marie ngunit biglang tumunog ang telepono sa kanilang opisina at ito ay kanyang pinuntahan para sagutin. "Marie, pwede bang idaan mo yung mga nakalimutan kong papeles diyan sa opisina. Kailangan ko lang kasi talagang aralin ngayong gabi.Kunin mo na lang yung brown envelope doon sa lamesa ko." wika ni Mr. Richard. "Ah, opo sir. Idadaan ko na lang po diyan sa inyo." sagot ni Marie. "Itetext ko na lang ang address ko sa iyo at nang makapunta ka dito." Kinuha na nga ni Marie ang mga naiwang papeles ni Mr. Richard at tumungo na sa tinitirahan nitong condo. Nakaramdaman siya ng malamig na hangin habang papunta siya sa unit ni Mr. Richard. Pinindot niya ang doorbell ng isang beses at may nagbukas na isang matandang babae. "Tuloy ka sa loob." wika ng isang matandang babae "Maraming salamat po." sagot naman ni Marie Mukhang mahigit limampung taong gulang na ang matandang babae at kasambahay ata ni Mr. Richard. Umupo na siya sa sala at binigyan naman siya ng orange juice nito. "Nandiyan po ba ang sir niyo?" tanong ni Marie sa matandang babae. "Nasa taas pa. Baka nagshoshower lang ." Umupo na rin ang matandang babae sa sala at kinausap si Marie. "Ang kamatayan ay hindi ang siyang nagpapalaya sa isang nilalang sa mundong ito. Minsan, ito pa ang nagiging sanhi para habang buhay na manatili ang isang kaluluwa." sabi ng matandang babae kay Marie. Blanko ang naging expresyon ni Marie sa mga narinig. Kinikilabutan na siya sa sinabi ng matandang babae dahil sa parang wala itong emosyon. "Matagal na po ba kayong nandito?" tanong ni Marie sa matanda. " Oo, matagal na matagal na. Iha, naniniwala ka ba sa mga kaluluwa na hindi matahimik sa mundong ito?" " Hindi po. Parang mga gawa-gawang kwento lang naman po iyang mga yan. Wala namang pruweba o katotohanan ang mga naririnig kong kwento eh." sagot ni Marie "Ah, ganun ba. Pwes, maniniwala ka rin sa kanila. Sigurado ako dun." sagot ng matanda. Naging tahimik na ang sala pagkatapos ng sinabi ng matandang babae dahil medyo kinilabutan si Marie. Medyo kakaiba nga ang kasambahay ni Mr. Richard at puro na lamang kamatayan o kaluluwa ang sinasabi nito. Ngunit, inasikaso naman siya nito at kahit kakaiba ito ay parang mabait naman. "Sandali lang iha at may kukunin lang ako sa kusina." sambit ng matanda. 'Sige po. Hihintayin ko lang si Mr. Richard at nang maibigay ko na ang mga papeles." sagot ni Marie. Umalis ang matanda sa sala papasok sa kusina at naiwang naghihintay si Marie. Biglang siyang nakarinig ng mga yapak mula sa hagdan at nakita niya si Mr. Richard na tila gulat noong nakita siya. "P-paano ka nakapasok dito Marie?" tanong nito sa kanya. "Ah, yung matandang babae po na kasambahay niyo. Pinapasok niya ko dito habang nasa taas po kayo. Siya nga po umasikaso saakin dito habang hinihintay ko po kayo." sagot naman ni Marie "Ano bang sinasabi mo Marie?!" ani ni Mr. Richard "Bakit po? May masama po ba akong sinabi?" tugon ni Marie sa kanyang amo "MARIE, wala akong maid!"
THE END
Commentaires