BALON (One Shot Story)
![](https://static.wixstatic.com/media/cb2b58_97a0e9bb69ec4e5e970acd8364aaa55a.jpg/v1/fill/w_847,h_635,al_c,q_85,enc_auto/cb2b58_97a0e9bb69ec4e5e970acd8364aaa55a.jpg)
TUMUTULO ang mga luha ng babaeng punit-punit ang damit at palda habang tumatakbo papunta sa gubat. Bahala na kung saan mapunta, ang mahalaga ay makatakas lang siya mula sa mga lalaking nagtangkang gumahasa sa kanya.
Walang patid ang kanyang pagtakbo. Hindi na niya alintana ang tumutusok sa mga paa niya na matutulis na mga dahon at putol na sanga ng mga puno na nagkalat sa lupa. Wala nang mas sasakit pa sa panggagahasa kumpara sa mga sugat ng kanyang talampakan dahil sa mga matutulis na natatapakan.
Napadpad din sa gubat ang tatlong mga lalaki na humahabol sa babae. Wala na silang ibang nakitang maaaring takbuhan ng babae kundi ang malawak na gubat na ito. Saglit na napahinto ang tatlo at huminga ng malalim. Halatang pagod na pagod na sa kakahabol.
“Hindi puwedeng makatakas ang babaeng iyon dahil tiyak na magsusumbong ‘yon sa mga pulis. Kapag nagkataon ay hindi tayo puwedeng mangibang bansa para makatakas dahil magiging wanted tayo!” humihingal na wika ni Jayvee. Hindi maitatago sa mukha nito ang labis na pangamba.
“Saan natin siya hahanapin?” Iginala ni Eugene ang mga mata sa buong kagubatan. Napakalawak nito. Napakaraming mga puno at mga pasikut-sikot na daanan. Mahihirapan silang hanapin ang babae sa ganoong kalawak na lugar. Para silang maghahanap ng karayom sa gitna ng dayami.
Kung hindi lang kasi nakuha ng babae ang video cam ni Jayvee ay hindi na nila ito pagsasayangan pa ng oras para habulin. Naka-record kasi sa video cam na iyon ang aktwal na panghahalay nila rito. Si Troye, ang pangatlo nilang kasamahan, ang nagdesisyon na i-record ng video para may mapanood sila at gawing libangan sana.
“Wala tayong mapapala kung tutunganga lang tayo rito! Hanapin na natin siya!” nanlalaki pa ang mga matang sabi sa kanila ni Troye at ito ang naunang naglakad. Sumunod na lamang sa kanya ang dalawa.
“Masyadong malaki ‘tong gubat. Dapat siguro maghiwa-hiwalay tayo para agad natin siyang makita,” suhestiyon ni Eugene sa mga kasama.
“Paano naman kapag naligaw tayo? Saan din natin hahanapin ang isa’t isa? Sa laki ba naman ng lugar na ito, dapat sampu tayong maghahanap dito!” Halatang galit na si Jayvee.
“Tama si Eugene, pare. Mas lalo lang natin siyang hindi makikita kung sabay-sabay tayong maghahanap ng ganito. Baka hindi pa tayo nangangalahati sa paglalakad makalabas na iyon ng gubat at makapunta sa police station. Dapat maghiwa-hiwalay tayong tatlo.” Dinukot ni Troye ang cell phone sa bulsa at tiningnan kung may signal.
“Oh! Merong signal ‘yung cell phone ko. Tingnan n’yo ‘yung sa inyo kung meron. Tawagan na lang natin ang isa’t isa kung sakaling may maligaw man.”
Dinukot din ng dalawa ang kanilang mga cell phone sa bulsa at tsinek kung merong signal. Nang makitang may signal din ang mga ito ay hindi na sila nagdalawang isip na maghiwa-hiwalay. Nagpunta si Jayvee sa silangang direksyon. Si Eugene ay nagpunta sa kanluran at nag-timog naman si Troye.
ANG pagkadapa ni Ericka ang nagpahinto sa kanya sa pagtakbo. Napaiyak siya dahil sa sobrang hapdi ng mga sugat niya sa paa at sa pangambang baka masundan siya kapag hindi pa siya nagpatuloy sa pagtakbo. Pero hindi na niya kaya. Nang makakita siya ng isang malaking balon na nasa gitna ng lupa ay gumapang siya papunta roon at doon sumandal para magpahinga. Nanginginig ang mga paa niya dahil sa mga sugat na tinamo.
Mahigpit niyang hawak ang video cam dahil iyon ang gagamitin niyang ebidensiya para maipakulong ang mga nagtangka sa buhay niya. Pero walang katiyakan kung makakalabas pa ba siya sa napakalawak na gubat na iyon sa kanyang kalagayan. At isa pa, hindi niya alam kung saan ang daanan palabas ng gubat. Habang tumatakbo ang oras ay nauubusan na siya ng pag-asa na nagiging dahilan ng kanyang labis na panlulumo at pagtangis.
KALAHATING oras nang naglalakad ang tatlong lalaki sa kani-kanilang kinaroroonan pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nila ito makita. Hindi nga nila alam kung nasa gubat pa ba ang hinahanap nila o baka tuluyan na silang natakasan nito. Ngunit hindi puwedeng makatakas ang babaeng iyon. Nasa kanya ang isang bagay na makakapagpahamak sa kanila kaya dapat nilang mahanap at mailigpit ang babae bago pa mahuli ang lahat.
Samantala, habang nagpapahinga si Ericka ay nakarinig siya ng kakaibang ingay na nagmumula sa kinasasandalan niyang balon. Saglit na nawala sa isip niya ang pangamba at bahagyang dumungaw sa bibig ng balon at pinakinggan ng mabuti ang ingay sa ilalim nito.
Meron siyang naririnig na parang humihinga ng malalim sa loob. Napakalakas ng paghinga nito na sa tansa niya’y parang may isang malaking nilalang na nasa loob kaya ganoon na lang kalakas at kalalim ang paghinga nito. Mayamaya’y umungol ito ng pagkahaba-haba. Napanganga si Ericka habang pinakikinggan ang kakaibang ingay na nagmumula sa ilalim ng balon. Bakas sa mukha niya ang kuryosidad.
“Nariyan ka lang pala!” Nagulat siya sa tinig na narinig mula sa kanyang likuran. Nang ito’y kanyang lingunin, nanlaki ang mga mata niya ng makita si Jayvee, ang isa sa mga nagtangkang gumahasa sa kanya at ang may-ari ng video cam na hawak niya ngayon.
Kumabog ang dibdib ni Ericka nang itutok ng lalaki ang baril nito sa ulo niya. Ang matalim na mga titig sa kanya ng lalaki ay nagbabadya ng galit at banta sa kanyang buhay.
“Ibigay mo ‘yang hawak mo kung ayaw mong sumabog ang ulo mo,” mahinahon ngunit madiing wika ni Jayvee na ang tinutukoy ay ang video cam na hawak ng babae.
Lalong hinigpitan ni Ericka ang pagkakahawak sa video cam at muling bumuhos ang mga luha sa kanyang mga mata. Halos malukot ang mukha niya sa pag-iyak.
“P-parang awa mo na…” Hindi na alam ni Ericka kung ano pa ang kanyang sasabihin dahil natitiyak niyang hindi rin siya pakakawalan nito kahit ano pang klaseng pagmamakaawa ang gawin niya.
Agad na inagaw ni Jayvee sa mga kamay ng babae ang video cam. Nang mahablot niya ito ay agad namang sinubukan ng babae na agawin muli ito. Hinawakan nito ng mahigpit ang isang kamay ng lalaki at pilit niyang binubuksan ang mga daliri nito na nakahawak sa video cam.
“Bitawan mo ‘ko!” nanggigigil na sabi ni Jayvee at idiniin na ang baril sa ulo ng babae. Pero ayaw talaga nitong bumitaw. Bagama’t humahagulgol na ito sa iyak dahil sa takot na mabaril ay hindi pa rin ito bumitaw at pilit na inaagaw sa kanya ang video cam.
“Ayaw mong bumitaw, ha!” Sinipa ng lalaki ang tiyan ng babae ng ubod ng lakas. Doon humiwalay ang mga kamay nito sa kamay niya at napasandal muli ito sa balon. Binulsa ni Jayvee ang kanyang baril at sinakal ang babae ng pagkahigpit-higpit. Halos lumabas na ang dila nito sa higpit ng pagkakasakal sa kanya ng lalaki.
Hindi na nagsayang pa ng pagkakataon si Jayvee at binuhat nito ang mga paa ng babae, pagkatapos ay inihulog niya ito sa bibig ng balon. Narinig pa niya ang pagtitili ng babae habang nahuhulog ito sa kailaliman ng balon. Nasa tono ng pagsigaw nito ang sobra-sobrang takot.
Paalis na sana siya nang biglang may isa pang sigaw ang sumabay sa pagtili ng babae sa ilalim ng balon. Sumilip siya sa butas nito at pinakinggan ng mabuti ang nagtatalong ingay sa ilalim. Ang pangalawang sigaw na iyon ay tila boses ng isang dambuhalang nilalang na sumisigaw dahil sa galit, na animo’y nagambala o nagulat sa biglang pagkahulog doon ng babae.
Nanlaki ang mga mata ni Jayvee sa pagkasindak dahil dinig na dinig niya ang tila pagkagat ng nilalang sa kung anumang parte ng katawan ng babae. Habang tumitili ang babae ay nag-iba ang boses nito. Parang boses na nagagasgas, naghihingalo, o nasasaktan.
Mayamaya ay unti-unting humina ang pagsigaw ng babae hanggang sa tuluyang maglaho sa pandinig ni Jayvee ang boses nito. Ang maririnig na lamang sa ilalim ay ang tila pagnguya ng nilalang sa lamang-loob ng babae!
Nangunot ang noo ni Jayvee at binalot ng kuryosidad ang kanyang isipan kung anong klaseng nilalang ang nasa loob ng balon na ito. Sa mga sumunod na eksena ay siya naman ang nagulat.
Biglang lumitaw sa gitna ng madilim na ilalim ng balon ang mapupula at maliliit na liwanag na nanggagaling sa loob. Mabilis na kumilos ang nilalang na ito. Bago pa man makawala si Jayvee mula sa pagkakasilip sa bibig ng balon ay mabilis na umakyat ang nilalang at hinablot ang ulo ni Jayvee!
Hindi man lang nito nagawang sumigaw. Awtomatikong bumulagta sa lupa ang katawan nito na wala nang ulo. Inilabas ng nilalang ang mahaba at malaki nitong kamay sa bibig ng balon at buong lakas na hinila ang kaliwang paa ng katawan ni Jayvee at dinala rin nito sa ilalim ng kanyang lungga para gawing tanghalian.
Tanging dugo na lamang na nagmula sa butas na leeg ni Jayvee ang naiwang bakas sa tabi ng balon. Malayo-layo sa lugar na kinaroroonan nina Eugene at Troye ang balon na iyon. Tagaktak na ang pawis ni Eugene sa ulo, leeg at mga braso sa kakalakad pero hanggang ngayon ay hindi pa rin niya makita ang babaeng hinahanap nila. Si Troye naman ay namulikat na ang paa sa kakalakad kaya napahinto ito sa isang puno at pansamantalang sumandal doon para magpahinga. Ang hindi nila alam ay wala na ang babaeng hinahabol nila. At siguradong wala rin silang kaalam-alam sa nangyari sa isang kasamahan nila ngayon na si Jayvee…
At higit sa lahat, lingid sa kaalaman ng kahit na sino ang tunay na pagkatao ng nilalang na naninirahan sa ilalim ng balon na iyon. Dahil ang nilalang na nandoon ay anak ng babaeng si Bruhilda na nabuhay noong dekada 90.
Hindi matanggap ni Bruhilda na nagkaroon siya ng isang anak na halimaw. Apat ang mata, malaki ang bibig, siksikan ang matutulis na mga pangil, at ahas ang kalahating katawan. Noong unang araw pa lang na isinilang niya ito ay hindi ito nagdalawang isip na itapon ang halimaw na sanggol dahil sa takot niya na kamuhian ng maraming tao. Mas gugustuhin pa nitong mamuhay mag-isa kaysa sa magpalaki at mag-alaga ng halimaw.
Nagpunta si Bruhilda sa gubat na iyon na medyo malayo-layo sa kanilang lugar at nang makakita siya ng isang balon ay doon niya itinapon ang bata para siguradong wala ng makakita pa rito at hindi na makapaminsala pa sa mga tao. Magmula noon ay nagpakalayu-layo na si Bruhilda at kinalimutan na nagka-anak siya.
Ang akala ng babae ay patay na ang anak nito mula nang itapon niya ito sa balon. Subalit wala palang kamatayan ang nilalang na ito. Ang buhay nito ay kapareho sa buhay ng mga dikya. Hindi ito mamamatay kung wala ring papatay dito. At doon lumaki sa ilalim ng balon ang nilalang na iyon.
Sa paglipas ng ilang mga taon, habang ito’y lumalaki ay lalo itong lumalakas at nagiging mabangis. Nagagawa na nitong lumabas sa balon gamit ang mahahaba at malalaki nitong mga kamay pati ang makapal at mahaba nitong buntot-ahas.
Ang mga ligaw na hayop sa gubat ang ginagawa nitong pagkain, dinadala sa ilalim ng kanyang lungga at doon kinakain. Pero dahil sa natikman niya kina Ericka at Jayvee ay natuklasan ng nilalang na mas masarap pala gawing pagkain ang tao kaysa sa hayop… Kung kaya’t nang araw na iyon ay muling lumabas sa balon ang taong ahas, iginala ang mga mata sa paligid para maghanap ng tao na gagawin nitong pagkain!
BALON
Written by Daryl Morales
All Rights Reserved 2015
***WAKAS***