top of page

THE EXORCISM OF ARA MARIE (One Shot Story)


KUNG hindi pa sumama si Kimberly kina Patrick at Wilson sa beach, hindi pa makukumbinsi si Ara na sumama na rin. Ayon sa dalawang binata, tatlong oras ang itatagal ng biyahe nila. Kaya naman nagdala ng kanya-kanyang mapaglilibangan ang magkakaibigan habang nasa biyahe. "Bakit ba kasi kailangan kasama pa ako? Hindi nga ako marunong lumangoy. Maiinip lang ako du'n," sabi ni Kimberly sa dalaga. Magkatabi sila sa backseat ng sasakyan. "Baliw ka ba? Kailangan na kailangan ko talaga ng babaeng kasama. Baka kung ano pa'ng gawin sa 'kin ng dalawang lalaki na 'yan kapag ako lang ang kasama nila," tugon ni Ara sa tinig na silang dalawa lang ang makaririnig. "May pinag-uusapan ba kayo d'yan?" gumulat sa kanila ang boses ni Wilson. "Wala! Ang sabi namin guwapo ka!" pasigaw na sagot ni Kimberly. "Wow, thank you sa pambobola!" Nasa kalagitnaan sila ng biyahe nang biglang tumirik ang sasakyan sa gitna ng kalsada. "Patay! Mukhang wala na yata tayong gas! Nakalimutan kong magpa-gas kanina!" bulalas ni Patrick. Napatapik sa noo si Wilson. "Anong katangahan na naman ba ito, bro? Bakit kasi hindi ka pa nagpa-gas gayong alam mo namang malayo ang pupuntahan natin! Tanga ka talaga!" inis na sabi niya. "Paano na tayo nito?" mayamaya'y sabi ni Kimberly. Bumaba silang lahat sa sasakyan. Pinagmasdan nila ang buong paligid. Malabong may mahingian sila ng tulong doon sapagkat puro mga puno at malawak na kakahuyan lang ang makikita sa paligid. Walang katao-tao o kahit mga bahay man lang. "Saan naman kaya tayo kukuha ng gas nito?" ani Wilson. "Ano na naman bang kapalpakan ito, Patrick? We're in the middle of nowhere! Saan tayo magpapa-gas nito? Kasalanan mo 'to!" galit na sabi ni Kimberly habang nakasandal sa sasakyan. "Ang tanga kasi ng kaibigan natin, e! Ang lakas ng loob magyaya sa beach pero hindi naman pala prepared! 'Tang ina ng sasakyan mong 'yan pati ikaw!" pang-iinsulto ni Wilson kay Patrick. "Hoy, imbes na sumbatan n'yo 'ko, tumulong na lang kayo sa paghahanap ng makakatulong sa 'tin!" "Saan tayo hihingi ng tulong dito? Wala namang katao-tao sa lugar na 'to. Pati nga bahay wala rin!" galit na tugon ni Wilson. "Maglakad-lakad tayo. Malay n'yo may makita tayo. Kaysa naman sa tumunganga lang tayo rito. Kailangan may maiwan mag-isa rito para bantayan ang sasakyan," mahinahong sabi ni Patrick. "Ikaw, Ara, gusto mo bang maiwan muna?" tanong ni Wilson sa babae. "Ba't natin siya iiwan? Kita n'yo naman walang katao-tao rito. Sigurado namang walang magnanakaw ng sasakyan dito. Isama na natin siya. Baka may dumakip pa sa kanya rito!" singit ni Kimberly. "Kasasabi mo lang na walang tao rito. Ewan ko sa'yo! Basta kailangan may maiwan dito para makasigurado na rin!" inis na tugon ni Wilson. "Sumama ka na, Kim. Hihintayin ko na lang kayo rito. Ayokong maglakad nakakapagod 'yon. Makikinig na lang ako ng music sa loob," desisyon ni Ara. "Sige kung iyan ang gusto mo," hindi nagdalawang isip si Kimberly na sumama sapagkat mahilig siya sa lakad. Nang maiwan mag-isa si Ara ay binuksan niya ang pinto ng sasakyan upang makalanghap ng sariwang hangin. Akmang isusulpak na niya sa tainga ang headphone nang may mahagip ang kanyang mga mata sa tabi ng puno na katapat ng sasakyan. Nakakita siya roon ng itim na usok na lumilipad-lipad at umiikot-ikot sa puno. Napa-awang ang bibig niya. Sa halip na pumasok sa loob ng sasakyan ay nakuha pa niyang lumapit sa punong iyon. Sa kanyang paglapit ay hindi niya inaasahan ang pag-atake ng itim na usok sa kanyang mukha. Bahagyang naubo pa ang dalaga nang nalanghap ang usok na amoy ng tila patay na daga. Dali-dali siyang tumakbo pabalik sa sasakyan at isinarado ang pinto. Uminom siya ng tubig upang guminhawa ang dibdib niya. Habol ang hiningang napatitig siya sa puno. Binalot siya ng pagtataka. Malakas ang kutob niya na hindi iyon ordinaryong usok. Bahagya siyang kinabahan dahil nalanghap niya iyon. Dalangin niya'y wala sanang maging epekto iyon sa katawan niya. Mayamaya pa, dumating na ang kanyang mga kaibigan. May kasamang matangkad na negrong lalaki ang mga ito na sa tantiya niya'y nasa edad 50 pataas. Agad niyang binuksan ang pinto ng sasakyan at sinalubong ang mga ito. "Ano na?" salubong na tanong niya. "Pansamantala muna tayong makikituloy kina Mang Asbong. May bahay sila banda roon. Siya na ang maghahanap ng gas para sa atin," si Patrick ang tumugon. "Dalhin n'yo na ang mga gamit n'yo," dagdag niya. Kanya-kanyang buhat ng mga bagahe ang magkakaibigan. Pagpasok nila sa loob ng malaki at sinaunang bahay na gawa sa kawayan ay sinalubong sila ng isang negrang babae na kaedad lamang ni Mang Asbong. Matangkad din ito at kulot ang mahabang buhok. "Magandang umaga sa inyo. Halikayo, pasok!" nakangiting bati ng babae sa kanilang apat. "Naubusan daw ng gas ang sasakyan nila habang nasa biyahe. Kaya pinatuloy ko na lang muna sila rito. Sabihin mo kina Maneng at Isko na ipaghanda sila ng makakain. At ako'y maghahanap muna ng gas sa bayan," pahayag ni Mang Asbong. Pinaupo sila ng matandang babae at tinawag nito ang dalawa nilang anak na sina Isko at Maneng. Lumabas ang magkapatid sa kuwarto. Palihim na nagkatinginan ang apat na magkakaibigan. Tila nababasa nila ang nasa isip ng isa't isa. Sa loob-loob nila, lahi yata ng mga ito ang matatangkad at maiitim. Kulot lahat ang kanilang mga buhok at makapal ang mangitim-ngitim na mga labi. Hindi sanay makakita nang ganoong mga tao si Ara kaya bahagya siyang nakaramdam ng takot. Ang tingin niya sa mga ito ay aswang. "Tumuloy muna kayo rito sa kabilang kuwarto habang hindi pa tapos 'yong niluluto kong nilaga. Hindi ko na nalinisan iyon dahil biglaan ang pagdating ninyo. Buksan n'yo na lang ang mga bintana para makapasok ang hangin. Wala kasi kaming bentilador dito," magiliw na sabi ng matanda. "Maraming salamat po," ani Patrick, pagkatapos ay tumayo silang apat. Napansin nila na wala ngang mga gadgets at appliances ang bahay. Lahat ng makikita roon ay mga sinaunang kagamitan. Pagpasok nila sa kuwarto ay binuksan na ng matanda ang lahat ng mga bintana. Doon pa lang nagliwanag ang buong paligid. Halatang hindi nagamit ang kuwartong iyon sa loob ng mahabang panahon. Puno ng sapot ang kisame at nabalutan na ng makakapal na alikabok ang mga kagamitan. "Ano ho palang pangalan ninyo?" si Kimberly ang nagtanong. "Ako nga pala si Aling Melba. Sige maiwan ko na muna kayo rito. Babalikan ko na muna 'yong niluto ko," ngiting sabi ng matanda saka ito lumabas ng kuwarto. "Naku! Walang signal 'yong phone ko. Sa inyo?" ang sabi ni Patrick pagtingin sa ang cellphone. Sabay-sabay na tiningnan ng tatlo ang kanilang mga cellphone. "My ghad! I heyt drags!" madiing wika ni Wilson nang makitang wala ring signal ang cellphone niya. "My ghad! I heyt dirt!" pahabol na wika niya nang makita ang magulo at maruming ayos ng kuwarto. "Hayaan n'yo na. Baka ganito lang talaga rito. Makaka-alis din naman tayo mamaya. Naghahanap na ng gas si Mang Asbong para sa atin," sabi ni Kimberly. "Lalabas nga ako baka sakaling may signal doon. May tatawagan kasi ako. D'yan muna kayo." Lumabas ng kuwarto si Patrick. Paglabas niya sa sala ay nakita niyang bukas ang pinto palabas ng bahay at nakaharang doon ang magkapatid. Nagkukuwentuhan. Dahan-dahan siyang lumapit sa mga ito. Huminto ang dalawa sa pag-uusap nang mapansing papalapit siya. Pinagmasdan siya ng dalawa mula ulo hanggang paa. Makahulugan ang titig ng mga ito. "Makikiraan lang sana ako," nakayukong sabi ni Patrick. Nang tangkain niyang lumabas ng pinto ay hinarangan siya ng lalaki. Nagdikit pa ang kanilang mga dibdib at nagtagpo ang mga mata. Nang mapansin niya na masama ang titig ng lalaki ay ginantihan na rin niya ito ng masamang titig. Parehong nagbabaga ang kanilang mga mata. Uminit ang ulo ni Patrick sa nakaiinsultong titig ng lalaki. Para itong nang-aasar o nagbabanta. Nanggigigil sa galit ang puso niya habang kaharap ang maitim na pagmumukha ng lalaki. Nang magpumilit siyang lumabas ay hindi niya inaasahan ang pagtulak sa kanya ng lalaki palabas ng bahay. Tumalikod ito at nagtawanan sila ng kapatid nito. Pinigilan na lamang niya ang sarili na patulan ang lalaking iyon. Napanatag ang loob niya nang magpunta ang dalawa sa kusina. Pagtingin niyang muli sa cellphone ay wala pa rin itong signal. Nabahala pa siya nang makitang malapit na itong malowbat. Nagpasya siyang bumalik sa sasakyan dahil naiwan niya ang charger doon. Laking gulat niya nang makitang winawasak ni Mang Asbong gamit ang dos por dos ang mga bintana at harapan ng kanyang sasakyan. Nanlalaki ang mga matang tumakbo siya sa kinaroroonan ni Mang Asbong. "Hoy! Itigil mo 'yan! Tarantado kang matanda ka!" Pagkalapit pa lang niya sa matandang lalaki ay bigla siya nitong hinampas ng dos por dos sa ulo. Walang malay na bumagsak sa lupa si Patrick at duguan ang ulo. Hindi na nito nakita ang kasindak-sindak na anyo ng matanda. Litaw ang matatalim nitong bulok na mga ngipin at napupuno ng batu-batong bukol ang mukha. Nang masira na ng matanda ang lahat ng nagpapagana sa sasakyan ay binuhat niya ang lalaki at nilisan ang lugar na iyon. Ibinitin niya nang patiwarik si Patrick sa itaas ng isang puno na naaabutan ng sinag ng araw. "Ibibilad muna kita rito. Ikaw ang tanghalian namin bukas," anang matanda at tinapik-tapik pa ang pisngi ng binata. Iniwan ng matanda ang walang malay na katawan ni Patrick na paikot-ikot sa puno habang tumutulo sa lupa ang dugo sa ulo nito. "KUMAIN na kayo! Nakahanda na ang pagkain sa mesa," yaya ni Aling Melba kina Ara. "Tamang-tama gutom na pa man din ako. Tara na mga trops!" Naunang bumangon si Wilson sa kama. Sumunod naman si Kimberly sa kanya. Subalit si Ara ay nanatiling nakahiga sa kama. "Ara, hindi ka ba kakain?" tanong ni Kimberly. "Magpapahinga muna ako. Saka busog na busog pa 'ko. Sige na mauna na kayo. Susunod na lang ako," dahilan ni Ara. "Okey, kung iyan ang gusto mo." Lumabas na rin ng kuwarto si Kimberly. Ang totoo ay masama ang pakiramdam niya. Bigla na lamang siyang pinagpawisan bagama't giniginaw siya. Medyo nahihilo at nanghihina siya. Pakiramdam niya'y lalagnatin siya kahit normal naman ang temperatura ng katawan niya. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. "Ang sarap ng lutong nilaga nila! Ang lambot ng karne. Ang gaan sa bibig. Kakaiba ang linamnam!" komento ni Kimberly habang hinihimas pa ang namimintog niyang tiyan. Tapos na silang kumain nang mga oras na iyon. Pagkabalik nila ni Wilson ay pareho silang nagulat nang makitang nanginginig ang buong katawan ni Ara habang nakahiga sa kama. "Ara! Ano'ng nangyayari sa 'yo?" Lumapit si Kimberly at hinawakan ang leeg at noo ng dalaga. Hindi naman ito mainit ngunit tila inaapoy ito ng lagnat base sa kilos nito. "Ara, ano'ng nararamdaman mo? Magsalita ka," ani Wilson. Sa kalagayang iyon ay malabong makapagsalita pa ang dalaga. Kaya naman inutusan ni Kimberly si Wilson na humingi ng tulong. Tarantang lumabas ng kuwarto ang lalaki at ipinagbigay-alam kina Mang Melba ang nangyayari sa kaibigan nila. Sinabi ng matanda na kukuha muna ito ng mga dahon na kanyang gagamitin sa panggagamot. "Maraming salamat po, Aling Melba. Puwede ho bang makigamit ng banyo?" mayamaya'y sabi ni Wilson. "Sa dulo ng kusina, may secret door doon. Bumaba ka lang doon at naroroon ang aming banyo para sa mga bisita. Sige, mauna na 'ko. Kukuha muna ako ng mga dahon. Paiiwanan ko na lang sina Isko at Maneng dito para may kasama kayong magbabantay sa kaibigan n'yo habang wala pa ako," pagwawakas ng matanda sa usapan at umalis na ito. Agad na pinuntahan ni Wilson ang sinabi ng matanda. Bumaba siya sa secret door na nasa ilalim ng lamesa. Bahagyang nangunot ang noo niya at napaisip kung bakit doon nakalagay ang banyo para sa mga bisita. Pero isa lang siyang panauhin doon kaya hindi na siya nagreklamo. Pagkababa niya ay napakadilim ng paligid. Napatakip din siya ng ilong nang makaamoy ng 'di kanais-nais. Kinapa niya ang dingding upang maghanap ng switch ng ilaw. Sa kabutihang palad ay may nahanap siya. Agad niyang sinindihan iyon. Ganoon na lamang ang sindak niya nang bumungad sa kanya ang putol-putol na katawan ng mga tao na nakakalat sa buong paligid. Ang mga lamang-loob ay nakalagay sa malalaking mga batsa at ang sariwang dugo ay nasa malalaking mga balde at orocan. Napaluhod siya at agad napasuka. Mahina ang kanyang sikmura sa mga ganoong bagay. Pakiramdam niya'y sasabog ang ulo niya sa kalunos-lunos na mga bangkay na nakikita niya sa paligid. Ganoon pala ang pakiramdam kapag nakakita ng totoong lamang-loob at hiwa-hiwang katawan ng tao. Parang babaligtad ang sikmura niya. Hindi na niya napansin ang pagbaba ng magkapatid na Maneng at Isko sa liblib na silid na iyon. May dala-dalang palakol ang mga ito at lumapit sa kinaroroonan ni Wilson. Nang maramdaman ng lalaki na may tao sa harap niya ay itinaas niya ang kanyang ulo. Nanlaki ang mga mata niya sa nakita. Doon ay mas lalo siyang nasindak nang makitang may mga pangil ang dalawa at may batu-batong bukol sa mukha. Bago pa makagawa ng aksyon ang lalaki ay hinataw na ni Isko ng palakol ang leeg nito. Bagsak sa lupa ang ulo ni Wilson. Mayamaya, sumunod namang bumagsak sa lupa ang nanginginig nitong katawan habang tumatalsik-talsik sa butas nitong leeg ang sariwang dugo. Nagpakawala ng mabangis na ngiti ang magkapatid habang pinagmamasdan ang lalaki na parang isdang palundag-lundag ang katawan sa tuyong lupa. Samantala, halos maiyak na si Kimberly sa nangyayari kay Ara. Nangingitim na ang buong katawan nito at bumabaligtad ang mga mata. Unti-unting nag-iiba ang boses nito. Tila nagboboses-lalaki na ito! Sa halip na tulungan ang kaibigan ay napa-atras na siya. Tila hindi na tao ang kaharap niya. Parang hindi na si Ara ang babaeng iyon. Pagkasandal niya sa pinto ay yumuko ang babae at sinabunutan ang sarili nitong buhok. Parang nababaliw na ito. Hindi kinaya ni Kimberly ang takot. Nagpasya siyang lumabas na muna ng kuwarto upang tawagin si Wilson. Nanginginig ang mga kamay na pinihit niya ang door knob at maiyak-iyak na lumabas ng silid. "Wilson!" tawag niya nang magtungo sa kusina. Ngunit walang Wilson na tumugon sa kanya. Wala ring tao sa kusina. Nagpasya siyang lumabas ng bahay upang puntahan si Patrick sa sasakyan. Habang tumatakbo sa kalsada ay natigilan siya nang makita sa 'di kalayuan si Mang Asbong. May hawak itong dos por dos habang nakatitig nang matalim sa kanya. Nakangisi ito at nakalitaw ang matatalim na mga pangil. Tumutulo pa ang laway nito na tila gutom na gutom. Naalarma si Kimberly. Noon lang niya natuklasan na hindi normal na tao ang pamilya ni Mang Asbong. Sila ang natitirang lahi ng mga negritong kanibal. Ang pagkain ng tao ang nakapagbibigay sa kanila ng mahabang buhay. Muli siyang nagtatakbo pabalik. Samantala, pagkalabas nina Maneng at Isko sa liblib na silid ng kusina ay dumeretso naman sila sa kuwarto ni Ara para sana katayin ito. Pagkapasok nila roon ay napako sila sa kinatatayuan nang makitang tumatawa mag-isa si Ara habang sinasabunutan ang sarili. Nag-iba na ang anyo nito. Anyo nang isang demonyo! May maliit na sungay pang tumubo sa magkabilang noo nito. Ang mga mata nito ay naging solid na itim. Bilang mga kanibal, noon lang sila nakakita nang ganoon sa buong buhay nila. Ang akala nila'y wala nang nilalang na mas nakakatakot pa sa kanila. Hindi nagpadaig sa takot ang dalawa. Unang sumugod si Isko at itinutok kay Ara ang dalang itak. Bumangis ang timpla ng mukha ng babae. Nabigla niya si Isko sa biglaang pag-agaw niya sa itak. Namilog ang mga mata ng dalawang kanibal nang makita kung paano putulin ni Ara ang matalim na itak. Dumugo ang kanyang mga kamay ngunit hindi niya inda ang sakit. Bagkus ay dinilaan pa niya ang dugong lumabas mula roon. Napa-atras ang dalawang kanibal. Pero hindi pa rin sila nagpatalbog sa babae. Si Isko ang muling naglakas-loob na sugurin ang babae. Subalit muli siyang napa-atras nang biglang lumipad ang katawan ni Ara at dumikit sa bandang itaas ng dingding. Umatungal si Isko at sumampa sa kama. Akmang aabutin na niya ang babae nang bigla siyang lundagan nito. Pagbagsak nilang pareho sa kama ay dinukot ni Ara ang mga mata ni Isko, pagkatapos ay dinurog niya ito sa sariling mga kamay. Nakabibingi ang nanginginig na sigaw ni Isko. Nagulat si Maneng sa nasaksihan. Gumawa agad siya ng paraan upang ipaghiganti ang kapatid. Umatungal siya sa galit at sumampa sa kama, pagkatapos ay sinakal ang leeg ni Ara. Bumaon sa leeg nito ang matutulis na mga kuko niya. Lalong lumakas ang espiritong nasa katawan ni Ara. Ipinasok niya ang kanyang kamay sa bibig ni Maneng, kapagkuwan ay hinatak nito ang dila ng dalaga. Tulad ni Isko, nagsisigaw rin sa sakit si Maneng. Umagos ang sariwang dugo sa bibig niya. Buong lakas na hinagis siya ni Ara sa pinto. Lumikha ng malakas na ingay ang pagkawasak ng pinto. Nagkandabali-bali ang kanyang mga buto. Hindi na siya nakabangon. Si Isko naman, bagama't wala nang mga mata ay pinilit pa ring tumayo upang atakihin si Ara. Palibhasa'y wala nang makita kung kaya pakapa-kapa na lang ito sa hangin. Sinabunutan ni Ara ang lalaki nang pagkahigpit-higpit. Sa sobrang higpit ay nalagas ang buhok ng lalaki at nabutas ang ulo nito. Umapaw ang dugo sa ulo ng lalaki. Pagbagsak nito sa kama ay gumulong at nahulog ang utak nito sa sahig. Pagkababa ni Ara sa kama ay saktong dumating si Kimberly sa bahay. Sa pagbabalik nito ay mas nasindak pa siya sa nakita. Mula sa wasak na pinto ng kuwarto, nakita niyang nakatayo si Ara. Demonyo na ang anyo nito at buhaghag ang buhok. Puno ng dugo ang mga kamay at damit nito. Nang makita siya nito ay tumalim ang mga mata nito. Napa-atras si Kimberly at agad tumakbo palabas. Nang makita niya si Mang Asbong ay pumaiba siya ng direksyon. Akmang hahabulin na siya ng matandang lalaki nang bigla namang lumabas ng bahay si Ara. Sa kanyang paglabas, nagkatinginan sila ni Mang Asbong. Natuon sa babae ang atensyon ng matandang lalaki. Napahinto si Kimberly sa pagtakbo upang panoorin ang pagtatagpo ng kanibal at ng babaeng sinapian. Itinaas ni Mang Asbong ang hawak na dos por dos at dahan-dahang nilapitan ang babae. Pagkahampas niya rito ay mabilis na nahawakan ni Ara ang dos por dos at hinila ito hanggang sa mabitawan iyon ng matanda. Hinagis niya ang dos por dos sa malayo. Pagkatapos ay nilapitan niya ang matanda at sinakal nang ubod ng higpit. Umangat ang katawan ng matanda. Halos mapatid ang hininga nito sa higpit ng pagkakasakal sa kanya ng babae. Ilang beses itong nagpupumiglas subalit hindi siya makapalag kay Ara na taglay ang lakas ng sampung halimaw. Pagbagsak nito sa lupa ay wala na itong buhay. Dilat ang mga mata at buka ang bibig. Muli siyang humarap sa kanyang likuran at tinitigan si Kimberly nang pagkatalim-talim. Pumatak ang mga luhang tumakbo siya upang makatakas. Subalit nadapa siya nang matapakan ang dos por dos na hinagis kanina ni Ara. Sa lakas ng pagkakadapa niya ay hindi na niya nagawang tumayo. Lumakas ang tambol ng dibdib niya habang papalapit sa kanya si Ara na uhaw pumatay. "A-Ara... Ako to... S-si K-K-Kimberly... Please... Hu-huwag mo 'kong sasaktan... Para mo nang awa..." halos malukot na ang kanyang mukha kakaiyak. Tila dininig ng langit ang kanyang hiling. Bigla na lamang bumagsak si Ara sa lupa at nawalan ng malay. May itim na usok na lumabas sa bibig nito na labis na ipinagtaka ni Kimberly. May ilang segundo siyang napatitig dito bago siya tumayo at nilapitan ang kaibigan. Mayamaya pa, natanaw niya sa 'di kalayuan si Patrick. Pasuray-suray itong naglalakad. Duguan ang ulo nito at habol ang hininga. Tumakbo siya upang tulungan itong makalapit sa kinaroroonan ni Ara. "Patrick, ano'ng nangyari sa 'yo? B-bakit ganyan ang hitsura mo?" nag-aalalang tanong ni Kimberly. Napaluhod sa lupa si Patrick bago nakapagsalita. "Binigti ako kanina sa puno. Hindi ako makapaniwalang... nagising pa ako sa ginawang paghampas sa akin ng tarantadong matanda na 'yon ng dos por dos sa ulo ko," hinihingal na kuwento ng lalaki. "Winasak pa niya kanina ang sasakyan ko. Paano na tayo makaka-alis nito?" dagdag pa niya. Natahimik si Kimberly at nanlumo. "Paano na tayo nito? Saan tayo kukuha ng sasakyan? Kailangan nating dalhin sa ospital si Ara. Pati ikaw, para magamot 'yang sugat mo sa ulo." May ilang minuto silang natahimik. Pagkaraan ng mahigit kalahating oras, laking tuwa nila nang may sasakyang napadaan sa lugar na kinaroroonan nila. Agad nila itong pinara. Huminto naman ang sasakyan. Nakiusap sila sa driver na kung puwede ay ihatid sila sa pinakamalapit na ospital. Binuhat nila si Ara papasok sa loob ng sasakyan. Saka pa lamang sila nakahinga nang maluwag nang makalayo na ang sasakyan sa lugar na iyon, lugar ng mga negritong kanibal. Lingid sa kanilang kaalaman na nakamasid kanina sa likod ng isang puno si Aling Melba nang sila'y nakapara nang sasakyan. PAGMULAT ni Ara ng mga mata ay napagtanto niyang nasa ospital siya. Agad siyang nilapitan ni Kimberly. "Kamusta ang pakiramdam mo? May masakit ba sa 'yo?" mahinhing tanong ng babae. "W-wala akong maalala sa nangyari sa 'kin. B-bakit ako nandito?" nanghihina pa ang boses ni Ara. Ikinuwento ni Kimberly ang lahat ng nangyari. Pati ang itim na usok na lumabas sa bibig nito ay ikinuwento rin niya. Kaya naman nang magkaroon na ng signal ang cellphone niya ay nag-research siya tungkol sa mga ganoong kaso. Napag-alaman niya na ang sumapi kay Ara ay isang engkanto na korteng usok ang katawan at invisible ang mukha. Kilala sa tawag na Kuaroz. Ang kaibahan niyon sa karaniwang mga engkanto, may kakayahan itong hulaan na nalalapit sa panganib ang taong matititigan nito sa mga mata. Ang gagawin nito ay papasukin niya ang katawan ng taong iyon at ito mismo ang gaganti laban sa masasamang loob gamit ang katawan ng sinapian nito. Ang mga Kuaroz ay walang pinipiling tao. Lahat ng makita nilang nalalapit sa kapahamakan ay kanilang sasapian hindi para saktan kundi para tulungan. "Ibig mo bang sabihin, sinapian ako ng engkanto at ako ang ginawa niyang instrumento para patayin ang mga aswang na umatake sa atin kanina?" paninigurado ni Ara. "Tama ka d'yan. Kaya nang mapatay mo na kanina ang lahat ng mga aswang, kusa siyang lumayas sa katawan mo," nakangiting tugon ni Kimberly. "Ang malaking problema natin ay kung paano natin sasabihin sa mga magulang ni Wilson ang nangyari sa anak nila. Si Patrick naman, nasa kabilang room at ginagamot ng mga nurs ang sugatan niyang ulo," malungkot ang tinig na pahayag ni Kimberly. Napabuntunghininga si Ara matapos marinig ang kuwento. "Grabe... Wala na 'kong masabe. Natatakot pa rin ako!" "Wala ka nang dapat ikatakot, Ara. Nandito ako. Hindi na kita pababayaang masaktan pa ng kahit na sino." Nagpakawala ng matamis na ngiti si Kimberly, pagkatapos ay yumakap sa kaibigan. Hindi na napansin ni Ara ang pagbabago ng kulay ng mga mata ni Kimberly. Naging solid black ang mga iyon. Pagkuwa'y palihim itong ngumiti nang makahulugan... ***THE END***


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic

FOLLOW US

  • Facebook Classic
  • YouTube Social  Icon
  • Google+ Social Icon
  • Blogger - White Circle

© 2015 by Daryl Morales (UHS Creator)

bottom of page