top of page
Search

HUWAG BASAHIN SA HARAP NG SALAMIN (One Shot Story)

  • Written by Jherry Rigador Dominguez
  • Dec 3, 2015
  • 6 min read

(2nd Placer on UHS "Haunted Object" Writing Contest)

"HINABOL sila ng mga anonymous. Ang isa ay naghitsa ng isang matalim na flying saucer at ang tinamaan dito ay si Annabelle. Napugot ang ulo nito. Pagkabagsak ng ulo nito sa lupa ay sumunod na bumagsak ang katawan nito. Nanginig, nangisay. Napasigaw at napaiyak si Joel sa pagkabigla. Di siya makapaniwalang mangyayari iyon sa babae." Napamulagat si Blodymir sa kaniyang binabasang kuwentong may pamagat na "Anonymous". Idolo niya ang may-akda nito na si Daryl Morales, at sinusubaybayan talaga ang mga katha nito. "Walang kupas," bulong pa niya sa sarili. Mahilig magbasa ng mga kung ano-anong kuwentong katatakutan ang binatilyong si Blodymir. Sa libro man o sa Internet, lahat 'yon ay matiyaga niyang binabasa. Sa katunayan ay sumali na rin siya sa iba't ibang horror groups sa Facebook. "Magsasara na ho." Natigilan siya nang tumabad sa harapan niya si Mrs. Cruz. Ilang segundo pa bago rumehistro ang mga sinabi nito sapagkat lubos siyang nawili sa binabasa. Inayos niya ang makapal na eyeglasses at saka isinara ang libro. "Hihiramin ko na po sana," pakiusap ng binatilyo. Kasama ng "Anonymous" ang isa pang makapal na librong kulay putik. Marahang tango lamang ang isinukli ng matandang librarian. Hindi na nito inusisa ang kanyang library card sapagkat naging suki na siya roon.Ganoon na lamang ang pagiging pamilyar ni Blodymir sa maliit na silid-aklatan na iyon na hindi niya akalaing magdudulot ng malaking pagbabago sa buhay niya. Agad na ring umalis si Mrs. Cruz. May kadiliman na nang lumabas si Blodymir. Wala na ring katao-tao ang buong paligid. Tanging mga ilaw na lamang ng paaralan ang nagsisilbing tanglaw sa daan. Naisipan niyang sumabay kay Mrs. Cruz nang makasalubong niya ito. "Ma'am," nakangiting tugon niya, "sasabay na po ako sa 'yo." Matatalim na tingin ang tanging ipinukol nito sa kanya. Nagitla pa si Blodymir nang makalapit sa kaniya ang matanda-- nanlilisik ang mga mata nito! Naestatwa sa kinatatayuan ang nahintatakutang estudyante. Nanindig ang mga balahibo niya, partikular na sa batok. Samantala, tuloy-tuloy lamang sa paglalakad si Mrs. Cruz, at nang mabawi na ni Blodymir ang lakas ng loob, lumingon siya sa gawi ng guro na bumababa na sa hagdan. Tinapunan na naman siya ng tingin nito: nanatiling nanlilisik ang mga mata! Napabuga ng hangin si Blodymir. Nanginginig ang mga tuhod, patuloy sa pagbagsak ang malalamig na butil ng pawis. Dala ng kaba, napatakbo na rin siya pababa ng hagdanan. "Mukhang ginabi ka na 'ata," bati ng guard kay Blodymir nang marating niya ang gate. Napansin nito ang pamumutla ng binata. "S--si Mrs. Cruz po..." Nagtataka, agad na sumabat ang guard kay Blodymir. "Ay, oo nga pala. Maagang umalis 'yon kanina, mga bandang alas-kuwatro pa. Bakit nga pala?" "Ano po?" Hindi makapaniwala ang estudyante; animo'y tinakasan ng dugo ang kaniyang mukha. Tila sasabog ang kanyang pusong dumadagundong nu'ng mga oras na 'yon. "Ganito kasi," pagpapaliwanag ng guard, "ngayong Nobyembre ay Reading Month kaya um-attend siya ng seminar. Ako pa nga ang naatasang magsara ng library." Nanatili nang tikom ang bibig ni Blodymir. Nanigas ang katawan mula sa pagkakatayo sa tapat ng gate. Kung gayon, sino pala iyong nakasalubong niya? "O sige, mag-ingat ka na lang. Ila-lock ko lang ang library." KINABUKASAN, araw ng Sabado, nagbalik sa gunita ni Blodymir ang naganap noong gabi sa paaralan. Hindi pa rin siya makapaniwala. Wala sa hinagap niyang makaranas ng ganoong eksena. Naaalala niya ring may hiniram nga pala siyang libro. Inapuhap ang bag sa paahan, nakuha niya nang walang kahirap-hirap ang kulay putik na libro. "Huwag Basahin Sa Harap Ng Salamin," pagbigkas niya ng titulo. Napangisi siya. Eksaktong-eksakto sapagkat sa kanang bahagi ng kaniyang higaan ay may salaming nakasabit sa pader. Humarap siya rito. Pinagmasdan niya ang sariling repleksyon: bagsak at makintab na buhok, bilugang mga mata, 'di gaanong pangong ilong, at manipis na mga labi. Nang isa-isahin ang mga pahina ng lumang libro, napapatawa na lamang siya sapagkat pulos fairytales pala ang nilalaman niyon. "Snow White?" Napailing na lamang siya sapagkat mula pagkabata, milyong beses na niya itong narinig at nabasa. Hindi niya namalayan na unti-unti na palang nagbabago ang paligid. Paglinga niya, ang kuwarto niya'y naging isang kagubatan! Ang kasuotan niya'y naging kakatwa.Pinaggigitnaan na siya ng anim pang kakaibang nilalang na makikintab ang damit. May hawak itong mga palakol. Naguguluhan, sumabay na lamang siya sa pagbagtas sa masukal na gubat. "Sa oras na makabalik ka sa mundo, huwag ka nang babalik pa rito!" Naulinigan niya ito. Isang matandang lalaki na gula-gulanit ang suot, nagbigay ng babala nang makasalubong nila ito. Nahihiwagaan man sa nangyayari, hindi niya na ito pinansin. Nakarating sila sa isang munting tahanan, at nang pagbukas ng pinto'y nasumpungan nila ang isang kabigha-bighaning dalaga. Natutulog ito sa ikapitong kama. Pakiwari ni Blodymir ay si Snow White na nga iyon. Ngunit nagbulong-bulungan ang mga kasamahan niya. Saktong nagising si Snow White. "Ako'y ipinatapon ng reyna," pagsisimula nito, "wala akong balak na masama." Tinanong si Blodymir kung ano ang hatol niya. Saglit siyang nag-isip at naalala ang daloy ng kuwento base sa mga nabasa niya. "Mananatili siya rito." Pagkasabing-pagkasabi niya nito ay muling nagbago ang paligid. Bumalik siya sa kanyang kuwarto. Waring may taglay na gayuma ang itim na libro; lubos na nahumaling si Blodymir dito. Dala ng pagkasabik sa susunod na mangyayari, inilipat niya sa kabilang pahina. "The Three Little Pigs." Bakas sa kanyang mukha ang kasiyahan nang bigkasin ang salitang iyon. Hindi na siya makapaghintay sa mga susunod na tagpo. Napangiwi si Blodymir dahil sa sakit. Unti-unting nagbago ang kanyang hitsura-- tumaba, humaba ang mga tainga at nagkaroon ng maliliit na balahibo! Paglinga niya sa paligid ay may nakita siyang dalawang baboy. Kakatwa dahil siya ay naging kalahating tao, kalahating baboy! "Yuhooo... buksan n'yo na ang pinto," hiyaw ng kung sinong halimaw sa labas. Napansin ni Blodymir na hindi mapakali ang dalawang baboy na kasama. Mayamaya pa'y nakarinig sila ng pagkalampag mula sa itaas. Sigurado silang iyon na ang mabangis na lobo; kinakalmot-kalmot pa nito ang bubong. Napasulyap si Blodymir sa chimney na sa pagkakatanda niya'y magiging daanan ng lobo. Dala ng pagkagulat at takot, nataranta si Blodymir. "Magpakulo tayo ng tubig!" suhestiyon ng bunsong kapatid. Ngunit bago pa man iyon marinig ni Blodymir ay nakalabas na siya sa bahay na bato. Tumakbo siya nang tumakbo, 'di alintana ang buhay ng mga naiwang kasamahan. Hingal na hingal siya nang medyo makalayo ngunit natigilan nang maalala ang mga naiwang baboy. Saka lamang sumagi sa kaniyang isipan ang nararapat na maging daloy ng kuwento. Kinakabahan man, bumalik si Blodymir sa kanilang bahay na bato. Ngunit halos matutop niya ang bibig nang masilayan ang lobo-- kagat-kagat sa leeg ang duguang baboy samantalang ang isa pa ay tinadtad na. Napalingon sa kaniya ang mabangis na lobo at agad siyang dinambahan. Gamit ang buong lakas ay naitulak niya ito subalit natalapid si Blodymir nang mahablot ng lobo ang kaliwa niyang paa. Walang inaksayang sandali ang lobo at kinagat nito ang binti ni Blodymir. Tumagas dito ang sariwa pang malapot-lapot na dugo at tuluyang bumaon ang matatalim na mga kuko nito sa kaniyang binti. Napasigaw nang pagkalakas-lakas si Blodymir, at hinang-hina man ay tinadyakan ang lobo na agad namang napaungol. Ginamit niya itong pagkakataon upang tumakas. Lakad-takbo nang paika-ika ang kaniyang ginawa at halos mawalan na ng pag-asa nang mahagip niya ng tingin sa likod ang lobong nakasunod na pala. Ngumisi pa ito sa kaniya. Sa ikalawang pagkakataon, dinambahan na naman ng mabangis na halimaw si Blodymir. Nagkasugat-sugat na siya at natuklap ang laman mula sa matatalim na kuko ng kaaway. Mariin siyang pumikit, handa nang harapin ang kamatayan. Ngunit laking gulat ni Blodymir nang umungol ang lobo matapos mabagsakan ng kung anong mabigat na bagay. Pagtingala niya ay nakita niya ang babaeng naka-hood ng kulay pula: si Mrs. Cruz! Hindi na kinaya ni Blodymir ang tinamong sakit at pinsala: tuluyan nang nagdilim ang kaniyang paningin. Sinasabing nilikha ng demonyo ang haunted magical black book na iyon. Nagmula pa iyon sa Europa hanggang makarating dito sa Pilipinas. Taglay ng makapal na itim na librong iyon ang misteryong bumabalot na hindi maipaliwanag ng siyensya o Google. Sa oras na basahin mo iyon sa harap ng salamin, at makulong sa loob niyon ay may isang masamang kaluluwa ang papalit sa katawan mo sa lupa. Kawawang Blodymir, kung nu'ng una pa lamang ay sinunod na niya ang babala. Gaya ni Mrs. Cruz, ibang kaluluwa na ang sumapi sa kani-kanilang katawan sa lupa. Sinabi na ngang "Huwag Basahin Sa Harap Ng Salamin". Samantala, sa kuwarto ni Blodymir, nakita ng kaniyang ina ang naiwang bukas na pahina ng libro. Pinagmasdan ito nang mabuti at naisipang basahin....

*WAKAS*


 
 
 

Comments


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic

FOLLOW US

  • Facebook Classic
  • YouTube Social  Icon
  • Google+ Social Icon
  • Blogger - White Circle

© 2015 by Daryl Morales (UHS Creator)

bottom of page