top of page

AREA 51 (One Shot Story)


DALAWANG taon ang ginugol ng tatlong mga travellers na sina Drake, Mike at Britney para mapag-aralan ng husto ang kabuuan ng United States Air Force o kilala sa tawag na Area 51. Lihim din nilang pinag-aralan kung paano ito papasukin dahil ayon sa mga research na kanilang ginawa at sa pagtatanung-tanong sa mga taga roon ay walang sinuman ang pinapayagan na makapasok sa lugar na iyon. Maski ang pagkuha lamang ng litrato sa lugar na ito ay mahigpit ding ipinagbabawal.

Habang tumatagal sila roon ay lalo silang nahihiwagaan kung ano nga ba ang makikita sa loob ng Area 51 at kung bakit ganoon na lang kahigpit ang seguridad ng nasabing lugar. Lahat na yata ng bawal ay nandoon na. Pati yata ang tumingin doon ay bawal na rin.

Ang Area 51 ay nababalot ng hiwaga at misteryo na maging ang mga taga roon ay hindi malaman ang nakatagong lihim sa lugar at natatakot na tuklasin dahil baka ito ang ikapahamak ng buhay nila.

Kaya nang makapunta na ang tatlong magkakaibigan sa Southern Nevada, umupa sila ng isang bahay doon at lihim na bumuo ng mga hakbang para mapasok ang Area 51. At mamayang gabi na ang itinakdang panahon ng pagpasok nila doon.

Pasadong alas-dyes na ng gabi nang matapos sila sa paghahanda ng mga gamit na kanilang kakailanganin sa kanilang misyon.

SINO’NG mag-aakala na nagtagumpay sila na mapasok ang naturang lugar? Sa dinami-dami ng mga taga roon noon na nagbalak na pasukin ang Area 51 ay silang tatlo pa lamang ang kauna-unahang mga tao na matagumpay na nakapasok doon at suwerte nila dahil walang nakahuli sa kanila.

Pinagmasdan nila ang paligid. Medyo nagtaka nga sila kung bakit wala man lang kahit isang CCTV camera doon para mabantayan ang sinumang mangahas na pasukin ang nasabing air force.

“Hindi ako makapaniwala na napasok natin ito ng ganoon kadali,” ani Mike habang bitbit ang malaking flashlight dahil medyo madilim na sa lugar na iyon.

“Ako nga rin, e. Nagsayang pa tayo ng dalawang taon para pag-aralan ng husto ang gagawin nating ito. Tapos ganito lang pala ang mapapala natin. Wala man lang thrill. Ang akala ko ba naman ay may makakahuli sa gagawin natin. Para lang tayong pumasok sa isang gubat na wala man lang katao-tao,” sabi naman ni Drake na dala-dala ang iba pa nilang mga gamit.

“Manahimik na kayo d’yan!” pabulong na sabi ni Britney sa kanila. “Masuwerte nga tayo at walang nakahuli sa atin kaya naging ganito lang kadali ang lahat. Mas mabuti na iyon kesa naman sa may makahuli pa sa atin at baka kung ano pa ang gawin sa atin.” At nagsimula nang maglakad-lakad ang tatlo sa loob.

Walang ibang makikita sa paligid kundi isang patag na sementong lupa at mga batu-bato sa paligid. Meron ding ilan na mga luma at wasak na gusali na tila hindi na ginagamit.

Nagmistulang haunted ang lugar na iyon at talaga namang nakakatakot.

Mabuti na lamang at may suot silang makapal na jacket dahil napakalakas ng hangin doon at doble ang lamig. Para silang naglalakad sa ibang planeta na nababalot ng yelo ang buong kapaligiran. Napakalamig. Kung wala silang suot na mga jacket ay baka nag-yelo na ang katawan nila roon.

“Sa tingin n’yo ba, may mapapala tayo sa ginagawa nating ito?” Si Mike ang nagsalita.

“Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong sa kanya ni Drake.

“Kung natatandaan ‘nyo ‘yung mga nabasa natin sa internet, sinasabi roon na restricted daw ang lugar na ito at wala pang ordinaryong tao ang nakapasok o nakasilip man lang dito. Pero bakit napasok natin ito ng ganoon kadali? Wala man lang ni isang guard o kahit ano pa man na puwedeng magbantay dito? Naisip ko lang kasi na baka wala naman talagang ‘something’ sa lugar na ito. Baka gawa-gawa lamang iyon ng mga tao para gawing katatakutan ang lugar na ito dahil nga masyado nang luma na parang napaglipasan na ng panahon,” komento ni Mike.

“E, paano naman ‘yung sinabi ng mga tagarito na napagtanungan natin? Bakit kahit sila ay naniniwalang may ‘something’ sa lugar na ito? Ibig sabihin, totoo ang lahat ng mga nasa internet. Baka hindi lang siguro nila ini-reveal ang lihim ng lugar na ito at naghihintay na may makatuklas. Kaya nga nandito tayo para alamin iyon,” paalala ni Drake.

Natahimik na lamang si Mike. Nakalimutan tuloy niya na maging ang mga taga roon ay naniniwala rin na may hiwagang itinatago ang lugar na nililibot nila ngayon.

“Tingnan n’yo, oh!” Itinuro ni Britney ang isang maliit na gusali na makikita sa dulo. Ang gusaling iyon ay tila gawa sa metal at kahit latag na latag na ang kadiliman ay mahahalata pa rin ang kintab nito.

Nilapitan nilang tatlo iyon para tingnan ng malapitan. Baka isa iyon sa mahiwagang bagay na matatagpuan sa loob ng Area 51. Hinawakan nila ang nakakandadong pintuan, pero tumagal lamang ng isang segundo ang pagkakahawak nila roon dahil napaso sa sobrang lamig ang kanilang mga kamay.

“Aray! Napakalamig naman nito! Ano kaya ang nasa loob nito?” takang tanong ni Mike.

Ang biglaang pagbukas ng pintuan ang siyang labis na ikinagulat ng tatlo. Sabay pa silang napasigaw at nagtatakbo. Ang mga boses nila ay umalingawngaw sa buong paligid.

Binilisan nila ang pagtakbo palabas ng Area 51 dahil sa isip nila ay baka iyon ang mismong headquarters ng mga tagabantay sa lugar na iyon.

Pero sa kasamaang palad, bigo silang makatakas. Dahil bago pa man nila marating ang gate na palabas ng Area 51 ay tumunog ito at kusang nagsara. Nang lapitan nila ito at sinubukang buksan ay mas kahalahati pa sa segundo ang itinagal nila sa pagkakahawak sa gate dahil may kuryente na pala ito. Lalo silang nagtaka dahil kaninang binuksan nila iyon ay wala naman itong kuryente o kahit anong mga patibong.

Bago pa sila makagawa ng kahit anong aksyon ay nadakip na sila ng tatlong matatangkad na mga lalaki na may malalaking pangangatawan. Nakasuot din ng itim na jacket ang mga ito at naka-black shades.

Heto na nga ba ang kinatatakutan ng tatlong magkakaibigan. Sinubukan nilang kumawala at maglaban pero higit na malakas sa kanila ang tatlong mga lalaki kaya hindi sila halos makakilos sa mahigpit na kagkakayakap ng mga ito sa kanilang katawan.

Agad na inilabas ng tatlong mga lalaki ang isang panyo na inispreyan ng pampatulog at ipinantakip sa bibig at ilong ng tatlong magkakaibigan.

Ilang sandali pa, nawalan na ng malay ang mga ito kaya hindi na nahirapan ang tatlong lalaki na dalhin muli sa gusaling pinuntahan kanina ng tatlong ito.

Ang loob pala ng gusaling iyon ay puno ng mga ice machine o mga makina na lumilikha ng lamig. Kung malamig sa labas niyon ay higit na malamig sa loob nito. Ice Machine Room ang tawag doon.

Matapos hubaran ng tatlong lalaki ang magkakaibigan ay itinali sila ng pabaligtad at isinabit sa kisame, pagkatapos ay lumapit ang isang lalaki sa malaking makina at ini-adjust ang temperature control nito sa maximum degree.

Mabilis na lumabas ang tatlong lalaki bago pa sila magyelo sa loob.

Nang magkamalay-tao na sina Drake, Mike, at Britney ay ganoon na lamang ang pagkasindak nila nang matagpuan ang kanilang mga sarili na nakakulong sa isang napakalamig na silid at nakatali ng pabaligtad. Sinubukan nilang magwala pero halos hindi sila makagalaw o makapagsalita man lang dahil mabilis na kumapit ang lamig sa kanilang pangangatawan dahil tinanggal ang mga damit sa buo nilang katawan.

Sayang dahil mahuhuli na ang lahat bago pa nila matuklasan na ang lahat ng mga haka-hakang nagkalat sa internet tungkol sa Area 51 ay totoo, at silang tatlo lang sana ang makakapagpatunay niyon pero mukhang hindi na nila iyon maaabutan pa dahil nabibilang na lamang ang mga oras nila sa loob.

Sa huling sandali ng kanilang mga buhay ay napaluha sila at labis na pinagsisihan ang ginawa nilang iyon na ikinapahamak pa nila.

Pero sino’ng hindi magugulat nang unti-unting magyelo ang mga luha na tumulo sa kanilang mga mata…

KINAUMAGAHAN, nang balikan ng tatlong lalaki ang loob ay isa nang ganap na yelo ang katawan nina Drake, Mike, at Britney. Pati ang mahabang buhok ng dalaga ay nanigas at nabalutan ng yelo. Dilat ang kanilang mga mata at nakabuka ang bibig. Naging sky blue ang kulay ng kanilang balat dahil sa matinding lamig at yelo na kumapit at bumalot sa loob ng kanilang katawan. Pati ang kanilang mga lamang loob at mga buto ay binalot din ng yelo! Ganoon katindi lumikha ng nakamamatay na lamig ang makinang iyon na nasa loob ng abandonadong opisina na ito.

Agad na lumapit ang isang lalaki sa makina at ini-adjust sa low ang temperature control nito, pagkatapos ay hinila nila pababa ang malamig at matigas na mga bangkay. Nang bumagsak ang mga ito sa sahig ay bahagyang nagkaroon ang mga ito ng mga krak.

Kumuha ang tatlong lalaki sa labas ng malalaking mga pamalo na yari sa bakal pagkatapos ay pinaghahampas nila ng palo ang tatlong bangkay ng magkakaibigan. Nadurog ang katawan ng mga ito at nagkapira-piraso na parang malalaking tipak ng bato.

Muli pa nilang pinaghahampas ng palo ang mga ito, at para nang maliliit na mga ice cubes ang pira-pirasong katawan nina Drake, Mike, at Britney.

SA isang malaki at lumang headquarters na matatagpuan sa dulo ng Area 51 ay nagbukas ang pinto at pumasok mula roon ang tatlong mga lalaki na may bitbit na isang itim na sako. Nagsimulang umungol ang gutom na gutom na mga nilalang na nasa loob ng headquarters na iyon na tila kanina pa naghihintay sa kanilang pagdating.

Binuksan nila ang sako at ibinuhos sa sahig ang laman niyon. Iniluwa naman ng sako ang pira-pirasong mga katawan nina Drake, Mike, at Britney na nanigas na parang yelo.

Nag-unahan ang mga nilalang sa pagdampot sa mga iyon at isinubo nila ito. Lumutok-lutok pa sa kanilang mga bibig habang nginunguya ang matitigas na mga katawang tao na naging yelo.

Nakangiti naman ang tatlong lalaki habang pinagmamasdan ang mga halimaw na iyon na kinakain ang pira-pirasong mga katawang yelo nina Drake, Mike, at Britney. Mga halimaw na galing sa kalawakan na nagmula sa ibang planeta.

Kung alam lang ng lahat, may isang bulalakaw na nagmula sa kalawakan noon na bumagsak sa mismong malawak na lugar ng Area 51 noong dekada nobenta. Nang lapitan ito ng mga tauhan ng air force ay hindi pala ito isang bulalakaw, kundi isang malaking itlog na nabasag at nagluwal ng maraming mga nilalang na pangkalawakan. Walang iba kundi mga Alien.

Dahil sanggol pa lamang noon ang mga Alien ay wala pang kakayahan ang mga ito na makapanakit ng tao kung kaya’t dinala ang mga ito sa lumang headquarters sa dulo ng Area 51 at doon inalagaan at pinag-aralan.

Magmula noon ay naging restricted na ang nasabing lugar. Naging mahigpit na ang seguridad doon upang walang sinuman ang mangahas na pumasok para alamin kung ano ang itinatago nila sa lugar na iyon dahil noong matapos mangyari ang pagbagsak ng inaakala nilang bulalakaw sa Area 51 ay nabalita ito sa telebisyon at napanood ng maraming tao. Kaya nagsimulang magtaka at magduda ang mga ito kung bakit naging restricted na ang lugar matapos ang insidente.

Pero habang lumalaki ang mga Alien ay patindi ng patindi ang kanilang gutom dahil hindi pa sila kumakain sa buong buhay nila. Kaya isang araw ay hindi nila napigilang lapain at kainin ang isang security guard na nagbabantay sa headquarters na tinitirhan nila. Nangyari iyon noong 2011 at nasundan pa ng maraming mga tauhan sa air force.

Sa takot na maubos ang kanilang natitirang mga tauhan ay nagdesisyon ang may-ari ng lugar na tanggalin na ang lahat ng mga warning signs na nakapalibot noon sa Area 51 para isipin ng mga tao na hindi na restricted ang lugar at puwede nang puntahan. Hindi naman sila nabigo sa planong iyon. Dahil bukod kina Drake, Mike, at Britney ay may nagtangka na rin na pumasok noon sa loob ng Area 51 at tulad ng tatlong magkakaibigan, pinakain din ang mga ito sa mga Alien. Ang akala siguro ng tatlong magkakaibigan ay sila pa lang talaga ang mga taong nakapasok doon. Pero ang totoo ay isa rin pala sila sa mga naging biktima at nalinlang ng gimik na iyon ng may-ari ng nasabing lugar.

Natutong kumain ng tao ang mga nilalang na iyon dahil sa tao rin ang palaging ipinapakain sa kanila ng mga nag-aalaga sa kanila, kabilang na ang tatlong mga banyagang lalaki na nagngangalang sina Edward Chui, Simon Vladimir Torres, at Felix Williamberg Serrano Jr. Sila ang tatlong American scientist na mga bagong tagapangalaga at tagabantay sa mga nilalang na iyon sa Area 51. At kamakailan lang ay may nadiskubre silang isang panibagong eksperimento.

Napag-alaman nila na ang isang yelo ay nagbibigay ng higit na lakas sa mga Alien kapag nakakain nila ito at nakakatulong din ang yelo para mabilis silang tumaba at lumaki. Kung kaya’t nagpagawa ang may-ari ng Area 51 ng isang electronic ice machine para gawing yelo ang katawan ng isang tao na mahuhuli nilang papasok sa lugar na iyon, at nakalagay ang makinang ito sa dating opisina na ginawa nang ice machine room ngayon. Doon ang bagsak ng mga taong gagawing yelo ang katawan para ipakain sa mga Alien.

At sa pamamagitan ng pagkaing tao na may halong yelo, lalong nagiging malamig sa bibig ng mga Alien ang kanilang kinakain na lalong nagbibigay ng lakas sa kanila para lalong maging masigla, malusog, at lumaki.

At nagiging mas matamis din sa kanilang panlasa ang malansang mga lamang loob ng mga tao kapag nababalutan ito ng yelo. At kapag kinain na nila, parang chicaron na lulutok-lutok pa sa bibig nila dahil sa sobrang tigas, pero masarap at malamig sa bibig na parang menthol candy.

Malaki ang suweldong ibinibigay ng may-ari ng Area 51 kina Edward, Simon, at Felix para alagaan at bantayang mabuti ang mga nilalang na pangkalawakan upang hindi ito makita ng mga taong nangahas na pasukin ang lugar nila.

Kaya ngayon ay wala nang makikitang mga warning signs sa lugar na iyon na bawal pumasok. Dahil libre nang makakapasok ang kahit na sino, pero ang hindi naman alam ng marami ay sila ang magiging pain para ipakain sa mga Alien kapag nagtangka talaga sila na pasukin ang Area 51.

SAMANTALA, habang kinakain ng mga mababangis na mga Alien ang pira-pirasong mga katawang yelo nina Drake, Mike, at Britney ay napaliligiran naman ng mga camera ang buong sulok ng headquarters. At dahil sa mga camera na iyon ay live na mapapanood sa isang restricted site sa Deep Web ang totoong mga Alien na nakatago sa Area 51.

iilan lamang ang mga taong nakakapasok sa Deep Web at sa restriktong site na iyon na nangangailangan pa ng maraming security password para mabuksan. At kapag ito’y matagumpay nilang nabuksan sa pamamagitan ng system coding ay live nilang mapapanood doon ang aktwal na video ng mga Alien na nasa Area 51 habang kumakain ang mga ito ng tao!

May isa pa ngang lalaki ang tinangkang pasukin ang Deep Web at pinuntahan ang restricted site na iyon. Pagkatapos niyang malampasan ang security password na hinihingi ng restricted site ay nagbayad siya ng malaking halaga sa pamamagitan ng credit card para tuluyang makapasok doon at makita ng live ang mga Alien.

Napanganga siya at nanlaki ang mga mata. Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang makita sa live cam kung paano kumilos ang mga Alien habang kumakain ang mga ito ng tao. Namangha rin siya sa kakaibang kaanyuan ng mga ito.

Kulay grey ang balat ng mga ito, may mahahaba at mapuputing mga buhok at balbas na halos sumayad sa lupa, bilog na bilog ang pulang mga mata at mahahaba ang mga daliri na wala namang mga kuko. Ang kanilang mga katawan ay tulad din ng katawan ng tao, ang pinagkaiba nga lang, may mga buntot sila sa likod at ang puson nila ay mahaba. At ang kanila namang mga ngipin ay matatalim, mahahaba pero makikintab. Dalawang malaking butas lamang ang makikita sa gitna ng kanilang mukha at walang ilong ang mga ito…

TOTOO ang mga Alien sa Area 51. Kung alam lang ng marami, sadyang nakakatakot ang hitsura ng mga ito. Taglay nila ang kasuklam-suklam na anyo na kahit sa panaginip ay hindi nanaisin ng sinuman na makita.

Pero sa Deep Web lamang sila maaaring makita o mapanood. Hinding-hindi sila makikita o mahahanap sa Google dahil ang mga nilalang na katulad nila ay hindi na dapat tuklasin o pakialaman pa ng mga tao na wala namang magandang hangarin kung sakaling matuklasan pa nila ito dahil baka ito ay ikapahamak lamang nila.

Katulad na lang ng nangyari kina Drake, Mike, at Britney na sinubukang pasukin ang Area 51 para sa kanilang kanaisan na alamin ang misteryosong lihim nito na hindi na dapat pinapakialaman pa, kung kaya’t ngayon ay kasalukuyan na silang pinagpipiyestahan ng mga Alien at ang kanilang mga buhay ang naging kabayaran sa pagtuklas ng lihim ng Area 51…

AREA 51

Written by Daryl Morales

All Rights Reserved 2015

***WAKAS***


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic

FOLLOW US

  • Facebook Classic
  • YouTube Social  Icon
  • Google+ Social Icon
  • Blogger - White Circle

© 2015 by Daryl Morales (UHS Creator)

bottom of page