THE LADY IN WHITE (One Shot Story)
![](https://static.wixstatic.com/media/cb2b58_ad5ef022c7794720903006684ec85ada~mv2.jpg/v1/fill/w_946,h_709,al_c,q_85,enc_auto/cb2b58_ad5ef022c7794720903006684ec85ada~mv2.jpg)
NAKABUBULAG ang dilim ng gabi. Bahagyang natatakpan ng mga ulap ang bilog na buwan. Hindi pangkaraniwan ang katahimikan ng paligid sapagkat maging huni ng mga panggabing insekto ay walang maririnig. Tanging malakas na hangin lamang ang nagdudulot ng kaunting ingay ng mga oras na iyon. Hangin na nagpapahiwatig ng lagim. Sa dulo ng sementeryo, makikita ang rebulto ng isang babaeng nakaputi at may suot na puting belo. May mukha at katawan ito na tila nangitim sa sunog. Sa tabi ng rebulto ay makikita ang isang sementadong lapida na nakatayo sa lupa. Higit na malakas ang hangin sa kinaroroonan ng rebulto. Lalo pa itong lumakas habang tumatakbo ang oras. 'Di nagtagal, ang babae ay unti-unting nagbago hanggang sa maging totoong tao! Nagising ang ilan sa mga residente sapagkat narinig din ng mga ito ang nakakatakot na ingay na likha ng kakaibang lakas ng hangin. Hindi nila matukoy kung may bagyo bang paparating. May isang lalaki na napilitang lumabas ng bahay upang makalanghap ng malakas na hangin sapagkat hindi siya makatulog sa init. Nang igala niya ang mga mata sa buong paligid ay may nahagip ang kanyang paningin. Sa itaas ng bubong ng isang bahay sa 'di kalayuan, nakakita siya ng babaeng nakaputi na nakalutang sa hangin. Bahagyang natatakpan ng puting belo ang mukha nito. Pero alam niyang hindi iyon ordinaryong tao. Tumindig ang mga balahibo niya sa buong katawan. Napa-atras siya at namilog ang mga mata. Ibig sumabog ng dibdib niya sa lakas ng pintig ng puso niya. Unang kita pa lang niya sa misteryosong babae ay nagdulot na ito ng kakaibang pakiramdam sa kanya. Lalo pa siyang nagulat nang bigla itong lumipad patungo sa isa pang bubong ng kabilang bahay. Nagkandarapang pumasok ang lalaki sa loob at mabilis na kinandado ang pinto. Habol ang hiningang napasandal siya sa pinto. Hindi niya gaanong namukhaan ang babae dahil halos kapantay ng dilim ng gabi ang itim nitong mukha. Pero nararamdaman niyang kasuklam-suklam ang hitsura nito. Humiga siya sa tabi ng asawa't mga anak upang matakpan ang takot niya. Kahit anong gawin niya ay hindi mabura sa isip niya ang nakita kanina. Pagkaraan ng ilang sandali ay hindi na niya namalayan ang paglipas ng oras. Hindi na rin niya namalayan ang paglipat ng babaeng nakaputi sa bubong ng bahay nila! Nagmamaneho ang lalaki nang gabing iyon sa gitna ng madilim na kalsada. Sa kanyang pagmamaneho ay biglang may sumalubong na rebulto ng babaeng nakaputi habang tumatawid sa dinadaanan ng sasakyan niya. Nang ihinto niya ang sasakyan ay huminto rin ang rebulto sa gitna ng kalsada. Kunot-noong bumaba siya ng sasakyan at nilapitan ang rebulto. May ilang minutong pinagmasdan niya ito kung isa nga ba itong rebulto o isa talagang tao. Binalot siya ng pagtataka dahil kung isa talaga itong rebulto ay hindi ito makakakilos nang ganoon. Nang hawakan niya ito ay bigla siyang nanigas sa kinatatayuan hanggang sa magdilim ang lahat sa kanya. Sa realidad, hindi na rin makakilos ang lalaki sa kinahihigaan nito. Gising ang diwa nito ngunit hindi maigalaw ang katawan. Pinipilit nitong magsalita ngunit hindi maibuka ang bibig. Noon lang niya napagtantong binabangungot na siya! Kahit anong dasal at galaw niya sa mga daliri ay bigo siyang makagalaw. Habang tumatagal ay lalo lang naninigas ang katawan niya na parang bangkay. Sindak na sindak siya nang biglang lumitaw ang babaeng nakaputi sa paningin niya. Nakadikit ito sa kisame at nakaharap sa kanya. Nagsimula na siyang maiyak sa takot nang maramdamang unti-unting umaangat ang katawan niya. Habang papalapit siya sa babae ay unti-unti niyang naaaninag ang mukha ng nito. Hindi siya makapaniwalang bangkay ang kaharap niya. Luwa na ang mga mata at sunog ang mukha. Ibig sumabog ng ulo niya sa nakikita. Kung maipipikit lang niya ang mga mata upang hindi makita ang kasindak-sindak nitong mukha ay ginawa na niya. Naramdaman niya ang pagpatak ng mga luha niya. Pero anong magagawa niya gayong hindi siya makagalaw. Hindi na nakayanan ng lalaki ang takot na naramdaman. Unti-unting nagdilim ang paningin niya hanggang sa hindi na niya namalayan ang sumunod na nangyari. Pagsapit ng umaga ay maraming tao sa harap ng bahay nina Elizabeth. Maririnig ang malakas na hagulgol ng iyak ng babae at ng mga anak nito. Halos hindi nila kayang titigan ang dilat na bangkay ng asawang si Danilo. Namatay ito sa bangungot. Isang pangyayaring hindi kailanman inaasahan ng pamilya ng lalaki. May isang matandang lalaki na nagtiyagang makipagsiksikan sa mga tao upang makapasok sa loob. Pagpasok niya roon ay nakita niya ang nakahigang bangkay ng lalaki na diretso ang mga matang nakatitig sa bubong. Sa ekspresyon ng mukha ng matanda ay makikitang tila may alam ito sa pangyayari. "SIGURADO ho ba kayo sa nakita n'yo?" tanong ng tindera sa matandang lalaki nang minsang bumili ito sa tindahan. "Sigurado ako! May nakita akong babae kagabi na nakalutang sa bubong nina Danilo. Kahit matanda na 'ko ay hindi marunong magsinungaling ang paningin ko," sabi pa ng matandang nagngangalang si Lolo Tasio. "Alam n'yo ba na hindi lang si Danilo ang idineklarang namatay sa bangungot. 'Yong kapitbahay naming si Edna, namatay din daw sa bangungot. Nakita kaninang umaga na dilat ang mga mata niyang nakatitig sa bubong," singit ng isang babaeng nakatambay sa tindahan. "May nakita rin ho ba kayong babaeng nakalutang sa bubong nina Edna noong isang gabi, lolo?" anang isang binata na nakatambay din sa tindahan. "Hindi ko alam. Basta kagabi ay nakakita ako ng babaeng nakaputi sa bubong nina Danilo. Pagkatapos ay bigla itong lumipad at lumipat sa iba pang bubong. Sa kubo ako natulog kagabi kaya nakita ko agad. Bigla akong nagising dahil bigla na lamang lumakas 'yong hangin. Nawala lang ang hangin nang mawala na sa paningin ko ang babae," kuwento ni Lolo Tasio. Parang mga batang nakatitig sa kanya ang mga tambay sa tindahan habang nakikinig sa kuwento niya. "Aba, sino kaya ang babaeng iyon? At bakit binabangungot at namamatay ang lahat ng mga taong dinadaanan niya?" kunot-noong tanong ng lalaking naninigarilyo sa tabi ng matanda. Hapon nang magpunta sa dulo ng sementeryo si Lolo Tasio. May dala siyang kandila at posporo. Nang matunton niya ang kinaroroonan ng rebulto ng isang babae ay pinagmasdan niya ito mula ulo hanggang paa. Hindi siya maaaring magkamali. Iyon ang babaeng nakita niya kagabi. Noon lang niya natuklasan na may kakayahan palang lumipad ang rebultong iyon tuwing gabi. Pero ang labis niyang ipinagtataka ay kung may kakayahan ba iyong maging tunay na tao sapagkat ang babaeng nakita niyang kapareho ng rebultong iyon ay totoong tao kumpara sa rebultong kaharap niya nang mga sandaling iyon. Itinirik niya ang kandila sa paanan ng rebulto. Binigyan niya ito ng apoy sa pamamagitan ng posporo saka siya napa-sign of the cross. Pagkaalis niya ay hindi niya namalayan ang pagtumba ng kandila at namatay ang apoy nito. Nang araw na iyon ay lima ang napabalitang namatay sa bangungot matapos daanan ng babaeng nakaputi ang bubong ng bahay nila. Mabilis na kumalat sa buong bayan ang ikinuwento ni Lolo Tasio tungkol sa nakita niya kagabi. Kinatakutan ng lahat ang babaeng iyon na nagdala ng kakaibang lagim sa kanilang lugar. Kaya naman kanya-kanyang diskarte ang iba upang hindi daanan ng mahiwagang babae ang kanilang mga bubong. Ang iba ay nagsabit ng rosaryo sa kanilang kisame. Ang iba naman ay nagsabog ng asin sa kanilang bubong. Ang iba namang mga duwag, lumikas ng bayan at nakitulog sa mga kamag anak sa kabilang bayan. KABILUGAN nang buwan. Wala nang mga bata at mga tambay na makikita sa labas. Tahimik na ang buong paligid. Nagmistulang ghost town ang bayang iyon dahil halos lahat ng mga kabahayan ay nagpatay ng ilaw at nagsara ng bintana kaya lalong dumoble ang dilim ng buong paligid. Karamihan sa mga residente ay nagtalukbong ng kumot. Ang iba naman ay nagsuot pa ng rosaryo at naglagay ng bible sa tabi ng unan upang maging proteksyon sa anumang lagim. Meron ding ibang naglakas-loob na dumungaw sa bintana upang makita ang sinasabing babae sa kumalat na kuwento. Naka-abang ang kanilang mga mata sa bubong ng kanilang mga katapat-bahay. Pasadong alas-tres ng madaling araw nang magbalik ang kakaibang lakas ng hangin na kumalat sa labas. Halos liparin ang mga basurang nagkalat sa daan. Kakaiba ang tunog ng hangin. Para itong umuungol na may kasamang malalim na paghinga. Nagsimula nang kilabutan ang ibang mga nakadungaw sa bintana. Ilang sandali pa, dumating na ang kanilang inaabangan. Mula sa bubong ng isang maliit na bahay, nakita nila ang nakaputing babae na nakalutang sa hangin ang mga paa. May ilang minuto itong nasa bubong ng bahay na iyon. Mayamaya ay dahan-dahan itong lumipad at lumipat sa bubong ng bahay nina Elizabeth. Gising pa ang babae at nagbabantay sa lamay ng asawa niya. Ang kasalukuyang natutulog nang mga oras na iyon ay ang dalawang taong gulang na sanggol na nakahiga mag-isa sa kuwarto. Hindi kinaya ng iba ang takot matapos makita ang babaeng nakalutang sa bubong ng mga kabahayan kung kaya nagsara na sila ng bintana upang matulog. Ang iba, hindi inalisan ng titig ang mahiwagang babae hangga't naroroon ito. May ilang oras gumala ang mahiwagang babae sa bubong ng mga kabahayan. Lumipat ito sa bubong ng isang bahay na katapat ng bakery. Sa bahay na iyon, may isang babaeng nagngangalang Fatima ang mahimbing na natutulog sa isang papag. Pagmulat niya ng mga mata ay nakahiga siya sa isang malaking kama habang nakagapos ang mga kamay at paa. Bago pa siya makagawa ng aksyon ay may tatlong lalaki na pumasok sa kuwarto at nilapitan siya. Tila demonyo kung makangiti ang mga ito habang pinagmamasdan siya. Pagkaraan ng ilang minuto ay naghubad ang tatlong lalaki. Kapagkuwan ay umakyat ang mga ito sa papag at pinagpupunit ang damit niya. Ang sumunod na eksena ang nagtulak sa kanya para sumigaw nang ganoon kalakas. Pumatong ang isang lalaki sa harapan niya at saka hinalik-halikan ang leeg niya. Sindak na sindak siya. Hindi malaman kung paano sisigaw para makahingi ng saklolo. Ilang sandali ay nagdilim ang lahat sa kanya. Sa muli niyang pagmulat ay nakawala na siya sa isang masamang panaginip. Ngunit sa pagbabalik niya sa realidad ay hindi na siya makagalaw at makapagsalita. Hanggang sa unti-unting lumitaw ang isang babaeng nakaputi at sunog ang mukha sa kisame. Nakatitig ito nang masama sa kanya. Halos higupin siya ng mga titig na iyon. Ilang sandali pa, naramdaman niyang lumutang pataas ang kanyang katawan hanggang sa halos magdikit na ang mukha nila ng mahiwagang babae. Palakas nang palakas ang tambol ng dibdib niya habang inilalabas ng mahiwagang babae ang dila nito at ipinasok sa bibig niya. Ilang minuto lang ang nagdaan, hindi na niya namalayan ang sumunod na eksena. Mayamaya lang, makikita si Fatima na nakahiga sa papag; dilat ang mga matang nakatitig nang diretso sa kisame at nakabuka ang bibig. Wala na itong buhay. Bakas sa mukha nito ang milyun-milyong sindak. Lumipat ng ibang bahay ang mahiwagang babae. Naghanap ito ng bahay na may taong natutulog. Mag-uumaga na nang ito'y tuluyang maglaho sa paningin ng mga nagtiyagang dumungaw sa kani-kanilang mga bintana. Ganap na tirik na ang araw nang muling pumutok ang masasamang balita na pare-pareho ang laman. Ang dalawang taong gulang na anak ni Elizabeth, natagpuang wala nang buhay sa kuwarto. Ugali ng bata na umiyak kapag bagong gising. Ngunit nagtaka ang babae sapagkat magtatanghali na ay hindi pa umiiyak ang bata. Nang tingnan niya ito sa kuwarto, nakabuka ang bibig nito at hindi na humihinga. Halos mabaliw na ang babae sa kaiiyak. Kamamatay lang ng asawa niya ay sumunod naman ang bunsong anak niya. Sa ibang bahay naman, malungkot na ibinalita ng isang lalaki ang pagkamatay ng kanyang asawa na si Fatima dahil sa bangungot. Dilat din ang mga mata nito, diretsong nakatitig sa kisame, at buka ang bibig. Iniwan niya raw itong mag-isa sa bahay dahil nakipag-inuman siya nang gabing iyon. Pag-uwi niya, malamig na bangkay na ng babae ang inabutan niya. Nang araw na iyon ay mahigit sampu ang napabalitang namatay sa bangungot. Pare-parehong dilat ang mga mata at diretsong nakatitig sa kani-kanilang kisame. May dalawang bahay pa na napabalitang namatay sa bangungot ang buong pamilya! Labis na iyong ikinabahala ng mga residente. May ilang lumikas na ng bayan upang makaligtas. Ang iba naman ay sa simbahan na lang natulog sa paniniwalang hindi makakalapit doon ang mahiwagang babae. NANG sumunod na gabi ay muling inabangan ni Lolo Tasio ang mahiwagang babae sa labas ng bahay. May dala siyang malalaking bato at nakasuot ng kuwintas na rosaryo. "Panginoon, gabayan n'yo po sana ako sa aking gagawin," pabulong na dalangin niya. Nang maramdaman na niya ang pagdating ng malakas na hangin ay naghanda na siya. Ilang sandali lang, nasilayan muli ng kanyang mga mata ang mahiwagang babae na lumilipad patungo sa bubong ng isang malaking bahay. Napahinga siya nang malalim at muling napa-sign of the cross. Nilabas niya ang natitirang tapang niya. Nilapitan na niya ang bahay at hinagisan ng malalaking tipak ng bato ang babae. Tumama lamang ito sa paanan ng babae ngunit tila hindi niya iyon naramdaman. Ilang beses binato ng matanda ang babae subalit kahit isang tingin ay hindi nito itinugon. Lumikha ng ingay ang bawat batong bumagsak sa bubong ng bahay na iyon. Dahil doon ay nagising ang mga natutulog sa nasabing bahay. Biglang gumalaw ang mahiwagang babae at lumipat ng ibang bahay. Muling binato ng matandang lalaki ang bubong na kinalulutangan ng babae. Lumikha ulit ng ingay ang pagbagsak ng mga batong iyon na naging dahilan ng pagkagulat at pagkagising ng mga natutulog. Sa tuwing may mga taong magigising ay lumilipat ng ibang bahay ang mahiwagang babae. Ipinagpatuloy lamang ng matanda ang pagbato sa bawat bubong na lilipatan ng babae hanggang sa hindi na niya nakita kung saang direksyon ito nagpunta. Nagbabalak ang matanda na hanapin ang mahiwagang babae subalit nakaramdam siya ng kaunting hilo. Minabuti niyang umuwi na lamang upang makapagpahinga. Halos ilang araw siyang puyat kung kaya natural lang sa may edad na katulad niya ang mahilo nang ganoon. Ang mahalaga ay malayo na sa bahay nila ang mapanganib na babae kaya makakapagpahinga siya nang walang takot. Sa muling pagkakataon, mahigit beinte katao na ang napabalitang namatay sa bangungot pagsapit ng umaga sa kabilang Barangay. Marahil ay lumipat ang babae sa ibang Barangay kung kaya walang napabalitang namatay sa kalapit-lugar ni Lolo Tasio. Marami na ang nagdesisyong lumipat ng ibang tirahan dahil sa kababalaghang nangyayari. Ang iba naman ay halos punuin na ng rebulto ng mga santo ang bawat sulok ng kanilang bahay upang magbakasakaling hindi na makakalapit ang mahiwagang babae sa kanilang mga bubong. Si Lolo Tasio naman ay bumuo ng grupo upang sumugod sa dulo ng sementeryo. Ikinuwento niya ang nangyari kagabi. Sinabi rin niya sa mga ito na ang rebulto ng isang babae sa dulo ng sementeryo at ang mahiwagang babae na nagpapakita sa bubong ng mga kabahayan ay iisa. "Dapat nating sunugin at wasakin ang rebulto ng babaeng iyon upang hindi na siya makapambiktima pa mamayang gabi! Hindi ko alam kung bakit may rebulto roon. Pero ang mahalaga ay mawasak natin ito sa lalong madaling panahon. Sugurin!" makapangyarihang utos ng matandang lalaki sa mga kasama nitong matatangkad at maskuladong mga lalaki na may hawak na mga pamalo. Ngunit nang matunton na nila ang dulo ng sementeryo ay wala na silang nakitang rebulto roon. Tanging lapida na lamang na nakatayo sa lupa ang bumungad sa kanila. Binalot ng pagtataka ang lahat. Ang iba ay nagkatinginan. "Wala na siya rito?" kunot-noong sabi ni Lolo Tasio. "Baka tumakas na!" anang isang lalaki. "Imposible. Hapon pa lang ngayon. Masyado pang maaga para magising ang mga kampon ng dilim," pakli naman ng isa pang lalaki. Bigo silang mapaslang at mawasak ang rebulto ng babae sapagkat bigla na lamang itong naglaho nang hindi nila namamalayan. Wala silang ideya kung paano at saan ito hahanapin kung kaya nagsi-uwian na lamang sila. NOONG sinaunang panahon, may isang babaeng pinagsamantalahan ng tatlong kalalakihan. Masuwerteng nakatakas ang babaeng punit-punit na ang buong kasuotan. Nagtakip siya ng puting belo sa mukha upang walang makakilala sa kanya. Habang tumatawid siya sa gitna ng kalsada ay pinara niya ang isang sasakyan na paparating upang manghingi ng tulong. Huminto naman ang sasakyan nang mapansin siya ng mga ito. Mula sa pulang sasakyan ay bumaba ang limang kalalakihan at nilapitan ang babae. Lingid sa kaalaman nito na miyembro pala ng isang kulto ang mga iyon. Mas mapanganib pa ang limang iyon kumpara sa tatlong lalaking rapist na tinakasan niya. Wala na siyang nagawa nang buhatin at isakay siya ng limang lalaki sa loob ng sasakyan. Dinala siya ng mga ito sa dulo ng sementeryo at doon pinatay. Sa halip na ilibing ay binalutan nila ng semyento ang buong katawan ng babae hanggang sa magmistulang rebulto ito. Itinayo nila ito sa lupa at gumawa ng pekeng lapida sa tabi nito. Bago sila umalis ay dinasalan nila ng itim na ritwal ang sementadong katawan ng babae. Nilagyan nila ito ng sumpa upang hindi matahimik ang kaluluwa nito at mapilitan itong manakit ng ibang tao. Ang mga kultong iyon ay may kapangyarihang gawing kampon ng dilim ang mga taong pinapatay nila. Binibigyan nila ng kapangyarihang itim ang espiritu ng mga ito upang mas dumami at mas bumilis ang paglaganap ng lagim sa buong mundo. Dahil sa kapangyarihang itim na iyon, nagkaroon ng kakayahan ang babae na magbigay ng bangungot at masamang panaginip sa mga taong natutulog sa pamamagitan ng paglapit sa bubong ng bahay ng mga ito. Ang masamang panaginip na kadalasang ipinapataw niya sa mga biktima ay ang mga eksena kung paano siya pinagsamantalahan at pinatay noon. Iyon ang history ng mahiwagang babae na malabo nang malaman ng lahat. MAGMULA noon ay hindi na nagpakita sa bubong ng mga kabahayan ang mahiwagang babae sa kanilang bayan. Lumipas ang maraming taon hanggang sa unti-unti na nila itong nakalimutan. Wala nang nakaka-alam kung saan napunta ang rebulto ng mahiwagang babae na nagiging tao sa gabi. Wala na rin silang pakialam kung saang lugar pa ito lumipat. Ang mahalaga ay payapa na muli ang kanilang bayan. Ngunit hanggang kailan? Mag-ingat! Baka nasa bubong n'yo na ang diyosa ng mga bangungot at masasamang panaginip! ***THE END***