top of page

DD DEEP WEB (One Shot Story)


ABALA akong nagco-computer upang magbasa ng mga nakakatakot na story sa sikat na Horror group sa Facebook at iyon ang University of Horror Stories. Ako si Darrenz, 17 taong gulang. Gaya ng sabi ko mahilig ako magbasa ng mga horror stories at magbabad sa internet. Maghapon, magdamag o gabi-gabi ay wala akong sawa sa pagtitipa ng keyboard habang tutok ang mata sa computer screen. Adik na nga yata ito kung tawagin. "Bro! Bro! Bro!" Siguradong si Daryl na naman ang kumakatok sa pinto. Sanay na'ko sa wagas na pagkatok niya sa pinto namin. Kulang na lang sirain niya ito. Tuwing Sabado at Linggo dito tumatambay ang kalog kong bestfriend. Minsan aagawan pa ako sa puwesto sa computer. Kapal ng mukha, 'no? Tumayo ako para buksan ang pinto. "Bro! Bro! Bro!" "Oo, nandito na! Bubuksan na!" Minsan 'di ko alam kung ano'ng meron sa mokong na'to. Kahit sabihin kong bubuksan ko na ang pinto, sige pa rin ang kanyang pagkatok. Hays. Napabuntong hininga na lang ako. Binuksan ko ang pinto. "Bro! Bro! Bro!" "Oh, ano 'yon?" Ano kaya'ng meron? At parang hyper na hyper yata siya. "Bro! May goodnews at bad news ako sa'yo! Pero bago ko sabihin puwede bang papasukin mo muna ako?" Hmmm, good news at bad news, huh? Baka kalokohan na naman 'to. Pagkatapos kong papasukin si Daryl ay dumeretso agad kami sa itaas kung saan naroon ang aking kuwarto. "Oh, ano na 'yong good and bad news mo?" kunot-noong tanong ko. "Naku bro! Sinasabi ko sa'yo matutuwa ka 'pag nalaman mo ang good news ko! So, ano ang gusto mong unahin? Ang good o ang bad? Bro, piliin mo ang good news excited na kasi ako!" Ano ba ang totoo? Ako ba ang pipili o siya? Hays, napakamot na lang ako sa ulo. At isa pa ang harot niya ngayon na parang kiti-kiti. "Sige bro, good news muna." Eh ano pa ba ang magagawa ko? 'Yon ang gusto niyang ipauna. "Nice bro! Great choice!" Wow, huh? tuwang-tuwa naman ang mokong. "Sige na, sige na. Sabihin mo na." "Ang good news ay alam ko na kung paano mag-dive sa deepweb! Dahil tinuruan ako ng kapitbahay namin at ibinigay ang instructions sa akin! Heto o, nilista ko sa papel ang instructions. Isn't it amazing, bro?" Mukhang good news nga 'to, ah. Kinuha ko ang papel na may nakasulat na instructions kung paano pasukin ito sapagkat matagal ko nang gustong matuklasan ang makikita sa deepweb dahil nacu-curious ako sa mga sabi-sabi na nakakabaliw at nakakatakot daw pumasok dito. Hmm... Let's see kung totoo nga 'yon. "Nice bro! Ang galing mo! Dahil d'yan ipagtimpla mo'ko ng gatas sa kusina, salamat!" bulalas ko. "Masusunod kapitan! Wot wot!" Palabas na sana siya ng pinto, nang biglang maalala ko kung ano ang bad news na sinasabi niya. Kaya naman agad ko siyang tinawag. "Ah, bro! Teka, ano naman ang bad news?" Dahan-dahan siyang humarap sa akin. Napansin ko na parang nag-iba ang timpla ng mukha niya. Para bang may takot na namumuo sa kanyang mga mata. "Bro? Okey ka lang?" puna ko. "Ahmm, bro… Ang bad news kasi…" "Ano?" pa-suspense pa naman kasi. "Ahmm, bro… Kasi ang bad news…" "Ano nga?" Ano ba? Ulit-ulit na lang ba kami? "Ang badnews kasi bro…" "Isa pa! Tutuktukan na kita!" "Alam mo ba nabalitaan kong namatay 'yong kapit-bahay namin dalawang araw lang ang nakalilipas matapos siyang mag-dive sa deep web. Ang ayon din sa sabi-sabi, natagpuan siyang wala nang buhay sa harap ng computer nila. Kaya sigurado akong may kinalaman ang deep web sa pagkamatay niya." Bigla tuloy akong tinayuan ng balahibo sa sinabi niya. Parang ayaw ko na tuloy mag-dive sa deep web. Pero ayaw ko namang ipakita kay Daryl na matatakutin akong tao. "Ah, gano'n ba? Ayos mukhang exciting lalo 'to! Sige, sige, timpla ka na ng gatas natin." Sa totoo lang talagang natakot ako sinabi niya. 'Di ako maka-get over. Hays... "Nga pala, bro! Kuha ka na rin ng potato chips sa taas ng cabinet sa kusina. Bilisan mo, ha!" dugtong ko. "Oki, doki." Lumipas ang ilang minuto ay magsisimula na kami. Seryosong tutok ang mga mata namin sa screen habang humihigop ng mainit na gatas. Nakalagay sa instruction na ida-download ko muna ang TOR Browser para safe at hindi ito ma-detect ng mga hacker at hindi magkaroon ng virus ang computer. Medyo may halong panginginig pa ang daliri ko habang kini-click ko ang mga icon sa pagda-download. Jusme! Ayaw ko pang mamatay! Pero hindi, hindi siguro totoo na may na mamatay sa deepweb o nasisiraan ng ulo. Pero ano 'yong sinabi sa akin ni Daryl kanina? 'Yong kapit-bahay nilang namatay? Pero hindi! Hindi ako naniniwala hanggat 'di ako nakakapasok! "Bro, okey ka lang?" pag-aalalang tanong ng mokong sa akin. "Oo, naman bakit mo naman naitanong?" tugon ko habang abala pa rin sa ginagawa ko. "Eh, kasi parang pinagpapawisan ka. Ang lamig-lamig na nga tapos namamawis pa ang ilong mo." Napatingin ako sa kanya kasabay ng pagkunot ng noo ko. "Eh, pa'no hindi ako pagpapawisan, eh, nakaharang ka sa blower!" hays, kaya pala ang init-init. Tapos sasabihin niya na nilalamig siya? Napakamot na lang ako sa ulo, "tabi ka nga d'yan." Start na uli ako sa ginagawa ko. Natapos ko na rin i-download ang TOR Browser. At doon ko ti-nype ang link na nakasulat sa papel. "Waaaaaaaaaaaah!" Nagulat ako nang biglang sumigaw si Daryl sa tabi ko. "Oh, ano, bro!? Bakit ka sumigaw?" "Pasensya, bro, advance reaction lang." Ngingisi-ngisi pa ang mokong, akala ko pa naman kung napaano na. Hays sira talaga siya. "O.A mo naman bro, heto at i-e-enter ko palang oh," sabi ko, sabay tipa ng enter sa keyboard. Pagkatapos ng ilang segundong loading ay biglang nagdilim ang screen. Bigla naman kaming napatingin sa isa't isa at sabay napalunok ng laway. Kinabahan na'ko lalo na nang makita ko na may dahan-dahang lumilitaw na bungo sa loob ng screen. Nanlilisik ang mata nito na kulay pula at nakangisi ito sa amin na parang baliw na papatay ng tao. "B-bro, p-puwede bang 'wag na nating ituloy!?" utal-utal na wika ni Daryl habang niyuyugyug na ang ulo ko sa sobrang takot nito. Teka! Hilong-hilo na'ko. Sa totoo lang ayaw ko na rin ituloy lalo na ng biglang tumawa ang bungo at sinabing… "Welcome to my world!" Humalakhak ito nang tawa. Ang boses nito ay parang nanggaling sa kailaliman ng kuweba. Halos mabingi kaming dalawa ni Daryl sa lakas ng volume ng speaker. "B-bro! Ayaw ko na! Patayin mo na ang computer!" pagmamaka-awa sa akin ni Daryl. Dahil sa takot ko, dali-dali kong pinatay ang computer. Pero… Hindi ito namatay! Bagkus nagpakita pa ito ng katakot-takot na video! Kitang-kita ng dalawang mata namin kung paano gilitan ng isang babae ang leeg ng isang nakaka-awang sanggol! Tila tuwang-tuwa pa ito sa kanyang ginagawa! Halos umikot ang sikmura naming dalawa at tuluyang naisuka ang gatas at potato chips na kinain namin kanina lang. Mayamaya ay nagbago ang video. Isang babaeng hubo't hubad na nakagapos ang kamay at paa sa tanikala. Tila umiiyak ito at puno ng pasa sa mukha at buong katawan. Nanginginig na ang tuhod namin Sinubukan ko'ng tumayo pero nagmistulang palarisa ang mga binti ko. Tiningnan ko si Daryl. Lumuluha na ang kanyang mga mata habang nakatitig lamang sa screen. Ramdam ko ang kaba at takot niya dahil ganoon din ang naramdaman ko nang mga oras na iyon. Napalingon ako sa screen. Shiiit! Bigla akong nagulat nang makita kong winakwak ang tiyan ng babae ng isang naka-itim na jacket at naka-anonymous mask na lalaki gamit ang matalas na itak. Bawat laslas niya ay siya ring pagsirit ng dugo mula sa babae. Sinubukan kong ipikit ang mata ko pero hindi ko ito maipikit. Pero bakit gano'n? Ayaw ko nang makita iyon! Dinig na dinig ko ang kakila-kilabot na halakhak ng demonyo habang tuwang-tuwa sa ginawa sa nakaka-awang babae. Halos hatakin niya ang lamang loob nito palabas! Hiniwa niya ang ulo nito at saka biniyak sa gitna! Hindi ko na alam ang gagawin! Tila sasabog na ang ulo ko sa mga napanood. Sinubukan kong hilahin ang saksakan ng computer, baka sakaling mamatay na ito. Ngunit… Hindi pa rin ito namatay! Tinawag ko si Daryl. Pero hindi siya kumikibo sa kinaroroonan niya. Kaya naman pinilit kong lumapit sa kanya. "Bro! Bestfriend! Okey ka lang ba?Sumagot ka!" Naiyak na ako dahil kahit anong yugyog at tapik ko sa kanya ay hindi ito kumibo. Napatingin ako sa pinto. Naisipan ko'ng lumabas na lang kami. Dali akong tumayo at mabilis kong pinihit ang doorknob ng pinto… Teka… Hindi maaari! Ayaw ring bumukas ng pinto!!!! Napa-praning na'ko sa mga oras na'to. Para bang masisiraan na'ko ng bait. Gusto ko nang matapos ang lahat ng ito! Mayamaya'y bigla na lang akong nakarinig ng tawa… Tawa mula kay Daryl? Napalingon ako sa kanya. Siya nga ang tumatawa! Pero bakit siya tumatawa? "B-bro? Okey ka na? Bakit ka tumatawa? Bro? Ano ba!" sunod-sunod na tanong ko habang kumakabog ang dibdib ko sa kaba. Hindi niya ako sinagot. Tawa lang siya nang tawa. Habang patagal nang patagal ay palakas nang pakas ang halakhak nito. Ang lakas ng tambol ng dibdib ko. Ni hindi ko na siya malapitan dahil natatakot na'ko sa kinikilos niya. Ilang saglit lang, namilog ang dalawa kong mata nang biglang umikot ang ulo niya patungo sa akin! Shit! Hindi na siya ang bestfriend ko! Isa na siyang demonyo! Napa-atras ako at sinubukan muling buksan ang pinto habang hindi ko inaalis ang mata ko sa kanya. Para na akong naliligo sa pawis ko na bumakas pa sa damit ko. Nakatitig lang siya sa akin habang tumutulo ang pulang luha niya sa kanyang mga mata. Tila demonyong nakangisi ito sa akin. "Waaaaah! Tulong! Ayaw ko na! Gusto ko nang mamatay!" sigaw lang ako nang sigaw. Hanggang sa… Biglang nagdilim ang aking paningin… Ramdam ko ang pagbagsak ko; tila nawalan ako ng malay. Pagkatapos no'n ay hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. PAGMULAT ko, isang orasan na nakasabit sa pader namin ang bumungad sa akin. Huh? Nagtaka ako dahil nakahiga na 'ko sa sarili kong kama. Nakapagtataka talaga. Tinitigan ko ang orasan. Pasadong alas-otso na. Nakita ko ang bintana, maliwanag na ang sikat ng araw. Ha? Panaginip? Panaginip lang!? Thank God! Nakahinga na ako nang maluwang! Rise and shine! Darrenz! "Bro! Bro! Bro!" "Ayy, butiking buntis!" Nagulat ako nang may kumatok sa pinto. Mukhang si… Daryl!? "Daryl! Bro! You're alive!" Dali akong tumakbo papunta sa pinto para pagbuksan siya. Siyempre kahit kalog 'yon, siya pa rin ang bestfriend ko. Pagbukas ko ng pinto... "Bro! Bro! May good and bad news ako sa'yo!" Takte! Ayan na naman tayo! Hays.. Here we go again… "Wooot! Wooot!"

WAKAS

DD DEEPWEEB © ALL RIGHTS RESERVED 2016 PROPERTY OF UNIVERSITY OF HORROR STORIES


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic

FOLLOW US

  • Facebook Classic
  • YouTube Social  Icon
  • Google+ Social Icon
  • Blogger - White Circle

© 2015 by Daryl Morales (UHS Creator)

bottom of page