top of page

MGA BULONG SA LOOB NG CABINET (One Shot Story)


MALAWAK ang mga ngiti ni Cassandra habang nakatayo siya sa harap ng gate na gawa sa bakal. At gaya sa ibang bahay, kulay itim ang pintura niyon mula itaas hanggang ibaba. Kinuha niya ang kanyang susi sa bag, saka binuksan iyon. Nakita niya ang kabuuan ng isang lumang two-storey na bahay na ang itaas na bahagi ay gawa sa kahoy, ang ibaba naman ay sementado. Kulay lumot ang kabuuang pintura nito at pula naman ang bubong. Nakita niya rin mula sa front glass window nito ang kulay dilaw na kurtina na na-expose mula sa loob. Napangiti siya. Maaasahan ka talaga, Shine, sa isip niya. Si Shine ay ka-trabaho niya at ito rin ang nag-rekomenda sa kanya nitong bahay. Kinakailangan niyang maghanap ng bagong matitirhan dahil ayaw na niya doon sa luma niyang apartment. Bigla kasi siyang nagkaroon ng mga kapit-bahay na maiingay. Hindi naman siya puwedeng bumalik sa kanilang bahay dahil masyado iyong malayo sa kanyang trabaho. Habang naglalakad siya sa hindi naman kalakihang hardin ay natanaw niya ang isang punong akasya sa bandang likuran ng bahay. Hindi niya alam pero biglang nanayo ang mga balahibo niya nang tumingala siya sa itaas no'n. Siguro ay wine-welcome siya niyon sa bago niyang tutuluyan. Napasulyap siya sa kaliwang bahagi ng bahay. May maliit na pinto doon at sa tingin niya ay daanan iyon papuntang basement. Nagpatuloy lang siya sa paglalakad hanggang tumapat siya sa pinto. Binuksan niya ang naka-lock na front door. May naka-ukit na mga sinaunang tao at simbolo doon. At imbes na itulak para buksan, kailangan niyang i-slide pakaliwa ang pinto kaya lumangitngit iyon. Pagbukas niya ng pinto ay bumungad sa kanya ang tahimik na sala, kulay abo ang marmol na sahig nito. Ang dingding ay gawa rin sa kahoy at may naka-ukit na namang iba't ibang disenyo. Fully-furnished na ang bahay at ang idadagdag niya na lang ay ang mga personal niyang gamit. She can't help but smile. The living room looked antique but very welcoming because of its simplicity. Ayon pa kay Shine, isang antique collector ang may-ari nito. Umakyat siya sa hagdan at pinakinggan ang lagatok ng heels niyang suot. Nag-e-echo iyon sa buong bahay. Muli siyang napangiti nang makita ang mga wood carvings sa dingding. Napaka-ganda tingnan. Pinasadahan niya iyon ng kanyang mga daliri ngunit kaagad rin niyang tinanggal ang kamay nang maramdaman niyang parang hinihigop siya no'n. Isa siyang graphic artist at humahanga siya sa mga taong may talentong gaya nito. Humahanga rin siya sa may-ari ng bahay dahil ultimo pati dingding ay pinag-hirapan. Sa bahay kasi nila, sa halip na disenyo ang nasa dingding, mga drawing ng mga pamangkin niya ang makikita. Pagpasok mo palang ay bubungad na sa 'yo ang mukha ni Bumble Bee. Nang maka-akyat siya sa itaas ay agad niyang tinalunton ang daan patungo sa kanyang silid. Kaagad na naagaw ng atensiyon niya ang isang lumang kabinet doon. Nilapag niya ang kanyang bag sa kama saka lumapit sa kabinet ngunit napa-urong siya nang biglang umihip ang malakas na hangin. Nagtaka siya. Nakasara naman ang bintana, paano nangyari iyon? Paglingon niya sa kabinet ay bigla itong bumukas kaya napasigaw siya sa gulat. Napamura siya ng sunod-sunod nang lumabas doon ang isang malaking daga. Pagkatapos ay parang may sariling buhay ang kabinet na kaagad ding sumara nang mawala na sa paningin niya ang daga. Inis niyang kinuha ang kanyang bag saka nagpasyang bumaba. Pero bago iyon, sinulyapan niya muna ang kabinet na tila may isang enerhiya na humihigop sa kanya na lapitan iyon. NANG MGA sumunod na araw ay tinulungan si Cassandra ni Shine para maglinis ng bahay. Hindi naman iyon gano'n kadumi kaya mabilis din silang natapos. May inupahan din silang mga tao para maglipat ng mga gamit niya kaya hindi sila nahirapan. Bago tumakip-silim ay natapos na nila ang lahat nang kailangan nilang gawin. "Friend, may lumang kabinet doon sa silid ko. Hindi kaya ay naiwan iyon ng may-ari nitong bahay?" tanong niya sa kaibigan. Hinahanda niya ang mesa sa mga oras na iyon dahil kakain na sila ng hapunan. Nagkibit-balikat lang si Shine. "Ewan, baka sa dating tenant." "Posible," aniya. "Bakit hindi mo tawagan ang may-ari nitong bahay at tanungin. Baka may alam siya," mungkahi nito. Kaagad niyang tinawagan ang may-ari ng bahay para tanungin ito tungkol sa kabinet. Sa boses palang nito ay tila masaya ito na tumawag siya. "May itatanong lang po sana ako," aniyang hindi na nagpaligoy-ligoy pa. "Ano 'yon?" may pagtataka sa boses nito. "May kabinet po kasi akong nakita sa silid ko sa itaas. Kulay brown po siya at medyo luma na. Sa inyo po ba iyon?" "Kabinet? Wala naman akong kabinet na naiwan diyan. Baka sa dating umuupa. Gamitin mo na kung mapakinabangan. Hindi na ang mga iyon babalik dahil nag-migrate na sila sa Canada," tugon nito. "Sige po, salamat." Magpapaalam na sana siya rito nang bigla itong nagsalita. "May darating nga palang lalaki diyan, pamangkin ko. Sa basement na muna siya titira," sabi nito. "Wala pong problema." Naisip niyang hindi naman pala kasama sa nirentahan niya ang basement dahil may iba palang nakatira doon. Nang maibaba niya ang tawag ay siya ring dating ng in-order nilang pagkain ni Shine. Doon na muna niya patutulugin ang kaibigan dahil wala siyang kasama. At isa pa, gabi na, delikado na para sa isang babae ang bumiyahe. MALALIM na ang gabi nang maalimpungatan si Cassandra. May naririnig kasi siyang ingay. Parang may nag-uusap at narinig din niyang may naglalakad sa bubong. Bumangon siya at kinapa ang switch ng ilaw ngunit brownout pala. Kinapa ang kanyang cell phone na nakapatong sa mesita nang bigla iyong mahulog at napunta sa ilalim ng kama. Lumuhod siya at akmang kukunin iyon nang biglang may malamig na bagay na humawak sa kanyang kamay. Napa-piksi siya at kaagad na lumundag sa kama. Hindi pa man siya tuluyang naka-rekober nang marinig niya muli ang mga ingay. Tila mga bubuyog itong bubulong-bulong. Ngunit napakunot ang noo niya nang mapagtantong sa kabinet iyon nanggagaling. Kaagad siyang linukuban ng takot nang mga sandaling iyon. Mahigpit ang kapit niya sa kumot habang palakas nang palakas naman ang mga boses na kanyang naririnig. Kung kanina ay hindi niya maintindihan dahil bulong lamang ang mga iyon, ngayon naman ay unti-unti nang lumilinaw sa pandinig niya ang mga boses. "Umalis ka na hangga't may oras pa," boses iyon ng hindi lang isa ngunit maraming babae. Kahit patay ang bentilador ay biglang gumalaw ang kurtina sa kanyang silid at may nakita siyang kamay na kumakatok sa bintana. Naamoy rin niya ang amoy ng kakapatay lang na kandila. Biglang nanayo ang mga balahibo niya mula talampakan hanggang sa kanyang ulo. Pakiramdam niya ay may nakahawak din sa kanyang buhok dahil parang tumatayo ang mga ito. Napaiyak siya sa sobrang takot. Gusto niyang sumigaw pero bumukas-sara lang ang kanyang bibig at wala ni anumang boses ang lumabas doon. Pinikit niya lamang ang mga mata saka tinakpan ng kamay ang magkabilang tainga. Habang nakasubsob ang kanyang ulo sa tuhod ay biglang may humawak sa balikat niya. Napasigaw siya saka itinulak ang pangahas na humawak sa kanya. Kasabay ng lagabog ay ang biglang pagsindi ng ilaw at nakita niya ang kaibigan na nakasalampak sa sahig. "Aray! Bakit mo ako tinulak?" reklamo ni Shine habang hinimas-himas ang balakang na nasaktan. Hindi niya nagawang sumagot sa kaibigan. Nanunuyo ang lalamunan niya at hindi pa rin nawawala ang takot at kaba sa kanyang dibdib. "Matulog na nga ulit tayo," wika ni Shine, saka muling umakyat sa kama at nagtalukbong ng kumot. Siya naman ay nanatiling naka-upo at wala sa sariling napatingin sa kabinet. Napakurap siya nang makita ang mga usok na lumabas doon. Mayamaya pa ay nag-hugis tao na ang mga ito. At ilang sandali pa ay nakita niya ang labin-dalawang babae na nakatayo at nakahubad lahat ang mga ito. Tila natuod siya sa kanyang kina-uupuan. Sa kanya nakatingin ang mga babae at tila nagbabanta ang titig ng mga ito. Mayamaya pa ay humakbang ang isa sa pinaka-magandang babae palapit sa kanya. Nakita niya na umaagos ang dugo mula sa leeg nito. Ang kamay nito ay may marka ng lubid. Nang tuluyan na itong makalapit sa kanya ay nagimbal siya nang makitang wala itong mga mata. Halos mawalan siya ng ulirat nang umikot ito papunta sa kanyang likuran at hinawakan nito ang kanyang magkabilang balikat. Unti-unti nitong nilapit ang mukha sa kanyang tainga. "Umalis ka na sa lugar na ito. Malapit na siyang dumating," bulong nito na lalong nagpatayo sa kanyang mga balahibo. Pagkatapos no'n ay muli ang mga itong naging usok at pumasok sa loob ng kabinet. Hindi na siya nakatulog hanggang sa magliwanag na sa labas. Gusto niyang i-kwento sa kaibigan ang nangyari pero nagdalawang-isip siya. Baka hindi siya nito paniwalaan kaya nagpasya siyang ilihim na lamang iyon. Nang tuluyan nang sumikat ang araw ay nagpasya siyang bumaba at naghanda ng almusal nila ni Shine. Ngunit kapag nakarinig siya kahit kaunting kaluskos ay kaagad din siyang napahinto sa ginagawa at lumilingon. Tamang-tama naman ang pagbaba ni Shine dahil nakaluto na siya. Ngunit nanlumo siya nang magpaalam ito sa kanya dahil may emergency raw ito. Hinatid na lamang niya ito sa gate. Nang maka-alis si Shine ay siya namang dating ng isang sasakyan. Umibis doon ang isang lalaki na nakasuot ng itim na polo. Ngumiti ito sa kanya kaya isang matamis na ngiti rin ang itinugon niya rito. "Hi, ikaw si Cassandra?" tanong nito nang makalapit sa kanya. Tumango siya. "Ikaw 'yong pamangkin ng landlord ko?" "Ako si Daniel. Inilipat kasi ako dito sa branch namin sa Makati kaya dito muna ako pansamantala," nakangiti nitong wika. Mabait naman si Daniel kaya kaagad na gumaan ang loob niya rito. Paminsan-minsan ay tumatambay rin ito sa bahay niya. Pero palagi niyang napansin ang pagiging seryoso ng mukha nito. Tila madilim ang mukha nito na parang nasasaktan. "May ulam ka pa ba diyan?" tanong nito sa kanya isang araw. Nagkataon na pareho ang day off nila kaya doon na naman ito tumambay. Napatingin siya sa wall clock na nakasabit sa dingding. Alas-dos na ng hapon pero hindi pa ito kumakain? "Sige na, pahingi ng ulam. Samahan mo na rin ng kanin," utos pa nito sa kanya. She considered him for a moment. May natira pa naman siyang ulam at kanin. "Bukas na pala ang full moon," wika nito na hindi nakaligtas sa pandinig niya. "Bakit? Ano'ng meron sa full moon?" usisa niya rito. Nakita niyang bigla itong naalarma at naging malikot ang mga mata nito. "Never mind," ikling tugon nito, saka tahimik na nagsimulang kumain. Hindi na lamang niya ito pinansin. Baka may gagawin ito sa araw na iyon. NANG sumapit ang alas-dose ng gabi ay nakarinig na naman si Cassandra ng mga bulong. Walang pinag-kaiba sa gabi-gabi niyang naririnig. Hindi na siya natatakot dahil wala namang ginagawa ang mga kaluluwa sa kanya kundi ang paalisin siya sa bahay na iyon. Pero nagtaka siya nang maramdamang tila nakalutang siya sa hangin. Nang imulat niya ang kanyang mga mata ay napasigaw siya nang makitang buhat-buhat siya ng labin-dalawang babae pababa sa hagdan. "Ano'ng ginagawa n'yo? Bitawan n'yo ako!" sigaw niya ngunit tila walang narinig ang mga ito. "Bibitawan n'yo ba ako o tatawagin ko ang lola kong babaylan?" aniya. Nagulat naman ang mga kaluluwa kaya inilapag siya ng mga ito. Totoo namang may lola siyang babaylan. Taga-Masbate ang kanyang ina at nakapangasawa ito ng taga-Maynila kaya dito na sila naninirahan. Nagbabakasyon lamang sila sa Masbate kapag may mga importanteng okasyon. "Hindi mo kami naiintindihan," malumanay na wika ng isang kaluluwa. Rumehistro ang lungkot sa mata nito. "Ako ang hindi ninyo naiintindihan," giit niya. Naiinis na siya dahil gabi-gabi siya ng mga itong ini-istorbo. Pagod siya sa trabaho tapos hindi pa siya makakatulog nang maayos. Sino ang hindi maiinis? "Bukas na ang kabilugan ng buwan. Bukas na rin ang huling araw na hinihintay ni Daniel para maisakatuparan ang kanyang plano. Kailangan mong umalis sa lugar na ito bago pa mahuli ang lahat." Napatingin siya bigla sa kaluluwang nagsalita. Naguguluhan siya. Paano nasama si Daniel sa usapan nila? "Kaming lahat ay biktima ni Daniel sampung taon na ang nakaraan. Namatay ang nobya niya sa isang aksidente at hindi niya iyon matanggap. Isinanla niya ang kaluluwa niya sa demonyo kapalit ng muling pagka-buhay ni Jenny---ang kanyang nobya. Matapos niya kaming gahasain ay inilagay niya ang aming mga katawan sa loob ng kabinet. Nilagyan niya rin ng orasyong itim ang kabinet na iyon para kahit makalabas ang aming kaluluwa, babalik din kami doon makalipas ang isang oras. At ikaw, kailangan mong maka-alis dito para mapigilan si Daniel. Ikaw na lang ang hinihintay niya dahil sa malinis mong dugo at dahil isa kang birhen. Isang patak lang ng iyong dugo ang ipapatak niya sa bunganga ni Jenny at muli na itong mabubuhay. Kapag nagtagumpay si Daniel, babangon na ang Reyna ng Kadiliman at iyon na ang katapusan ng mundo," mahabang paliwanag ng kaluluwa sa kanya. Parang may multong dumaan sa likuran niya kaya nagsimula na namang manayo ang kanyang mga balahibo. Hindi ma-absorb ng utak niya ang mga sinabi nito. "Kung ayaw mong matulad sa amin, umalis ka na ngayon din." Tinulak pa siya ng kaluluwa patungo sa pinto ngunit napa-atras siya nang bigla iyong lumiyab. Biglang lumitaw si Daniel na tila isang zombie na nakatayo sa lumalagablab na pinto. "Huli na tayo! Nandito na siya!" sabay-sabay na wika ng mga kaluluwa. Nakikita niya ang takot sa mga ito dahil magkahawak-kamay ang mga itong nakalutang sa hangin. Siya naman ay nanginginig at paatras na umakyat sa hagdan. Halos maihi na siya sa sobrang takot. Ang mga naka-ukit sa dingding ng bahay ay nagsimulang gumalaw at naging katakot-takot na nilalang. Ang iba ay gumagapang sa dingding at sahig. Ang iba naman ay tumalon at umupo sa balikat ni Daniel. "Saan ka pupunta?" Dumadagundong ang boses ni Daniel habang nakangisi itong nakatingin sa kanya. Ang maputi at makinis nitong balat ay unti-unting naging kulay pula. May sungay rin na tumubo sa ulo nito at ang mga mata nito ay wala nang puti. Unti-unting lumaki ang katawan nito at tinubuan rin ito ng mabalahibong buntot. "Daniel, ano'ng nangyayari sa 'yo?" Kahit kinakabahan ay nakuha pa niyang magtanong. Ngumisi lang ito sa kanya at nakita niya ang maitim nitong ngipin. Tumutulo rin ang laway nito na hindi maputol-putol. Sa sobrang kaba at takot ay hindi na niya alam ang gagawin. Kaagad siyang pumasok sa kanyang silid at ni-lock ang pinto. Nilipat niya rin ang kama para gawing harang sa pinto upang hindi madaling mapakasok si Daniel. Tinulungan pa siya ng mga kaluluwang nandoon sa loob ng silid. Ilang sandali pa ay nakarinig siya ng mabibigat na yabag. Sigurado siyang si Daniel na iyon. Lumuluha siyang tumingala sa kisame kasabay ng pag-usal ng isang panalangin. Bigla siyang nakarinig ng napakalas at nakakatakot na alulong ng aso kaya lalong nadagdagan ang kaba niya. Nang tumingin siya sa bintana ay nandoon ang ibang alagad ni Daniel na pilit pumapasok. Napasigaw siya nang magsimulang mamatay-sindi ang ilaw. Hindi na niya nakayanan ang labis na takot na naramdaman. Dahan-dahan siyang napa-upo sa malamig na marmol at walang tigil na umiyak. Labis-labis siyang nagsisisi. Kung nakinig lamang siya sa mga kaluluwa, sana ay hindi na siya umabot sa ganito. Lumuluha siyang tumingin sa mga kaluluwang nakalutang sa hangin. "Huwag kang maging mahina. Tumayo ka at lumaban," wika ng isang kaluluwa sa kanya. Kahit nanginginig ay pinilit niyang tumayo. At kasabay niyon ay siyang pagsigaw nang malakas ni Daniel dahilan upang bumukas ang pinto at mabasag ang salamin na nasa kanyang likuran. Tumalsik ang bubog niyon at ang ilan ay tumusok pa sa kanyang likod. Napangiwi siya sa sakit at hapdi na dulot no'n. Naramdaman niya ang pagdaloy ng malapot na likido galing sa kanyang noo. Natalsikan din pala iyon ng bubog. Nakita niyang lumabas ang mahabang dila ni Daniel na nakatingin sa dugo niyang pumatak sa sahig. Mula sa kanyang bulsa ay dinukot niya ang isang telang itim na binigay ng kanyang lola. Nakita niyang bahagyang umatras si Daniel nang makita iyon. Kahit paano ay nabawasan ang naramdaman niyang takot. Itinaas niya ang hawak na tela kaya lalong umatras si Daniel. At dahil naka-pokus siya sa kanyang ginagawa ay hindi niya namalayang pinalutang na pala ni Daniel ang mga basag na salamin. Muli itong sumigaw nang malakas at naramdaman nalang niyang humapdi ang kanyang mukha. Naramdaman niya ang pagguhit ng salamin ng ekis doon. "Aray! Tama na!" malakas niyang sigaw nang paulit-ulit siyang hinihiwa ng salamin sa mukha. Pati braso niya ay puro sugat na rin dahil sinalag niya ang mga salaming ibinabato sa kanya ni Daniel. Ang huling salaming binato nito ay tumama sa kaliwang mata niya. "Ahhhh!" sigaw niya dahil sa sakit. Sinubukan niyang pigilan ng kamay ang pagdurugo ng mata pero masagana ang mga itong tumagas at pumatak sa sahig. Hindi nagtagal ay nakaramdam siya ng panghihina. Nagmamaka-awa siyang tumingin sa mga kaluluwa pero wala ang mga itong nagawa. Nakatali ang mga ito sa kabinet at kapag magsalita ang mga ito ay pumapasok ang mga maliliit na nilalang na alagad ni Daniel sa bunganga ng mga ito. Nakita niyang lalong humaba ang dila ni Daniel. Takam na takam ito sa mga dugo niyang nakakalat sa sahig. Gamit ang mahahaba at matulis nitong kuko ay pinunit nito ang kanyang damit. Humakbang ito palapit sa kanya at parang asong ulol nitong dinilaan ang sugat sa kanyang mukha. Napapikit naman siya dahil sa hapdi. "Paki-usap, Daniel. Maawa ka," umiiyak niyang wika. Nakita niyang gumalaw-galaw ang buntot nito at mayamaya pa ay pumulupot na iyon sa kanyang binti. Naramdaman niyang humigpit ang kapit no'n kaya napasigaw siya. "Tama na! Tulong!" buong lakas niyang sigaw. Doon tumawa nang malakas si Daniel. Nakakapanindig balahibo ang boses nito. Tila nanggagaling iyon sa ilalim ng lupa. Lalo siyang natakot at nawalan ng pag-asa. Hindi niya akalain na mangyayari ito sa kanya. Napapikit siya nang maramdaman ang buntot nito sa bukana ng kanyang pagkababae. Mula sa kung saan ay lumitaw ang gintong kabaong at bumangon doon ang isang kaluluwa ng napaka-gandang babae. Nakasuot ito ng puting damit na may hiwa sa likuran. Ngumiti ito kay Daniel, saka bumaling sa kanya. Pumikit siya nang mariin nang maghalikan ang mga ito. "Bitawan mo ang apo ko!" Napamulat siya nang marinig ang isang pamilyar na boses. Nakita niya ang kanyang lola na nakatayo sa bukana ng pinto. May hawak itong itim na banga at nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin kay Daniel. Biglang lumuwag ang pagkakapit ng buntot nito sa kanya kaya natumba siya sa sahig. Tumama ang kanyang mukha sa naka-usling salamin at natusok ang kanyang isa pang mata. Hindi na niya nakita ang sumunod na pangyayari. Narinig na lamang niya ang malakas na sigaw ni Daniel at ng babae. Ang malakas na sigaw ng mga ito ay unti-unti ring humina bago tuluyang nawala. Kasabay ng pagtahimik ng paligid ay siya ring pagkawala ng ulirat niya. Hindi niya alam kung ilang oras o araw siyang walang malay. Nagising siya nang makarinig ng mga bulong. Ngunit napangiti siya nang malamang boses iyon ng kanyang ina. Napagtanto niyang nasa ospital siya dahil naamoy niya ang isang tipikal na amoy ng ospital---ang gamot. Dahan-dahan siyang bumangon at inalalayan naman siya ng kanyang ina. Hindi niya ito nakikita ngunit alam niyang kanyang ina iyon dahil sa malambot nitong palad na humahawak sa kanya. Alam niyang nawala ang kanyang paningin dahil sa nangyari. Pero kahit nawala iyon ay lalo namang lumakas ang pakiramdam niya. Habang naka-upo ay naramdaman niya ang presensiya ng isang tao sa bintana ng ospital. Alam niyang isang kaluluwa iyon. Parang nakikita niyang nakalutang ang baliktad nitong ulo na nakatingin sa kanya saka inilabas nito ang mahaba nitong dila. Hindi niya ito pinansin. Naramdaman niya kasi ang malakas na kapangyarihan ng kanyang lola bilang proteksiyon nila. Nang magka-sarilinan sila ng kanyang lola ay saka na ito nag-kwento sa kanya ng mga nangyari. Napapanood daw siya nito sa isang kawa na naka-konekta sa kanyang bintana. Alam nito ang nangyayari sa kanya gabi-gabi kaya nagpasya itong lumuwas sa Maynila. Napalaya na ang kaluluwa ng mga babae ngunit nanatili sa loob ng bahay ang kabinet. Kahit sirain iyon ng kanyang lola ay bumabalik pa rin iyon sa dati. Napag-alaman din niyang nasa loob na ng banga ang kaluluwa ni Daniel at Jenny pero hindi pa doon nagtatapos ang lahat. Gagawa pa rin daw ng paraan ang Hari ng Dilim upang bumangon ang reyna nito. Kaya sinabi sa kanya ng kanyang lola na kailangan na niyang mag-asawa at ibigay ang kanyang pagka-birhen. Napatawa naman siya sa sinabi nito. Sino naman ang sira-ulong lalaki ang papatol sa kanya? Lalo pa ngayong isa na siyang bulag? Pero isang tapik sa balikat lang ang itinugon nito sa kanya. Nang araw na iyon ay dumalaw rin si Shine sa kanya at sinabi nitong may bago na namang umuupa sa bahay na inuupahan niya dati. Wakas.


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic

FOLLOW US

  • Facebook Classic
  • YouTube Social  Icon
  • Google+ Social Icon
  • Blogger - White Circle

© 2015 by Daryl Morales (UHS Creator)

bottom of page