BLUE CANDLE (One Shot Story)
![](https://static.wixstatic.com/media/cb2b58_45026919e6ce486b9a7c2c9c1a4b34c6~mv2.jpg/v1/fill/w_449,h_726,al_c,q_80,enc_auto/cb2b58_45026919e6ce486b9a7c2c9c1a4b34c6~mv2.jpg)
"WALA ba akong mapapala sa inyo ngayon mga brad?" tila nagmamakaawang sabi ni Gerald sa dalawang kaibigan na sina Ivan at Henry. "Butas ang bulsa ko ngayon, brad. Pasensya na," makahulugang tugon ni Ivan, nangangahulugang wala itong pera. "Parang sibuyas din ang wallet ko ngayon, Gerald. Kapag tiningnan mo mapapaluha ka lang," tila wala ring pera si Henry. Nanlumo si Gerald. Naglalakad silang tatlo papunta sa Plaza nang umagang iyon. Hindi na alam ng lalaki kung saan siya didiskarte ng pera upang magkaroon ng pamasahe papuntang Maynila. "Kailangan na kailangan ko pa naman ng pera. Pinapauwi ako ng mga magulang ko dahil pumanaw na raw ang lola ko kahapon ng umaga. Hindi naman daw nila ako mapadalhan ng pamasahe dahil walang-wala rin sila. Kay malas talaga ng buhay!" may lungkot ang tinig ni Gerald. "Patay na pala ang lola mo? Nakakalungkot naman. Naalala ko pa noong mga bata pa tayo. Palagi niya tayong pinagluluto ng merienda," gulat na sabi ni Henry. "Pasensya ka na, brad. Gusto ka man naming tulungan ay wala rin kaming pera," may lungkot ang tinig ni Ivan. "Gusto n'yo bang magkapera?" isang tinig ng matandang lalaki ang umagaw sa atensyon nila. Nilingon nila ang kinaroroonan ng tinig. Nakakita sila ng isang matandang lalaki na nagtitinda ng mga kandila sa tabi ng sementeryo. Ang kulay ng mga kandilang iyon ay kapareho ng kulay ng damit ng matanda. Blue Candle. Lumapit silang tatlo sa matandang lalaki. "Kami ho ba ang tinutukoy n'yo?" si Gerald ang nagsalita. "Matatapang ba kayo?" nag-iba ang tanong ng matanda, tila nanghahamon. "Ano ho ba'ng nais n'yong sabihin sa amin?" kunot-noong tanong ni Ivan sa matanda. "Gusto n'yong magkapera, 'di ba? Bumili kayo ng mga kandila ko." Nagkatinginan ang tatlong magkakaibigan, pagkatapos ay tumingin sa mga asul na kandila na nakahilera sa pulang lamesa. "Paano naman kami magkakapera rito?" nagdududa ang tinig ni Henry. Ipinaliwanag ng matandang lalaki ang kayang gawin ng mga kandilang iyon. Halos hindi makapaniwala ang tatlo sa narinig. Dahil mura lang ang bentahan, bumili si Ivan ng tatlo at tig-isa silang magkakaibigan. Wala naman daw masama kung susubukan. Pakauwi sa bahay ay nagtampo si Gerald sa mga kaibigan. Kaninang nagmamakaawa siya sa mga ito ay palaging dinadahilan na wala silang pera, ngunit nang dahil sa kandilang iyon ay napilitan ang mga ito na ilabas ang natitirang pera sa bulsa. Maging ang kuryosidad ni Gerald ay nakuha ng kandilang iyon. Ayon sa matandang lalaki, sa oras ng pagtulog ay sindihan daw nila ang asul na kandila at ilagay sa ilalim ng kanilang kama. Kapag sila'y nilamon na ng antok, dadalhin sila ng kandila sa isang fantasy world. Isang uri iyon ng panaginip kung saan kontrolado nila ang bawat kilos at takbo ng isip nila. Mapupunta sila sa lugar na puno ng mga peligrosong laro na susukat sa kanilang tapang. Kapag naipanalo nila ang laro, magigising sila na puno na ng pera't kayamanan ang silid nila. Ngunit kung bigo silang maipanalo ito, habang buhay na silang makukulong sa panaginip na iyon. Dahil lubos na nangangailangan ng pera ang lalaki, kinagat niya ang hamon na iyon. Kahit mahirap paniwalaan ay wala na siyang pag-asa kundi ang maniwala sa himala. Bago humiga ay inilagay niya sa ilalim ng kama ang kandila at sinapinan ng platito. Sinindihan niya iyon sa pamamagitan ng lighter. Umakyat siya sa kama at nagtalukbong ng kumot. Ilang minuto lang ang lumipas, hindi na niya namalayan ang oras. Nagising na lang siya sa isang magarbong lugar na hindi pa niya nakikita sa buong buhay niya. Kasama niya sina Ivan at Henry. Hindi sila nag-uusap. Abala ang kanilang mga mata sa kakatitig sa lugar na iyon na hindi kayang ipaliwanag ng kanilang isipan. Sa kanilang harapan ay may isang itim na palasyo na napupuno ng mga kinorteng sungay na disenyo. Sa tuktok ng palasyo ay may malaking karatula na ang nakasulat ay, "Blue Candle Game Show." Mayamaya ay bumukas ang bakal na pinto ng palasyo. Iniluwa niyon ang isang matandang lalaki na nakasuot ng magarbong damit na ang kulay ay asul. "Maligayang pagdating sa aking palasyo. Dito, dadaan kayo sa isang laro na susukat sa inyong katapangan. Kakayanin n'yo ba?" Hindi nakasagot ang tatlong magkakaibigan. Nagkatinginan ang mga ito na tila naghihintay kung sino ang unang magsasalita. "Dahil nandito na kayo, hindi na kayo puwedeng umatras sa larong ito. Kalimutan n'yo na munang magkakaibigan kayo sapagkat sa bandang huli ng larong ito, tiyak ay mag-aaway rin kayo." Nagpakawala ng makahulugang ngiti ang matanda. Kabado ang tatlo. Tila nagsisisi kung bakit pa nila binili ang kandilang iyon na nagdala sa kanila sa lugar na iyon. Alam nila na nasa loob sila ng isang panaginip, pero ang panaginip na iyon ay naiiba sa lahat ng mga panaginip. Iyon ay makatotohanan. Konektado iyon sa kanilang kapalaran at kaligtasan. "Basta mga brad, kahit anong mangyari magkakaibigan pa rin sana tayong tatlo pagkatapos ng larong ito. Kahit nagsinungaling kayo sa akin na wala kayong pera, pinapatawad ko na kayo. Walang laglagan mga brad. Walang laglagan!" sabi ni Gerald sa dalawa. "Handa na ba kayo?" tanong ng matandang lalaki. "Opo!" sabay-sabay na tugon ng tatlo. "Bago natin simulan ang laro, pakinggan n'yo ang sasabihin ko. Sa loob ng palasyong ito ay may madadaanan kayong mga hagdan, tunnel, kuweba, at mga lagusan. Lahat ng mga pera at mamahaling gamit na makukuha ninyo sa bawat dadaanan ninyo ay magiging inyo na. Para manalo sa larong ito, kailangan n'yong mahanap ang asul na kandila. Kapag natagpuan n'yo na iyon, hipan n'yo lamang ang apoy nito at maaari na kayong magising. Paggising n'yo, nasa inyong mga silid na ang lahat ng mga pera at mamahaling gamit na nakuha n'yo sa loob. Samantala, pagpasok n'yo ay may makikita rin kayong mga nilalang na nanonood sa inyo. Hindi n'yo sila dapat katakutan dahil sila ang magsisilbing audience ng larong ito." Kinabahan ang tatlo sa narinig. Si Gerald ay napalunok ng laway. Si Ivan, halatang seryoso at hindi magpapatalo sa laban. Mukhang nakalimutan na nito ang sinabi ni Gerald kanina. Si Henry naman, nanginginig ang mga tuhod sa takot. "Roses are red! Candles are blue! The game show has no clue! Ready, set, boo!" Iglap lang ay naging maliit na paniki ang matanda at lumipad palayo. "This is it," mahina ang tinig na sabi ni Henry at napalunok ng laway. Pagpasok nila sa loob ay mas mahirap pa sa inaakala nila ang magiging takbo ng game show na iyon. Napakaraming mga hagdan, lagusan, kuweba, at mga daanan na makikita sa loob. Hindi nila halos malaman kung saan dadaan at kung saan matatagpuan ang asul na kandilang magdadala sa kanila sa realidad. Mainit ang temperatura sa loob. May usok pang lumilipad-lipad sa taas. Kulay impiyerno ang paligid. Ang isa pang ipinagtataka nila ay kung bakit wala ang mga nilalang na sinasabi ng matanda na magsisilbing audience ng nasabing game show. Mula nang makapasok sa loob ay hindi na nag-usap ang tatlo. Si Gerald, naisipang umakyat sa hagdan. Habang tinatahak niya ang hagdan ay padilim nang padilim ang buong paligid. Tanging hagdan lamang ang naaaninag niya. Bahagya siyang tinindigan ng balahibo. Pakiramdam niya'y may mga nakatagong mata na nakamasid sa kanya. Si Ivan, sa kuweba naisipang pumasok. Habang nagpapasikut-sikot sa loob ay ilang beses siyang pinaglaruan ng mga mata. Palagi siyang nakakakita ng mga nilalang sa paligid o kaya'y sa bandang likuran. Pero kapag nilingon niya iyon, wala namang tao. Si Henry naman, sa tulay dumaan. Nanginginig ang mga tuhod niya habang naglalakad sa tulay. Mahigpit ang kapit niya sa magkabilang lubid na hawakan ng tulay. Sa oras na magkamali siya ng paglakad, mahuhulog siya sa apoy na dagat na nasa ilalim ng tulay. Habang tinatahak nila ang daang tila walang hangganan ay hindi na mabilang ang mga pera, ginto, at alahas na nakakalat sa dinadaanan nila. Kanya-kanyang diskarte ang tatlo kung paano nila bubuhatin ang mga kayamanang iyon gamit lamang ang kanilang mga kamay. Habang patuloy nilang pinapasok ang kaloob-looban ng palasyong iyon ay napapansin nila ang mga paniking lumilipad-lipad sa itaas nila pati ang mga dagang sumusulpot sa mga maliliit na butas. Lingid sa kanilang kaalaman na iyon ang mga audience na sinasabi ng matanda. Mga nilalang na nag-anyong paniki at daga upang bantayan, manmanan, at sundan sila sa bawat dinadaanan nila. Habang naglalakad ay nagsimulang tumindig ang mga balahibo ni Henry. Sa kanilang tatlo ay siya ang pinakaduwag. Kanina pa siya naglalakad ngunit hindi pa niya makita ang hangganan ng tulay na iyon. Pagod na pagod na siya kabubuhat ng mga pera at alahas na binalot niya sa kanyang damit. Naglakad na lamang siya na walang suot na pang-ibabaw. Ganoon din ang diskarteng ginawa nina Gerald at Ivan. Tatlong oras ang lumipas nang marating nila ang hangganan ng bawat dinaanan nila. Sa huli, nagkatagpo-tagpo silang tatlo sa tuktok ng palasyo. Doon ay natagpuan nila ang asul na kandila na nakapatong sa isang round table. Kung gayon, ang lahat ng lugar na kanilang nadaanan ay patungo pala sa tuktok ng palasyong iyon. "Mga brad! This is it! Malapit na tayong magising. Nasa harap na natin ang susi!" nakangiting sabi ni Gerald, tinutukoy ang asul na kandilang nakapatong sa lamesa. Ilang sandali pa ay may paniking dumapo sa lamesa. Nagulat sila nang bigla iyong magsalita. "Tandaan. Isa lamang ang puwedeng manalo sa larong ito. Isa lamang ang puwedeng umihip sa kandila. Isa lamang ang puwedeng makabalik sa realidad!" Iyon ang boses ng matandang lalaki. Nanlaki ang mga mata nilang tatlo sa narinig. "Hindi maaari 'yan! Magkaibigan kaming tatlo! Walang makakasira sa friendship namin!" pagalit na sagot ni Gerald sa paniki. "Tulad ng sinabi ko sa inyo kanina, kalimutan n'yo nang magkakaibigan kayo. Dahil sa huli, siguradong mag-aaway rin kayo. Dahil isa lang ang puwedeng manalo at makabalik sa mundo n'yo!" Tila huminto ang mundo nilang tatlo sa kanilang narinig. Huli na kung sila'y magsisihan pa. Kaya naman pagkaalis ng paniki, nag-agawan na ang tatlo sa asul na kandila. "Akin 'to! Ako ang mananalo! Ako lang!" Hindi n'yo 'ko kaya! Tandaan nyo, ako ang pinakamatapang sa ating tatlo! Kaya subukan n'yo akong pigilan at ilalaglag ko kayo rito sa tuktok!" tumalim ang dila ni Ivan na labis na ikinagulat ni Gerald. "Brad, natatandaan mo pa ba 'yong sinabi ko? Walang laglagan, 'di ba?" Muntik nang mapasigaw si Gerald nang itulak ni Ivan si Henry mula sa tuktok na iyon. Nahulog ang lalaki. Basag ang bungo nito pagkabagsak sa lupa. "Bakit mo ginawa 'yon?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Gerald. "Ikaw na ang susunod!" Akmang itutulak na ni Ivan si Gerald, subalit lumaban ang lalaki. Sinuntok niya sa panga ang kaibigan. Hindi nagpatalo si Ivan. Sinuntok niya ng ubod-lakas ang tiyan ng lalaki at sinakal. "B-brad... " hindi na makapagsalita si Gerald sa higpit ng pagkakasakal sa kanya ni Ivan. "Ako na'ng mananalo rito, Gerald. Wala ka nang pag-asa. Wala na!" Parang baliw na tumawa si Ivan. Lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakasakal sa kaibigan. Kahit hirap na hirap ay pilit na lumaban si Gerald. Puwersahan itong tumayo at sinipa si Ivan. Nawalan ito ng balanse kaya nahulog sa tuktok. Mabuti na lamang at nahawakan pa siya ni Gerald kaya hindi siya tuluyang nahulog. Doon na lumakas ang kabog ng dibdib ni Ivan. Nagsimula nang pumatak ang mga luha niya. Nagsimula na rin silang pagpawisan mula sa noo hanggang leeg patungo sa kanilang dibdib hanggang tiyan. Tila sumasabay ang init ng temperatura sa init ng labanan nila. "Brad... Pakiusap... Iligtas mo 'ko... H-huwag mo 'kong bibitawan. W-walang laglagan, brad. Please!" pagmamakaawa ni Ivan. Unti-unting nawawalan nang higpit ang kapit ni Gerald sa kamay ng lalaki. Masyado na siyang nabibigatan. Kapag hindi pa siya bumitaw, kasama siyang mahuhulog ni Ivan. Wala nang nagawa si Gerald kundi ang umiyak nang umiyak. Hindi na siya makatugon sa pagmamakaawa ng kaibigan. "P-patawad, brad..." iyon ang huling linyang binitawan ni Gerald bago niya nabitawan ang kaibigan. Humagulgol siya ng iyak. Labis siyang naaawa kay Ivan. Dinig na dinig niya ang sigaw nito habang nahuhulog. Pagbagsak nito sa lupa ay durog ang bungo nito. Si Gerald naman ay naiwan sa tuktok at nagtatangis habang paulit-ulit na sinasambit ang "patawad". Nang maalala niya ang asul na kandila, dahan-dahan siyang tumayo at pinagmasdan ito habang patuloy sa pagpatak ang kanyang luha. Habang nakatitig siya sa apoy ng kandila ay rumehistro sa kanyang isipan ang lahat ng mga pinagsamahan nila ng kanyang mga matatalik na kaibigan. Upang mabura iyon sa kanyang isipan, hinipan na niya ang apoy ng kandila. Ilang sandali pa, hindi na niya namalayan ang sumunod na nangyari. Paggising niya ay nasa kama na siya. Laking gulat niya nang makitang napupuno ng pera, alahas, at mamahaling gamit ang kanyang silid. Iyon ang lahat ng mga napulot niya sa hagdan na inakyat niya sa palasyo ng Blue Candle Game Show. Napilitan siyang maghubad ng suot na t-shirt dahil sa tindi ng pawis niya. Naalala niya kaagad ang dalawang kaibigan niya. Halos maging balisa siya sa kaiisip sa mga ito. Mayamaya ay biglang bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang kapatid niyang babae na si Sherlyn. Nagulat ang dalagita nang makita ang mga papel na perang nakakalat sa silid. Pati mga alahas at mamahaling gamit at gadgets ay naroroon. May nakita pa siyang isang kahon ng mga barya. "Kuya Gerald?" bakas sa mukha ng dalagita ang labis na pagkagimbal. "B-bakit?" kunot-noong tanong ni Gerald. Halos hindi pa siya makapagsalita nang maayos dahil sa mga nangyari. Pakiramdam niya'y mababaliw na siya nang mga sandaling iyon. SA simbahan. "Sigurado ka ba sa nakita mo, Sherlyn?" kunot ang noong tanong ng pari sa dalagita. "Opo, father! Kitang-kita ng mga mata ko! 'Yong kahong naglalaman ng mga baryang donasyon na nawawala rito sa simbahan natin, nasa kuwarto niya! Pati 'yong nawawalang mga alahas ni Tita Carmen na inireklamo niya sa mga pulis kanina, na kay Kuya Gerald din! Marami pa 'kong nakitang mga pera, alahas, at mamahaling gamit at gadget doon na sigurado akong ninakaw lang niya sa mga kababayan natin! Hindi nga ako makapaniwalang kuya ko mismo ang may gawa ng lahat ng ito," paliwanag ni Sherlyn, pakumpas-kumpas pa ang kamay. "Patawarin sana siya ng Diyos sa ginawa niya!" komento ng pari at napa-sign of the cross. Lingid sa kaalaman ni Gerald na kasamang dinala ng mahiwagang matanda sa palasyo ang pera ng bayan at mga mamahaling gamit at alahas ng mayayaman sa kanilang lugar. Pati ang donasyon sa simbahan ay kasama nitong dinala upang gawing papremyo sa kanyang game show. Habang tulog sila ng kanyang mga kaibigan ay nagsimula nang maglaho ang mga pera, gagdet, at mamahaling alahas sa kanilang Barangay. Walang kaalam-alam si Gerald na laman na siya ng balita sa buong lugar nila. Ang nasa isip ng lahat ay siya ang nagnakaw ng lahat ng iyon kaninang madaling araw. Lumabas ng bahay si Gerald at pinuntahan ang lugar kung saan niya nakita ang matandang lalaki na nagtitinda ng mga kandilang asul. Ganoon na lamang ang reaksyon niya nang makitang wala nang tindahan ng kandila roon. Ang tanging nakita na lamang niya ay isang ulilang puntod. "Grego Sebastian Lucas" ang pangalan na nakalagay sa lapida. Sa tantiya niya ay baka iyon ang pangalan ng matandang lalaking nagbenta sa kanila ng kandilang asul. Kinilabutan siya... Pupuntahan na sana niya ang bahay nina Henry at Ivan para tingnan kung buhay pa ba ang mga ito subalit may mga pulis na humarang sa kanya at agad siyang inaresto. Doon siya mas lalong nagulat at naguluhan sa mga nangyayari. Nang tanungin siya ng mga pulis kung bakit siya nagnakaw nang ganoon karami ay wala siyang maisagot. Wala na siyang nagawa nang ikulong siya ng mga ito sa presinto dahil sa kasalanang hindi naman niya ginawa. Napasandal na lamang siya sa sulok at tahimik na umiyak. Labis siyang naawa sa sarili. Kung alam niyang ganoon lang pala ang magiging kapalit ng lahat ng iyon, hindi na sana siya nagising at lumaban para manalo sa game show na nagmula sa ibang dimensyon. Wala siyang ibang ginawa sa buong maghapon kundi ang humagulgol ng iyak at pagsusuntukin ang pader. Mayamaya ay may nahagip ang kanyang mga mata. Nang lingunin niya ang kanyang tabi ay nagulat siya nang makitang nakasandal sa dingding sina Ivan at Henry. Duguan ang ulo ng mga ito at basag ang mukha! Unti-unting lumingon ang mga ito sa kanya at tinitigan siya nang matalim. Doon tuluyang nasiraan ng bait si Gerald. Nagsisigaw siya hanggang sa huling hininga. Samantala, nagluluksa ang pamilya nina Ivan at Henry dahil sa pagkamatay ng dalawa. Natagpuan ang mga ito na wala nang buhay sa kani-kanilang kuwarto. Sa tantiya ng mga kaanak ay bangungot ang ikinamatay ng mga ito. Sa labas naman, may isang itim na paniking lumilipad. Tila naglalakbay patungo sa ibang lugar. Naghahanap ng panibagong biktima... Roses are red! Candles are blue! The game show has no clue! Ready, set, boo! ***THE END***