LIFE & DEATH (One Shot Story)
![](https://static.wixstatic.com/media/cb2b58_cc0b7f6fd35f4ebf8e55331c6c9a2e5b.jpg/v1/fill/w_197,h_315,al_c,q_80,enc_auto/cb2b58_cc0b7f6fd35f4ebf8e55331c6c9a2e5b.jpg)
Handa ka na bang harapin ang iyong kamatayan? ------ “Aali, hindi ka pa ba uuwi?” Tanong sa akin ng bestfriend kong si Bea, isang hapon. Nakaharap ako no’n sa aking PC habang abalang-abala sa paggawa ng monthly report. Isa akong bookkeeper sa isang private bank. “Mauna ka na, Bey.” Sagot ko. Saglit ko lamang s’yang sinulyapan at muling ibinalik ang aking tingin sa monitor ng aking PC. “Tatapusin ko lang ‘tong BSP report. Deadline na bukas, eh.” Narinig ko ang pag-lagutok ng mga takong ng kanyang sapatos sa sahig hanggang sa maramdaman ko na lang na nakatayo na pala siya sa aking likuran. “What’s wrong?” Kunot-noong tanong ko sa kanya. Bigla tuloy akong na-confuse sa itsura ko ng mga sandaling iyon kasi titig na titig siya sa akin na tila ba may kakaiba s’yang nakikita sa mukha ko. “Uy, Bea! Bakit? Ang oily na ba ng mukha ko at ganyan ka makatitig? Don’t worry, magre-retouch ako mamaya. Tatapusin ko lang muna ‘tong report ko at baka mapatay ako ni Head bookkeeper kapag hindi ko ‘to kaagad na-submit sa kanya bukas ng umaga.” “Best, mag-ingat ka mamaya ha.” Lalong lumalim ‘yong pagkaka-kunot ng aking noo. Ang weird ng dating ng boses niya. Pakiramdam ko’y bigla akong kinilabutan. “B-Bakit? I mean, bakit ganyan ka kung makahabilin. Kakakilabot ka naman.” I tried to joke. Bahagya ko pang hinaplos ng aking palad ang kanan kong braso habang nakangiti. “Aali, I’m serious...” Muli ko s’yang tiningnan. “Nakita kita kanina... wala kang ulo.” Bahagyang napaawang ang aking mga labi kasabay noon ang biglang paglalaho ng aking mga ngiti. Wala akong ulo? Nanti-trip ba ‘to si Bea? Sa isip-isip ko. “Are you taking drugs?” “Aaliyah, ano ba?!” Bulalas niya kasabay ang pag-buga niya ng hangin. Halata ang tensiyon sa tinig niya. “Masamang pangitain iyon, posibleng may mangyaring masama sa’yo.” Alam ko ang mga gano’ng pangitain, pero dahil siguro sa moderno na ang panahon ngayon kaya hindi na ako naniniwala. Pakiramdam ko’y sadyang mapaglaro lang ang imahinasyon ng mga tao. Nginitian ko lang si Bea bago ko muling ibinalik ang aking tingin sa monitor. “Sige na, Bey. Mauna ka na.” Sabi ko. Nagsimula na akong mag-type ulit. “Bahala ka nga kung ayaw mong maniwala!” Nagtatampong sabi ng bestfriend ko bago siya padabog na lumabas ng aming opisina. Saglit ko s’yang nilingon at nanlaki ang aking mga mata ng makita kong wala s’yang ulo. Tatangkain ko sana s’yang tawagin subalit nakalabas na siya ng opisina at tuluyan ng nawala sa aking paningin. Hindi ko alam kung ilang minuto, o oras ang lumipas. Bigla ko na lang natagpuan ang aking sarili sa gitna ng kalsada. Nakahiga ako. Dilat na dilat ang aking mga mata habang nakatingin ako sa kalangitan. Tila napakapayapa ng ulap. Dahan-dahan akong bumangon. Akmang tatayo ako nang maramdaman ko ang pagkirot ng aking ulo. Napakagat-labi ako ng haplusin ko iyon. Naramdaman ko ang pagkapit ng malagkit at medyo mainit na likido sa aking mga daliri. “Wha...What is...” Napalunok ako ng makita ko ang likidong kumapit sa aking mga daliri. “Bakit may dugo ang ulo ko? Ibig sabihin may sugat ako?” “Aali?” Agad akong tumingala sa taong tumawag sa pangalan ko at noo’y nakatayo sa aking harapan. “I’m happy ‘cause you are safe.” Ngiting-ngiting sabi ng bestfriend kong si Bea. “Safe? A-Ano bang...” Agad akong natigilan ng marinig kong may tumawag sa akin buhat sa aking likuran. “Aali...” Nakakapangilabot ang dating ng tinig na iyon. Tila ba nanggagaling sa ilalim ng lupa, subalit hindi ako p’wedeng magkamali dahil alam kong tinig iyon ni Bea. Dahan-dahan akong lumingon at gano’n na lang ang aking pagkabigla ng makita ko ang pugot na ulo ni Bea habang lumulutang iyon sa ere. “Aaahhhh!!!” ----- “Aaliyah! Aali, gising!” Napaigtad ako. Habol-habol ko ang aking paghinga habang hawak ko ang aking dibdib. Mabilis kong inilibot ang aking paningin. Nasa loob pa rin ako ng office. “Nananaginip ka kaya. Mukhang bangungot na nga eh. Ang lakas ng sigaw mo.” Sabi ni Bea ng iabot niya sa akin ang isang bottled water. Naupo siya sa bakanteng silya sa aking tabi. Nanginginig pa ako ng tunggain ko ang laman ng bote. Pakiramdam ko’y uhaw na uhaw ako. “Akala ko umuwi ka na? I mean, totoo bang umuwi ka?” Naguguluhang tanong ko. “Ikaw yata ‘tong nagda-drugs eh.” Tumatawang sabi niya. “Oo, nagpaalam ako sa’yo kanina, ‘diba? Kaya lang malakas ‘yong ulan kaya bumalik ako. Tapos pag-balik ko, nakita kong nakayuko ka. Hindi na kita pinansin kasi alam kong natutulog ka eh.” Nag-buga ako ng hangin. Hindi ko alam kung paano akong nakatulog. Parang ang bilis ko namang nakatulog. Sumulyap ako sa wall clock. Six o’clock. “Six o’clock din no’ng nagpaalam ka kanina, ‘diba?” Tanong ko kay Bea. “Sira ba ‘yang relo natin?” “Hindi ah. Bago ‘yan eh.” Muli akong napaigtad ng mag-ring ang telepono sa aking tabi. Nakakagulat naman ‘to. “Yes. Good evening?” Sagot ko. “Aali...” Nanginginig ang tinig ng nasa kabilang linya. Parang naiiyak. “Po? Tita Lufe, ikaw ba ‘yan?” Maagap kong tanong. Si tita Lufe ang mommy ni Bea. “Yes, it’s me, Aali. Patay na si Bea.” What? Sino raw ang patay? Naguguluhang tanong ko sa aking sarili. Humigpit ang hawak ko sa awditibo ng telepono habang dahan-dahan akong lumilingon sa upuan sa aking tabi kung saan nakaupo si Bea bago ko sinagot ang tawag. My God. Napalunok ako. Wala si Bea. Wala akong katabi. Bakante ang silya. Eh, sino ‘yong kausap ko kanina? Gumapang ang kilabot at takot sa buo kong katawan. Ano pong nangyayari, Lord? Agad kong ibinaba ang awditibo ng telepono. Nanginginig ang aking mga kamay. Nag-buga ako ng hangin nang tumayo ako mula sa pag-kakaupo. “Diyos ko! Paano pong namatay si Bea? Nananaginip lang po ba ako?” Hindi ko malaman kung anong gagawin. Muli kong sinulyapan ang telepono. Hindi ko nga pala naitanong kay tita Lufe kung ano ang ikinamatay ni Bea. Nanginginig pa rin ako ng angatin ko ang awditibo. Idinial ko ang telephone number sa bahay nina Bea. Ring lang nang ring. Walang sumasagot. “Hindi ka pa rin ba uuwi?” Natigilan ako ng marinig ko ang boses ni Bea. Lalo akong nanginig. Hindi lang ang aking mga kamay kundi maging ang buo kong katawan. Tila na-freeze ako sa aking kinatatayuan. Ramdam ko ang pag-angat ng mga balahibo ko sa batok. Nanlalamig ako. Mahal ko si Bea bilang bestfriend ko. Naaawa at nalulungkot ako sa maaga n’yang pagkamatay, subalit hindi ko rin maitatangging natatakot ako sa kanya ng mga sandaling iyon. Hindi ko pa naranasang makakita ng mga multo at lalong hindi ko pa naranasang makisalamuha sa mga katulad nila. “B-Bea?” Nanginginig ang aking tinig habang nakatalikod ako sa kinaroroonan niya. Ramdam ko ang paglapit ng kanyang presensiya sa aking likuran. “Yes?” “P-please, huwag ka namang manakot. Bea, please...” Halos maiyak na ako. Dahan-dahan kong ibinaba ang awditibo ng telepono. Nanatili akong nakatalikod sa kanya. “Manakot? Wala akong ginagawa sa’yo ah. Luka-luka ka talaga.” Narinig ko ang mahina n’yang pagtawa. “Tinatanong ko lang kung hindi ka pa rin ba uuwi, pananakot na ba ‘yon?” Napalunok ako at saglit na natigilan. Multo ba talaga ni Bea itong kausap ko o nagkamali lang ako ng pandinig sa sinabi sa akin ni tita Lufe kanina? Naguguluhang tanong ko sa aking isip. Dahan-dahan kong nilingon si Bea. Kailangan kong malaman ang totoo kaysa panatilihin ko ang takot. Nakangiti siya sa akin. Wala namang pinagbago ang itsura niya. “M-Multo ka ba?” “Gaga! Ako, multo?” Tatawa-tawang sagot niya. “Nababaliw ka na ba, Aali? Iyan ang sinasabi ko sa’yo eh. H’wag mong masyadong sineseryoso ‘yang trabaho at nakakabaliw ‘yan.” Humakbang ako palapit sa kanya bago ko siya hinawakan sa braso. Lumunok ako. Nahahawakan ko siya? “N-Nahahawakan kita?” “Natural. Hay naku! Nakakaloka na ‘yang trip mo ha, bestfriend. Hindi na kita masakyan.” “Pero ang sabi ni tita Lufe, patay ka na. Katatawag niya lang...” Naguguluhan pa rin ako. Ano ba ‘tong nangyayari? Sunod-sunod ang aking pag-buntong-hininga. Gulong-gulo talaga ako. Hindi kaya nabingi lang ako? Dala lang kaya ng pagod kaya mali ang pag-intindi ko sa sinabi ni tita Lufe? “Sakto. Drug addict ka tapos si mama naman ang pusher.” Hindi magkamayaw sa pagtawa si Bea. “Parehas kayong parang nasisiraan na eh.” Naiiling na lang ako nang mapatawa na rin ako. Baka nga mali lang ang dinig ko. “Halika na. Umuwi na tayo. Bukas mo na tapusin ‘yan. Pasok tayong maaga. Sa tingin ko kailangan mo ng mag-pahinga muna ngayon.” “Okay. Pero tatawagan ko muna si tita Lufe...” “Huwag na. Pauwi na naman na tayo eh. Daan ka na lang sa bahay o kaya doon ka na lang matulog para mawala na sa isip mo ‘yang pag-iisip na multo ako, okay?” Ilang saglit muna akong nag-isip bago ako tumango. Ilang minuto rin siguro ang itinambay namin sa waiting shed kung saan kami sumasakay ng jeep pauwi, pero nabigo kaming makasakay. Lahat ng sasakyan ay punuan. Ni walang gustong pumara para isakay kami. “Lakad na lang tayo.” Suhestiyon ko. Nangangawit na rin ‘yong binti ko at isa pa’y gusto ko ng makapag-pahinga. Tuluyan ng nawala sa isip ko ‘yong tungkol sa pagtawag ni tita Lufe. “Grabe ka naman. Naka-high heels tayo eh.” Reklamo ni Bea. “Eh kaysa naman, naka-tunganga tayo rito. Puno nga lahat ng jeep, ‘diba? Wala ring dumadaang bus at taxi. Umuwi na tayo, Bey.” Ungot ko na parang bata. “Hay naku, halika na nga. Pasalamat ka at malapit lang ‘yong bahay namin dahil kung hindi, naku for sure ay uuwi kang mag-isa.” Pasado alas-siyete na nang gabi ng makarating kami sa bahay nina Bea. Wala roon ang kanyang pamilya. Ang kasambahay lamang nilang si Ate Martha ang nadatnan namin doon. “Ate Martha, nasaan sila mama?” Tanong ni Bea sa naturang kasambahay. Hindi siya nito pinansin. “Malamang na may earphone na namang nakasalpak sa tenga ng babaeng ito kaya deadma na naman ang beauty ko.” Natatawang sabi ni Bea bago niya ako nilingon. “Tara na sa kuwarto. Charge muna ako para matawagan ko sila mama. Lowbat na lowbat ako eh.” Akmang paakyat na kami sa itaas nina Bea nang bumukas ang main door ng kanilang bahay. Pumasok ang pinsan niyang si Sheila. “Saang hospital naroroon si Bea, Ate Martha?” Halata ang pagka-taranta sa tinig nito. Sabay kaming napakunot-noo ni Bea dahil sa tinuran ni Sheila. Nagkatinginan kami. “O sige, puntahan ko muna roon sila tita Lufe. Alam kong kailangan nila ng karamay ngayon.” Agad na itong lumabas ng bahay ng masabi na ni Ate Martha ang hospital na kinaroroonan daw ni Bea. Nasa hospital si Bea? Paanong? Naguguluhan akong napasunod kay Bea. Mabibilis ang kanyang mga hakbang habang nakasunod siya sa kanyang pinsan. Hindi ko na namalayan kung paano kaming nakarating sa hospital... Kung sumakay ba kami o naglakad lang. “Tita Lufe?” Agad na sinalubong ni tita Lufe si Sheila. Yumakap ito sa huli at humagulhol. “’Ma, what’s wrong?” Halata ang pagkabahala sa mukha ni Bea nang lumapit siya kina tita Lufe at Sheila. “I’m here, mama. Sinong Bea ba ang nandito sa hospital na tinutukoy ni Sheila?” “Ano ho bang nangyari? Bakit ho ang text ninyo sa akin ay patay na si Bea? Nasaan ho siya? Totoo ho bang patay na siya?” Sunod-sunod na tanong ni Sheila kay tita Lufe nang mag-bitiw sila mula sa pagkakayakap sa isa’t-isa. “’Ma, sino bang Bea ‘yan?!” Sigaw ni Bea. Napalunok ako. Bakit gano’n? Bakit hindi pinapansin nina tita Lufe si Bea? Bakit parang hindi nila ito nakikita? “Sheila, sino bang Bea ‘yan? Bakit ayaw ninyo akong pansinin?!” Muling sigaw ni Bea sa pagitan ng pag-iyak. Akmang hahawakan niya si tita Lufe, subalit tumagos lamang ang kanyang kamay sa katawan nito. Napaatras ako sa aking nasaksihan. Nanlaki ang aking mga mata. “Diyos ko!” Bulalas ko. “Multo ni Bea ang kasama ko? Patay na siya?” Nanlalaki rin ang mga mata ni Bea nang lumingon siya sa akin. Maging siya’y halata ring nagulat. Ilang hakbang ang layo ko sa kanya, subalit dama ko ang pighating nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. “No!!!!” Sigaw niya. “Hindi ako patay! Hindi pa ako patay!” Halos maglupasay na siya. Hindi ko malaman kung lalapitan ko ba siya o tatakbo akong palabas ng hospital na iyon. Ngayon lang ako naka-encounter ng multo sa tanang buhay ko at ang mas masakit, multo pa ng kaibigan ko. “B-Bey...” Dumaloy ang luha sa magkabila kong pisngi. Dahan-dahan akong humakbang palapit kay Bea pagkalipas ng ilang minuto. Nakaupo siya sa lapag habang yakap niya ang kanyang mga tuhod. Ako lamang ang tanging nakakakita sa kanya ng mga sandaling iyon kaya ako lang din ang p’wedeng dumamay sa kanya. “Patay na ako, Best?” Nanginginig ang kanyang mga labi ng mag-angat siya ng mukha upang tumingin sa akin. Hindi ko alam kung anong isasagot ko. “Ang sabi no’ng lalaking nagdala rito kay Bea sa hospital, nasagasaan daw si Bea kanina ng isang truck sa tapat ng bangkong pinapasukan niya. Marahil daw hindi napansin ni Bea ‘yong paparating na truck dahil nakaharang ‘yong payong niya.” Narinig kong kuwento ni tita Lufe kay Sheila habang nakaupo sila. Ilang dipa rin ang layo nila mula sa kinaroroonan namin ni Bea, pero rinig ko pa rin ang usapan nila. “Ang balita kasi sa amin no’ng isa pang lalaking sumaklolo kay Bea ay patay na siya kasi akala raw nila’y hindi na siya aabot dito sa hospital ng buhay kasi lupaypay na raw talaga siya no’ng masaklolohan nila at halos wala ng buhay, pero ang sabi ng mga doctor, lumalaban daw ang katawan ng anak ko. Nasa ICU nga siya ngayon. Kailangan niya ang panalangin natin, Sheila. Tanging himala lamang ang makapagliligtas sa kanya.” “Maasahan ninyo po ang tulong ko, tita.” Sagot ni Sheila bago nito muling niyakap si tita Lufe. Napangiti ako sa aking narinig. Ibig sabihi’y may pag-asa pang mabuhay si Bea. ----- “Bea?” Nilingon niya ako. Nakaupo siya sa unahang hilera ng upuan sa munting chapel sa loob ng hospital na kinaroroonan namin. Doon ko na siya natagpuan pagkatapos kong maghanap sa kanya ng ilang minuto. Hindi ko namalayang umalis pala siya habang nalilibang akong makinig sa usapan nina tita Lufe at Sheila. Lumapit ako sa kinaroroonan niya at naupo sa kanyang tabi. Wala na ang takot sa aking puso, napalitan na iyon ng awa. Ngayon ako kailangan ng aking bestfriend. Ito ang pilit kong isinasaksak sa aking isipan. “Bakit ikaw, nakikita mo ako?” Tanong niya sa akin habang nakatingin siya sa Santo Kristo sa aming harapan. Bakit nga ba? Maging ako’y tanong ko rin iyon sa aking isip. “Ewan ko. Hindi ko rin alam eh. Baka may third-eye na ako, Bey.” Sagot ko sa kanya kahit simula noon pa ma’y hindi ako naniniwala sa mga gano’ng bagay. Gusto kong mamuhay ng normal, ayaw kong makakita ng mga tao o bagay na hindi ko naman dapat makita at ayaw kong makaranas ng mga bagay na hindi ko naman dapat maranasan. “Hindi ka pa patay, Bey...” “Eh, anong tawag mo sa akin ngayon?” Halata ang lungkot sa kanyang mga mata ng bumaling ang kanyang tingin sa akin. “Kaluluwang naliligaw? Engot na kaluluwa kasi ni hindi ko man lang namalayang patay na pala ako?” Kinagat niya ang kanyang pang-ibabang labi upang pigilan ang napipintong pag-iyak. “Tama ka pala kanina. Multo na nga pala ako...” “Bey, mali ako. Hindi ka pa multo. Ang sabi ng mama mo, nasa ICU raw ang katawang-lupa mo, lumalaban kay kamatayan. Bey, listen to me, kailangan mo ng bumalik do’n. Bey, please... kailangan ka ng pamilya mo at kailangan kita.” “Pero paano?” “Hindi ko rin alam. Pero manalig ka lang. Alam ng Diyos kung paano.” Pagkalipas nang ilang minutong pamamalagi namin sa chapel ay nagtungo kami sa ICU. Wala roon ang pamilya niya. Tahimik na nakatayo sa aking tabi si Bea habang parehas kaming nakatingin sa kanyang katawan. Wala pa rin itong malay. Maraming nakakabit ditong kung anu-anong apparatus. “Sa tingin mo ba may pag-asa pa akong mabuhay, best?” Maya-maya’y tanong niya. “Oo naman. Kaya siguro nagpakita sa akin ‘yang kaluluwa mo kasi para mapayuhan kita.” Nginitian ko siya. Finally, nakuha na rin n’yang ngumiti. Nagyakap kami. “Salamat, best. Salamat ng marami. Gusto ko pag-gising ko, ikaw ang una kong makikita ha.” Sabi niya bago siya bumitiw mula sa pagkakayakap ko. “Mangako ka...” “Yes. I promise.” “Aaliyah...” Sabay kaming napalingon ni Bea sa isang batang lalaking tumawag sa pangalan ko. Sa tantiya ko’y mga sampung taong gulang pa lang ito. Nakasuot ito ng hospital gown. Nagtatanong ang aking mga mata ng titigan ko siya. Sumenyas siya sa aking sundan ko siya bago siya lumakad palayo sa amin ni Bea. “Sige na, sundan mo muna ‘yong bata. Baka taga-hanga mo ‘yon. In fairness, pogi siya...” tumatawang biro ni Bea. “Nyak! Luka-luka ka talaga. Baka makasuhan ako ng child abuse, ano. Ang bata-bata pa noon eh.” Natatawa ring sagot ko bago ko iniwan si Bea. Sinundan ko ang bata. “May kailangan ka ba sa akin?” Tanong ko. Sa kahabaan ng pasilyo ko siya naabutan. Walang ibang taong naroroon maliban sa aming dalawa. “Bakit nandito ka sa labas? Bakit wala ka sa kuwarto mo? Pasyente ka rito, hindi ba?” “May iba nang tao roon.” Sagot niya bago niya ako sinulyapan. Napakunot-noo ako sa sinabi niya. Siguro pagod na talaga ang utak ko kaya nahihirapan na akong makaintindi ng kahit simpleng salita lamang ng mga sandaling iyon. “What do you mean? I mean...” Natigilan ako ng muli s’yang magsalita. “Sabay na tayong lumisan.” “Lumisan? S-Saan tayo pupunta?” “Hindi mo pa ba alam?” “Alam ang alin?” Napakunot-noo ako. Pagod na pagod na talaga ang utak at katawan ko. Napapagod na akong umintindi sa mga makahulugang salita. “Diretsahin mo nga ako. Huwag mo akong bitinin, naguguluhan ako sa’yo eh. At isa pa, sino ka ba? Bakit mo ako kilala?” “Malalaman mo rin...” “Whatever!” Halata ang inis sa tinig ko. Tinaasan ko ng kilay ang bata bago ko siya tinalikuran. Baka may sira sa isip ang batang ito. Bakit ko ba ito pinapatulan? Bulong ko sa isip. Natigilan ako ng makita kong patakbo sa ICU sina tita Lufe at Sheila. Agad akong sumunod sa kanila. “Diyos ko, marami hong salamat.” Narinig kong sabi ni tita Lufe habang hawak nito ang kanang kamay ni Bea. Nakaupo ito sa isang silya sa tabi ng papag ng huli. Sumulyap ako sa katawan ni Bea. Nakadilat na ang kanyang mga mata habang nakatingin siya sa kanyang mama. Napangiti ako. Gising na siya. Buhay na siya. Lord, thank you. Bulong ko sa isip. “Aaliyah...” Muli kong nilingon ang batang lalaki. Nginitian ko siya. “Buhay na ang kaibigan ko. Alam mo bang nakasama ko kanina ‘yong kaluluwa niya? Ngayon, hindi ko na nakikita ‘yong kaluluwa niya kasi bumalik na sa katawan niya.” “Alam ko...” Malungkot niyang tugon. “Ikaw ang may kailangang malaman, Aaliyah. Sumunod ka sa akin.” Nilingon ko muna ang kinahihigaan ni Bea bago ako sumunod sa bata. “Saan ba tayo pupunta? Nangako ako sa bestfriend ko na ako ang una n’yang magigisnan kaya kailangan nating bilisan, okay?” Ewan ko ba kasi kahit labag sa kalooban ko ang pagsunod sa bata’y ginawa ko pa rin. Kinilabutan ako ng huminto kami sa pintuan ng morgue. “Ano ba ‘tong trip mo?!” Iritableng tanong ko sa bata. “Please?” Pakiusap niya nang akmang aalis na ako. Nagbuntong-hininga muna ako bago ako pumasok sa loob ng morgue. May dalawang patay na naroroon. Nakatalukbong ang mga iyon ng puting kumot. Medyo mas maiksi ang patay na naka-puwesto malapit sa pintuan. Mistulang bata iyon. Naunang lumapit ang batang lalaki rito. Hindi ko alam kung paanong naalis ‘yong kumot na nakatalukbong sa bangkay ng bata. Siguro mabilis iyong natanggal ng batang lalaki kaya hindi ko napansin. Nanlaki ang aking mga mata at tila napako ako sa aking kinatatayuan ng makita ko ang mukha ng bangkay na nakahiga sa bed. Kamukhang-kamukha ito ng batang nakatayo ngayon sa aking tabi. “H-Huwag mo sabihing...” Nanginginig ang aking tinig. “Ako ‘yan.” Kaagad niyang putol sa nais ko sanang sabihin. “Matagal din akong naging pasyente sa hospital na ito at kanina lang ako binawian ng buhay.” “M-Multo ka... na?” Nauutal kong tanong. Tumango siya. “Oo. Kaya mo nga ako nakikita, ‘diba?” Naglakad siya patungo sa isa pang bangkay na naroroon. “Halika...” Lumunok muna ako. Parang ayaw ko nang sumunod sa kanya. Parang gusto ko nang magtatakbo palabas ng hospital na iyon at iuntog ang aking sarili sa pader. Gusto kong magising sa isang bangungot. “Imposibleng nakakakita ako ng mga multo. Hindi ito totoo!” Para na akong baliw habang kinakausap ko ang aking sarili. “Halika, para maliwanagan ka na. Para maintindihan mo kung bakit nakikita mo ako at kung bakit nakita mo kanina ang kaluluwa ng kaibigan mo.” Dahan-dahan akong humakbang palapit sa kinaroroonan ng bata. Nginitian niya ako bago niya dahan-dahang inalis ang puting kumot na bumabalot sa isa pang bangkay... “Diyos ko!” Bulalas ko nang tuluyan nang tumambad sa akin ang mukha ng ikalawang bangkay sa loob ng morgue na iyon. Bangungot lang ba ito? Magigising pa ba ako? Napaatras ako. “Hindi ‘yan totoo! Hindi ako ‘yan! Hindi pa ako patay!” Sigaw ko. Halos sabunutan ko na ang aking sarili. Anong nangyari? Paano akong namatay? “Kaya mo ako nakikita kasi parehas na tayong patay. Bangungot daw ang ikinamatay mo. Dinala ka rito bandang alas-sais ng hapon ng guwardiya ninyo. Nakatulog ka raw sa opisina ninyo kaya ka binangungot.” “Hindi... Imposible ito...” Lumabas ako ng morgue. Naglakad ako sa mahabang pasilyo ng hospital. Mabibilis ang aking mga hakbang, hindi ako dapat masundan ng batang iyon. Baliw ang batang iyon. Hindi pa ako patay. Imposible ito. Halos maiyak na ako habang kinakastigo ko ang aking sarili. Natigilan ako nang makarating ako sa isang tahimik na lugar. Agad akong luminga sa paligid. Muli ko na namang nakita ang batang lalaki. “Bakit mo ba ako sinusundan?! N-Nasaan tayo? Anong lugar ito?” “Ito ang daan patungo... sa kabilang buhay.” The END.