NANG ISABIT ANG LAGIM (One Shot Story)
![](https://static.wixstatic.com/media/cb2b58_d1f794a07e9a470d9817fcaf9119dc8b.jpg/v1/fill/w_512,h_800,al_c,q_85,enc_auto/cb2b58_d1f794a07e9a470d9817fcaf9119dc8b.jpg)
(1st Placer on UHS "Haunted Object" Writing Contest)
"Ate Mia, 'yun oh!" tawag ni Mae sa kanyang ate. Lumingon naman agad ang kapatid at tinignan ang tinuturo nito. Isang tindahan ng Dream Catchers ang natanaw niya. Ang tindahan ay napapalibutan ng iba't ibang klase at kulay ng dream catcher. Sumilay ang isang magandang ngiti sa labi ni Mia nang makalapit sila. Hindi naman mapakali lumingon sa kung saan si Mae dahil aliw na aliw siya sa mga kulay na nakikita niya. "Bili tayo ate. Please po!" nakangusong sabi ni Mae. Hinawakan ni Mia ang kamay ng kanyang kapatid at inayang pumasok sa loob ng tindahan. "Sabi nila ang dream catcher ay nangunguha ng masasamang panaginip," sabi ni Mia sa kanyang sampung taong gulang na kapatid. Kuminang ang mga mata ni Mae sabay ngiti nang sobrang laki. "Talaga ate? Bili na po tayo. Tig-isa tayo sa kuwarto!" Tumango si Mia at lumingon sa batang nagtitinda na kasalukuyang naglalaro ng yoyo. "Bata magkano ang dream catcher ninyo?" "Depende po ate. Ang maliit ay 25, sumunod po 50. 'Yung malaki po ay 100 to 500 pesos," tugon nito. Nagpalinga-linga ang magkapatid para maghanap ng disenyong matitipuhan nila. Hirap na hirap pumili ang dalawa dahil sadyang napakarami ang magagandang disenyo at kulay na agaw pansin. Unang nakapili si Mae. Kinuha niya ang dream catcher na hindi masyadong kalakihan, kulay dilaw at puti ang mga balahibong nakalaylay doon. Samantalang si Mia naman ay naglakad pa sa pinakalooban ng tindahan. Agad na umagaw sa kanyang pansin ang isang dream catcher na malaki at nakasabit sa pinakadulo. Nag-iisa lamang ang disenyong iyon. Kulay pula ang mga balahibong nakapalibot sa isang malaking bilog at itim naman ang kulay ng mga balahibong nakakabit sa laylayan. Hindi mawari ni Mia kung bakit parang may kakaiba sa dream catcher na iyon. Hindi niya na nagawang tumingin pa sa ibang disenyo dahil napako na ang tingin niya roon. "Bata, halika rito. Magkano ang isang 'yun?" Tinuro ni Mia ang napusuan niya. Tinignan iyon ng bata subalit kapansin-pansin na hindi agad ito nakaimik. "Bata?" tanong ni Mia. Hinawakan niya ang bata ngunit agad itong napaatras. "Ate alam ko matagal na 'yang wala. Pero bakit po nandiyan?" nagtatakang tanong ng bata. "Magkano 'yan? Bibilhin ko na lang." "Ate, alam ko bawal po 'yan ibenta sabi ni Lola at hindi po dapat 'yan nandiyan. Alam ko po tinago na 'yan eh," paliwanag ng bata. Napakamot pa siya ng ulo habang kunot noong pinagmamasdan ang dream catcher. "Sige na please, bibilhin ko na lang. Huwag mong sabihin na binenta mo sa akin. Dadagdagan ko pa ang halaga na ibibigay ko sa 'yo. Magkano gusto mo?" Agad na naalerto ang bata sa kanyang narinig. "Talaga ate? Sige po. 800 na lang po 'yan." "Ang mahal ah, ikaw bata sinamantala mo naman! Pero dahil gusto ko talaga 'yun, sige ito na ang bayad pati rin 'yung sa kapatid ko." Kinuha agad ng bata ang bayad at nagtatatalon pang bumalik sa kanyang puwesto. Abot tainga naman ang ngiti ng magkapatid paglabas ng tindahan. Habang sila'y naglalakad ay nasalubong nila ang isang matandang babae. Kulay puti ang mahabang buhok nito, may tungkod na hawak at ang isang mata ay purong puti na dahil sa catarata. Hindi naiwasang magtaka si Mia dahil ang matanda ay kunot noong nakatingin sa hawak nilang puting supot na kung saan nakalagay ang binili nilang dream catchers. Nang medyo nakalayo na ay hindi sinasadyang napalingon si Mia sa likuran. Bigla siyang napaatras nang makita na ang matanda ay naglalakad palapit sa kanila. Nanlilisik ang mga mata nitong nakatitig sa hawak nilang supot. "Sandali iha," pasigaw na sabi ng matanda. Marahang napaatras ang magkapatid. Nakaramdam sila ng kalabog sa kanilang dibdib at nagtayuan ang kanilang mga balahibo sa braso nang maramdaman ang malamig na hanging umikot sa kanilang katawan. Kaya naman awtomatikong napatakbo ang dalawa at tinahak ang daan papunta sa kanilang kotse. "Iha! Sandali lang," sigaw ulit ng matanda. Agad na huminga nang malalim si Mia pagsakay sa kotse. Nakapikit pa siya habang ginagawa iyon nang paulit-ulit. Ilang sandali lang ay biglang napabalikwas siya sa kanyang kinauupuan at napahawak sa kanyang dibdib nang marinig ang sunod-sunod na katok sa bintana ng sasakyan. Pagbukas ng kanyang mga mata ay tumambad ang mukha ng matanda na nakasilip sa bintana. May sinasabi ang matanda ngunit dahil sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay hindi niya marinig ang sinasabi nito. Para bang tumigil ang kanyang mundo at tanging ang katahimikan lamang ang umuukupa sa kanyang pandinig. Napatingin si Mia kay Mae. May sinasabi rin ang kanyang kapatid dahil kitang-kita ang pagbuka ng bibig nito subalit wala pa ring tinig na naririnig. Napahawak si Mia sa kanyang magkabilang tainga. Ilang beses siyang umiling-iling at bumuga ng hangin ngunit wala pa ring nangyayari. Muli siyang napalingon sa matanda na ngayon ay nandidilim na ang aura. Nanlilisik na nakatitig sa kanya habang kinakalampag ang kotse gamit ang tungkod na hawak. Hindi malaman ni Mia ang kanyang gagawin. Ang madilim na tingin ng matanda ay nanuot sa kanyang puso, tila ba niyakap siya ng matinding pangamba at takot. Kaya naman pinaandar niya agad ang sasakyan. Kapansin-pansin na lalong nataranta ang matanda. Nagpunta ito sa harapan at hinarangan ang kotse. Bumusina nang malakas si Mia subalit hindi pa rin ito natitinag. May lumapit na guard sa matanda at inakay itong tumabi. Ngunit pumapalag ito na tila ayaw man lang malayo sa sasakyan. Nang makahanap ng pagkakataon ay biglang iniliko ni Mia ang kotse at hinarurot iyon palayo sa lugar. Nang makalayo na sa pamilihan ay naging normal na ang pandinig ni Mia. Ang pangyayaring iyon ay nag-iwan ng malaking katanungan sa kanyang isipan. Hindi niya maintindihan kung ano ang gusto ng matanda at lalong hindi niya maunawaan kung paanong nangyari na nawalan siya ng pandinig kahit sandali lang. Takang-taka siya dahil hindi rin maipaliwanag kung bakit nakaramdam siya ng takot nang makita ang matanda. Hindi man lang niya nagawang pakinggan ang sinasabi nito. "Ate, anong nangyari kanina? Bakit wala akong marinig at bakit po hinahabol tayo ng matanda?" tanong ni Mae. Nanlaki ang mata ni Mia nang malaman na nawalan din ng pandinig ang kapatid. "Hindi ko alam Mae. Hayaan na lang natin." Walang maisip na isasagot si Mia dahil maging siya ay iyon din ang tanong sa sarili. Kaya naman nanahimik na lang ang magkapatid at sinarili ang mga iniisip. Naghanda na sila pabalik ng Maynila. Ang huling araw ng bakasyon nila sa Baguio ay hindi naging maganda dahil sa nangyari. Kinagabihan pagdating nila ng Maynila ay sinalubong sila ng kanilang mga magulang. Halos kadarating lang din ng mga ito galing sa isang okasyon sa ibang bansa. Inaayos na ni Mia ang kanilang mga dalahin. Ang dream catcher ng kanyang kapatid ay sinabit na niya sa bintana at inayos ang mga gamit nito. Nang matapos ay pumasok na siya sa kanyang silid at naisipang isabit na rin ang kanyang dream catcher sa bintana. Pagkabit ng dream catcher ay bigla siyang nakarinig ng alulong mula sa aso sa tapat nila. Agad niyang ibinaba ang kurtina at lumayo sa bintana. Tinakpan niya ang kanyang dalawang tainga at pumikit. Mula pa noon ay takot na siya sa mga alulong ng aso. Tuwing makakarinig kasi siya ng gano'n ay nagkakataong may namamatay kinabukasan o sa mga sumunod na araw. Nang tumigil na ang alulong ay pumuwesto na siya sa sahig at sinimulang tupiin ang mga damit niya. Maya-maya'y nakarinig siya ng pag-ihip nang malakas na hangin sa loob mismo ng kanyang kuwarto. Nagpalinga-linga siya sa paligid subalit wala namang kakaibang nangyari. Walang nagalaw at wala rin siyang naramdaman na hangin. Bumalik ang kanyang tingin sa tinutuping damit. Bigla niyang naihagis nang makita na puno 'yun ng kulay itim na balahibo ng manok. Napatayo siya agad at sinuyod ng tingin ang paligid. Sa ilang saglit lang ay napuno ng balahibo ang sahig ng kanyang kuwarto. Habang umaatras papunta sa pintuan ay napayakap siya sa kanyang sarili nang maramdaman na lalong lumalamig sa loob. Bigla siyang napahinto at natulala nang makita na ang mga balahibo ay sumusunod sa kanya. Kusa itong gumagalaw na para bang may sariling buhay at isa-isang dumidikit sa kanyang katawan. Tatanggalin na sana niya ang mga iyon ngunit bigla siyang naistatwa. Hindi siya makagalaw. Sisigaw pa sana siya pero maging ang kanyang bibig ay hindi niya maibuka, tanging ang mga mata lamang niya ang nagagawa niyang pagalawin. Napuno na siya ng balahibo mula sa kanyang paa paakyat sa kanyang dibdib. Napakalamig sa kanyang kuwarto ngunit patuloy pa rin siya sa pamamawis. Hindi niya mawari kung anong dapat gawin dahil pinagkaitan siya ng pagkakataong kumilos. Nagsimula na ring tumulo ang kanyang mga luha at bumuhos ang kanyang emosyon. Nang umakyat na sa kanyang mukha ang mga balahibo ay ilang beses siyang huminga nang malalim at bumuga ng hangin. Hanggang sa tuluyan nang natakluban ang kanyang ilong at bibig. Nagpupumilit siyang gumalaw pero lalong kumapal ang pagdikit ng mga balahibo sa kanyang katawan. Nang matatakluban na ang kanyang mga mata ay biglang may lumapit sa kanya. Isang babae, maputi, mahaba ang buhok, kulay itim ang kanyang labi, subalit ang mata nitong patuloy na umiikot na parang isang roleta ang lubhang kapansin-pansin. Nangatal ang buong katawan ni Mia. Kitang-kita niya na unti-unting nalalaglag ang mata ng babae. Nang tuluyang nalaglag ang isang mata ay biglang sumirit ang mga dugo at saktong tumama sa mukha ni Mia. Dumoble ang kabang nararamdaman niya at nanlaki ang kanyang mga mata nang hawakan ng babae ang kanyang mukha. Lumabas ang mahabang kuko sa daliri nito at agad na tinusok ang kaliwang mata niya. Kinuha iyon ng babae at inilagay kung saan nakapuwesto ang nalaglag nitong mata. Sumakit ang ulo ni Mia kasabay nang pag-ubos ng hanging kinakailangan niya. Awtomatiko siyang natumba dahil nawalan ng malay habang bumubulwak ang mga dugo mula sa nawala niyang mata. "Ate, gising na. Aaalis na ako." Napamulat si Mia nang maramdaman ang pag-alog ng kanyang katawan. Bigla siyang naalerto at pinagmasdan ang paligid. Kumunot ang noo niya nang makita na nakahilata siya sa sahig habang hawak ang kanyang mga damit na tinutupi. "Nakatulog ka na riyan ate. Papasok na po ako. Bye!" Humalik ang kapatid niya sa kanyang pisngi at iniwan na siya sa kuwarto. Agad na hinawi ni Mia ang mga damit ngunit wala siyang makita kahit isang balahibo. Humawak siya sa kanyang mata at tinignan ang buo niyang katawan. Napakamot siya sa ulo nang maisip na panaginip lang ang nangyari. Pero nag-iwan iyon ng kakaibang marka ng takot sa kanyang puso. Kinagabihan, napadako ang tingin ni Mia sa dream catcher na nakasabit sa kanyang bintana. Napangiti siya habang pinagmamasdan ang nakakaaliw na paggalaw ng mga balahibo nito. Nakikisabay iyon sa lakas ng hangin mula sa labas. Lumapit siya sa bintana at sinarado iyon. Napahikab siya at naramdaman ang mga matang pagod na. Pinatay na niya ang ilaw sa kuwarto at nahiga sa kama. Agad naman siyang dinalaw ng antok pagkahiga. Ilang minuto lang ang lumipas nang biglang napatayo si Mia at tinakpan ang kanyang mga tainga. Narinig niya ang sunod-sunod na alulong ng aso. Sa sobrang pagkairita ay lumapit siya sa bintana para sawayin ang mga ito subalit bigla siyang napaatras nang makita na ang mga asong umaalulong ay nakatingala sa kanyang bintana. Pigil hiningang napatalon sa kama at nagtalukbong ng kumot si Mia. Maluha-luha siyang pumikit at muling tinakpan ang kanyang mga tainga. Subalit talagang malakas ang patuloy na pag-alulong ng mga aso. Kaya naisipan niyang lumipat ng kuwarto at tabihan na lang si Mae. Mabibigat ang nagawa niyang paghakbang papunta sa pintuan nang biglang nagpatay sindi ang ilaw sa kuwarto niya. Napatigil siya nang marinig ang mahihinang hikbi sa kanyang likuran. Dahan-dahan siyang lumingon at bumungad sa kanya ang babaeng nakita niya sa kanyang panaginip kagabi. Nakatayo ito sa may bintana habang tinutusukan ng mga balahibo ng manok ang kanyang buong katawan. Ang mga balahibo ay may matatalim na hawakan sa dulo na kayang makasugat ng balat ng tao. Nangangatog na umaatras palabas ng kuwarto si Mia. Ngunit biglang tumingin ang babae sa kanya. Ang mga mata nitong namumula ay nanlilisik na tumitig sa kanya. "Aaahh!" Napasigaw si Mia nang hagisan siya ng balahibo sa dibdib. Para siyang hinagisan ng kutsilyo sa bigat ng balahibo. Mabilis na tumulo ang dugo sa dibdib niya. Agad namang napahawak doon si Mia at pilit na tinatanggal ang nakatusok sa kanya. "Aaahh!" muling sigaw niya. Ang balahibo ay lalong bumabaon papasok sa pinakalooban ng kanyang dibdib. Halos durugin ang kanyang puso sa sobrang sakit. Napansin niya na papalapit ang babae sa kanya. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang hahagisan ulit siya ng balahibo. "Tulong! Tulong! Ma, Pa, Mae!" paulit-ulit na sigaw ni Mia. Napahinto sa pagsigaw si Mia nang may tumusok na balahibo sa kanyang lalamunan. Agad na umagos ang dugo mula roon. Sunod-sunod ang ginawang paghagis ng babae sa iba't ibang parte ng katawan ni Mia hanggang sa natumba ito sa sahig at hindi na nakagalaw pa. "Anak, gising! Anak!" Napaupo si Mia sa kanyang kama nang magising siya. Bumungad sa kanya ang mukha ng kanyang mga magulang. "Anak, nananaginip ka. Okay ka lang ba?" tanong ng kanyang ina. Napapunas siya sa noo nang maramdaman ang mga butil ng pawis na naipon doon. Pagtapos ay niyakap niya ang kanyang mga magulang at humagulgol ng iyak. Nang mahimasmasan paglipas ng halos kalahating oras ay iniwan na si Mia sa kanyang kuwarto. Hindi sinasadyang napatingin siya sa dream catcher na nakasabit sa kanyang bintana. Ang dream catcher ay nangunguha ng masasamang panaginip ngunit iba ang nangyari sa kanya. Para bang ito pa ang nagbato ng nakagigimbal na mga panaginip na hindi sukat akalaing mararanasan niya. Tumayo siya at tinanggal sa bintana ang dream catcher. Ipinasok niya iyon sa supot at inilagay sa basurahan paglabas niya ng kuwarto. Kinagabihan ay mabilis na dinalaw ng antok si Mia. Agad siyang napahiga sa kanyang kama at pumikit ang mabibigat na talukap ng kanyang mga mata. Paglipas ng ilang minuto ay bigla siyang napamulat. Napalingon siya sa kanyang paanan nang maramdaman na may gumagapang sa kanya. Kitang-kita niya ang mga balahibo na muling pinapalibutan ang kanyang katawan. Sumulyap siya sa kanyang bintana. Napahawak siya sa kanyang bibig nang makita na nakasabit ulit ang dream catcher doon. Agad siyang umupo subalit hindi niya na maigalaw ang kanyang mga paa para bumaba ng kama. Naramdaman niya ang paggalaw ng kanyang higaan. Pagtingin niya ay katabi na niya ang babae. Nakatungo itong umiiyak habang hawak ang dream catcher na nabili niya. Maya-maya'y napuno na ng balahibo ang buong katawan ni Mia bukod sa kanyang mukha. Humarap ang babae sa kanya habang umiikot ang mga mata nito. Umiiyak pa rin ito at biglang tatawa nang sobrang lakas. Buti sana kung simpleng tawa lang pero ang bawat tawa na ginagawa nito ay naging masakit sa kanyang pandinig. Matinis ito na kayang makabasag ng ear drum. Hindi namamalayan ni Mia na sa bawat tawa ng babae ay dumudugo ang kanyang tainga. Sa bawat iyak naman ay bumabaon paloob ng katawan ang patusok na dulo ng balahibo ng manok. Patuloy na nakakaramdam ng sobrang sakit sa buong katawan si Mia. Parang ang katawan niya ay sinasaksak nang paulit-ulit. Nang huminto ang babae sa pag-iyak at pagtawa ay lumapit ito sa kanya. Pinahiga siya sa higaan at hinawakan sa tiyan. Biglang naduwal si Mia at sumuka ng mga balahibong kulay itim. Sunod-sunod ang pagsukang ginawa niya hanggang sa puro dugo na ang nailabas. Napuno ng dugo ang buong kama at umalingawngaw ang walang tigil na hagulgol ni Mia. Hindi na rin siya makasigaw dahil nawalan na siya ng lakas. Lumapit ulit ang babae sa kanya. Kitang-kita niya ang paglaglag ng dalawang mata nito at gumulong pa iyon papunta sa kanyang leeg. Ibinaba ng babae ang kanyang mukha kay Mia at sumigaw sa mismong tainga niya. "Samahan mo ako!" Umugong sa buong kuwarto ang matinis na pagsigaw nito. Nabasag ang ear drum ng tainga ni Mia sabay tirik ng kanyang mga mata. Tumulo nang tumulo ang mga dugo mula sa tainga at maging sa mata ay nag-uunahan na ring maglabasan. Umakyat ang mga balahibo paikot sa kanyang mukha. Pumulupot iyon nang sobrang higpit na tila pinipiga ang ulo niya. Ilang sandali lang ay nagkulay asul ang balat ni Mia. Naglabasan din ang mga ugat nito at isa-isang bumaon ang mga balahibo hanggang sa hindi na ito makita sa iba't ibang parte ng kanyang katawan. Biglang humina hanggang sa huminto na sa pagpintig ang puso ni Mia. Kumawala ang mga pulang luha mula sa kanyang mga mata at bumigay na ang kanyang katawan ng walang kalaban-laban. "Mia! Anak!" "Ate Mia, gumising ka po. Ate!" Sumisigaw habang humihikbi ang buong pamilya ni Mia nang makita ito kinaumagahan na tirik ang mga mata habang nakahiga sa kama. Diretsong-diretso ang katawan nito na hindi man lang makikitaan ng kahit na anong senyales na may nanakit sa kanya. Hinawakan nila ang pulso at pinakinggan ang paghinga ng dalaga subalit wala na talagang maramdaman. Agad na dinala sa ospital si Mia pero wala ring silbi dahil tuluyan na siyang bumigay. Isang bangungot, iyon ang alam ng lahat na dahilan ng pagkamatay nito. Sa kabilang banda, ang matandang may-ari ng tindahan ng dream catcher na siyang humabol kina Mia no'ng una ay pumasok sa pinakalooban ng tindahan para maglinis. Nanlaki ang mga mata nito nang makitang muli ang kulay pula at itim na dream catcher na nakasabit sa pinakadulo. Matagal niya na iyong sinisira pero nakakabalik pa rin sa dating anyo. Kaya itinago na lang niya sa isang baul. Ngunit hindi niya sukat akalain na makakalabas ito at magpapakitang muli. Ang dream catcher na iyon ay may dalang kamalasan para sa taong makakapili sa kanya. "Diyos ko po! May napatay na naman ang apo ko!" maluha-luhang sambit ng matanda. Ang gumawa ng dream catcher na iyon ay ang apo niyang nabaliw. Hindi agad naagapang ipagamot kaya lalong lumala ang sakit. Paglipas ng tatlong araw ay nagpakamatay ito. Ang kaluluwa nito ay hindi makapapayag na wala siyang makakasama sa nakakagimbal na mundo ng kadiliman. ---W---A---K---A---S---