Shake Rattle & Roll VII: The Return (3 in 1 Short Stories)
![](https://static.wixstatic.com/media/cb2b58_5807acd328ae418e9d797bb57a3ee0a4~mv2.jpg/v1/fill/w_640,h_853,al_c,q_85,enc_auto/cb2b58_5807acd328ae418e9d797bb57a3ee0a4~mv2.jpg)
SHAKE RATTLE AND ROLL 7: THE RETURN by Daryl John Spears
EPISODE I: NOWHERE
KUNG gaano ako katagal nakatayo sa lugar na iyon ay hindi ko alam. Basta't ang alam ko lang, matagal na nakapako ang mga paa ko sa aking kinatatayuan. Nababalot ng dilim ang lugar na aking kinalalagyan. Walang makikita sa paligid kundi ang matataas na mga puno at mga patay na dahong nahulog sa lupa. Sa aking palagay, nasa kalagitnaan ako ng kawalan.
Ang isa pang ipinagtataka ko, hindi ko alam kung sino ako. Hindi ko alam kung paano ako napunta roon at hindi ko alam kung ano ang ginagawa ko roon. Ang tanging alam ko lamang ay naliligaw ako at hindi alam kung saan pupunta.
Nagsimula akong maglakad. Bawat tapak ko sa lupa ay lumilikha ng tunog ang mga patay na dahong natatapakan ko. Lumingon ako sa paligid. Wala akong ibang nakikita kundi ang nakapangingilabot na kadiliman. Pakiramdam ko'y may bubulaga sa akin sa oras na tumitig ako nang matagal sa dilim. Kaya naman yumuko na lamang ako upang tingnan ang aking nilalakaran.
Sa aking paglalakad, napansin ko na tila hindi ko makita ang kahit anong parte ng aking katawan. Sinubukan kong itaas ang aking mga kamay ngunit wala akong kamay na nakikita. Maging ang sarili kong mga paa ay hindi ko makita sa lupa. Wala ring boses na lumalabas sa aking bibig. Ang aking mga mata ay sumasabay lamang sa kaliwa't kanang paglingon ko sa paligid ngunit hindi ko makita ang aking sarili.
Hindi ko batid kung ano nga ba ang nangyayari sa akin at sa paligid. Lumalakad ako na hindi alam kung ano ang pupuntahan. Kinikilabutan ako na hindi alam kung ano ang dahilan. Hindi dahil sa madilim ang paligid. Kundi dahil sa kakaibang pakiramdam na hindi ko maintindihan.
Habang patuloy ako sa paglalakad ay padilim nang padilim ang kapaligiran. Kaya naman hindi na 'ko tumuloy sa aking dinadaanan at pumaiba ng direksyon sa paglakad. Kung saan medyo maliwanag, doon ako dumaan.
Napatingin ako sa kalangitan. Noon ko lang napansin ang nakapangingilabot na hitsura ng langit. Ni isang bituin at ulap ay wala akong makita. Maging ang buwan ay hindi rin mahagilap ng aking mata. Tanging kadiliman lamang ang aking natatanaw. Doon na ako lumakad nang mabilis dahil pakiramdam ko'y meron nang hindi magandang nangyayari sa paligid. Pakiramdam ko'y nakakulong ako sa isang kakila-kilabot na bangungot.
Binilisan ko pa ang paglakad. Halos tumakbo na ako. Kung saan-saan na 'ko napadpad makahanap lamang ng daan palabas ng lugar na iyon. Ngunit nahinto rin ako nang may makita sa 'di kalayuan. Tila may taong nakatanaw sa akin. Nakatayo lang siya at hindi kumikilos ngunit tila papalapit siya sa aking kinaroroonan. Animo'y sumasabay lang ang katawan niya sa hangin.
Pumaiba ako ng direksyon. Binilisan kong lalo ang aking pagtakbo. Halos lumutang na sa lupa ang mga paa ko sa bilis ng pagtakbo ko. At habang ginagawa ko iyon, muli akong nakakita ng tao na nakatayo sa tabi ng puno. Babae naman siya. Puno ng dumi ang damit niya at natatakpan ng mahabang buhok ang mukha niya.
Hindi ko na siya masyadong pinagtuonan ng pansin. Muli kong tiningnan ang aking dinadaanan at patuloy lang sa pagtakbo hanggang sa tuluyan akong makalabas sa lugar na iyon.
Pagtapak ng aking mga paa sa sementadong lupa, bumungad sa akin ang dalawang sasakyan na nagkabanggaan. Ang gulong ng isang truck ay flat at umuusok ang harapan. Wasak naman ang isang taxi at halos walang natira sa salamin.
Nang silipin ko ang loob ng dalawang sasakyan, nagulat ako sa aking nasilayan. Doon ko naalala kung ano ang nangyari bago ako mapadpad sa gubat. Nagkabanggaan ang isang truck at ang taxi na minamaneho ko. Parehong nasawi ang driver ng truck at ang babaeng pasahero ko.
Doon naging malinaw sa akin ang lahat. Hindi ako makapaniwalang kasama ako sa mga nasawi.
EPISODE II: GANTI
HABANG naglalakad pauwi si Glinda sa isang madilim at malawak na kakahuyan ay may narinig siyang malalaking mga pakpak na pumapagaspas. Kasabay ng pagaspas na iyon ang malakas na hangin na animo'y hipo-hipo.
Seryoso siyang nakatingin sa kalangitan habang patuloy na naglalakad. May kaunting takot sa puso niya ngunit pilit niyang nilalabanan iyon.
Bigla siyang nakarinig ng mga dahon na gumalaw mula sa puno. Paglingon niya sa likuran, laking gulat niya nang makakita ng manananggal.
Lumipad ito palapit sa kanya upang atakihin siya. Subalit nagawa pa niyang hawakan ang buhaghag nitong buhok atsaka niya ito sinabunutan nang pagkahigpit-higpit.
Bahagyang napasigaw si Glinda nang ibaon ng manananggal ang matutulis nitong kuko sa mga kamay niya. Pero hindi pa rin niya binitawan ang buhok nito. Lalo pa niyang hinigpitan ang pagsabunot dito. Pinanggigilan niya ito. Halos kalbuhin niya ito. Halatang nasasaktan ang manananggal sa tono ng pag-ungol nito.
Nahinto lamang si Glinda sa pagsabunot nang ibaon ng manananggal ang matutulis nitong kuko sa kanyang dibdib. Nang mahiwa ang dibdib ng dalaga, buong lakas na dinukot ng manananggal ang puso nito na tumitibok-tibok pa.
Bumagsak sa lupa ang katawan ni Glinda. Dilat pa ang mga mata nito na nakatitig sa manananggal, pero maliwanag na patay na ito.
Nang maubos ng manananggal ang puso, sunod niyang winakwak ang tiyan ng dalaga at kinain ang bituka. Nang magsawa na, iniwan nito ang bangkay at lumipad palayo.
KANINA pa hinahanap ni Braguda ang anak niyang si Glinda sa kakahuyan. Kagabi pa ito hindi umuuwi at labis siyang nag-aalala para rito na baka pinagsamantalahan na ito ng mga kalalakihan sa bayan.
Makalipas ng mahigit kalahating oras ng paghahanap, isang bangkay ang bumungad sa kanyang paningin. Bangkay iyon ng isang dalagang nakabulagta sa lupa. Nang lapitan niya iyon, tila huminto ang mundo niya nang makitang si Glinda ang bangkay!
Nasindak pa siya nang makitang wakwak ang tiyan nito at butas ang kanang bahagi ng dibdib nito.
Bumigay ang tuhod niya at unti-unting bumuhos ang mga luha niya. Hindi siya makapaniwalang bangkay ng kanyang anak ang kaharap niya.
Niyakap niya ang dalaga atsaka humagulgol sa pag-iyak. Walang mapaglagyan ang galit niya sa puso sa kung sinuman ang pumaslang sa dalaga.
Hinawakan niya ang kamay nito at doon niya napansin na may mga buhok na naiwan sa kamay ng dalaga. Base sa haba ng hibla ng mga buhok na iyon, nakatitiyak siyang galing iyon sa babae.
Nagkaroon ng katanungan ang kanyang isipan kung babae ba ang naka-away ng kanyang anak bago ito mamatay.
Dahil hindi kayang ipaliwanag ng isip niya kung sino at ano ang pumatay kay Glinda, naisipan niyang dalhin ang mga hibla ng buhok na iyon sa bahay.
Si Braguda ay kinatatakutan ng mga tagaroon dahil isa siyang mabagsik at makapangyarihang mangkukulam ng modernong panahon. Marami siyang nagagawa na hindi kayang gawin ng mga sinaunang mangkukulam.
Iyon ang dahilan kung bakit bihira lamang ang mga taong napapadpad sa kakahuyan kung saan malapit ang bahay ni Braguda. Dahil bukod sa pangkukulam, may kakayahan din siyang higupin ang kaluluwa ng isang pangkaraniwang tao sa oras na magtagpo ang kanilang mga mata.
Nang gabing iyon, sinimulan ni Braguda ang ritwal. Sa pangkukulam na kanyang gagawin, naisipan niyang gumamit ng makalumang manyika upang mas mabilis ang epekto sa kukulamin.
Pinatay niya ang ilaw sa kanyang munting bahay at nagsindi ng mga kandila sa paligid.
Mula sa kumukulong kawa, ibinuhos niya ang mga dinurog na siling labuyo at hinaluan ng dugo na nakalagay sa isang bote. Nilagyan din niya iyon ng mga patay na dahon.
Bumulong siya ng isang dasal na nakasalin sa isang hindi tukoy na lenguwahe. Paulit-ulit niyang inusal iyon hanggang sa maglabas ng usok ang kawa.
Itinali niya ang hibla ng mga buhok sa katawan ng isang pulang manyika at binulungan ng dasal.
Pinuno niya ng malalaking karayom ang katawan ng manika atsaka inihulog sa kumukulong kawa.
Lumuhod siya sa harap ng kawa at taimtim na nagdasal ng panalanging itim.
KABILUGAN ng buwan. Nagpunta sa gitna ng kakahuyan ang babaeng si Barbara. Sinigurado niyang walang tao sa paligid bago siya naghubad ng pang-itaas na damit.
Binuksan niya ang isang itim na bote at naglagay ng sapat na langis sa kanyang palad pagkatapos ay ipinahid niya iyon sa kanyang katawan.
Nagsimula nang mag-init ang kanyang katawan. Pakiramdam niya'y kumukulo ang tiyan niya. Tila nagwawala ang mga bituka niya. Subalit nagtaka siya kung bakit tila may isa pa siyang naramdaman sa kanyang katawan na hindi naman dapat kasama sa tuwing magpapalit siya ng anyo.
Pakiramdam niya'y nasusunog ang kanyang katawan. Para bang niluluto siya nang buhay sa isang malaking kawa. Hindi pangkaraniwan ang kanyang naramdaman. Tila pumipigil iyon sa pagpapalit niya ng anyo.
Pero nangibabaw pa rin ang kanyang kapangyarihan. Iyon nga lang, may kasamang hapdi ang bawat proseso ng pagbago ng kanyang anyo. Isang hapdi na hindi niya alam kung bakit nangyayari sa kanya.
Humaba ang mga kuko niya, nangulubot ang mukha at balat niya, naging pula ang mga mata niya, lumitaw ang kanyang mga ngipin na abot hanggang ilong ang tulis.
Habang nagpapalit siya ng anyo ay napapasigaw siya dahil tila may tumutusok sa kanyang katawan.
May tumubong malalaking bukol sa kanyang likod. At ang bukol na iyon ay pumutok at nagpakawala ng dalawang malalaking pakpak. Halos manghina naman siya dahil kasabay niyon ang labis na pagkirot ng kanyang katawan.
Nagsimulang mapunit ang kanyang tiyan. Habang nahahati ang kanyang katawan, patindi nang patindi ang kakaibang sakit na kanyang nararamdaman. Para siyang nanganganak habang sinusunog nang buhay. Napakasakit.
Nang tuluyang humiwalay ang pang-itaas na katawan niya, hindi agad siya nakalipad dahil nanghina siya nang husto sa labis na pagkapaso sa isang uri ng init na dumaloy sa loob ng kanyang katawan.
Nang unti-unting bumalik ang kanyang sigla, nagsimula na siyang maghanap ng makakain.
May naamoy siyang tao sa paligid. Dinala siya ng amoy na iyon sa isang maliit na bahay na yari sa kahoy. Doon, lalong lumakas ang pang-amoy niya. Dahan-dahan siyang lumipad pababa at nilapitan ang bahay.
NAKALUHOD pa rin si Braguda sa harap ng kawa habang tinatapos ang ritwal nang makarinig siya ng ingay sa harap ng kanyang bahay. Tila may nais pumasok doon dahil ginagalaw ang pinto at mga bintana.
Ilang sandali pa, biglang nagwala ang nilalang na naroroon at pinagkakalampag ang mga bintana.
Nabahala si Braguda sapagkat kasabay ng pagkalamapag na iyon ang nagagalit na boses ng isang nilalang na batid niyang hindi galing sa tao.
Laking gulat niya nang tuluyang mawasak ang isang bintana at bumulaga mula roon ang isang mabangis na manananggal. Abot-tenga ang bibig nitong napupuno ng matutulis na ngipin. Nagbabaga sa galit ang pulang-pulang mga mata nito. Mahahalata na tila umuusok ang katawan nito na parang niluluto.
Napalingon siya sa kawa. Inuusok din ang katawan ng manyika! Kung ano ang nangyayari sa manyika, ganoon din ang nangyayari sa manananggal.
Doon nalaman ni Braguda na galing pala sa manananggal na iyon ang mga buhok na nakita niya sa kamay ng kanyang anak.
"Kahit sinong halimaw ka pa, hindi mo 'ko matatakot! Dapat mong pagbayaran ang ginawa mo sa anak ko!" galit ang tinig niyang wika sa manananggal.
Tuluyang nakapasok ang mananggal at nagwala sa loob ng bahay. Lumakas ang hangin sa buong paligid dahil sa lakas ng pagaspas ng mga pakpak nito na naging dahilan ng pagkamatay ng mga kandila.
Napilitan si Braguda na sindihan ang ilaw. Nasilaw naman ang manananggal. Lalong humapdi at uminit ang katawan nito. Pero hindi ito nagpatalo. Akmang susugurin nito si Braguda, subalit mabilis na nakaiwas ang matanda.
"El luma da ruma ka tura el pilar! Galuma daluma ka tura el pilar! Asro! Patro! Gatro! Tado!" halos isigaw ni Braguda ang pag-usal niya ng ritwal habang nakatitig sa mga mata ng manananggal. Bakas sa mukha niya ang labis na galit.
Sinubukan niyang higupin ang lakas nito pero hirap na hirap siya. Pakiramdam niya'y bumabalik sa kanya ang epekto ng dasal na iyon. Siya ang nanghihina.
Muling sinugod ng manananggal ang mangkukulam. Sa pagkakataong iyon, hindi na nakailag si Braguda. Bumaon sa leeg niya ang matutulis na kuko ng kalaban.
"Asro! Patro! Gatro! Tado! Danggo! Suleio! Hamuar!" kahit anong mahika ang bigkasin ni Braguda ay hindi niya mapigilan ang lakas ng manananggal.
Pinagpupunit ng manananggal ang leeg ni Braguda hanggang sa humiwalay ang ulo nito sa sariling katawan. Nahulog ang ulo nito at gumulong sa sahig. Bumagsak naman ang katawan nito at nanginig.
Kasunod niyon, nagliyab ang manyika sa kumukulong kawa. Nagliyab din ang katawan ng manananggal. Muli itong nagwala sa buong bahay ngunit bigo itong pigilan ang apoy na sumusunog sa katawan nito.
Unti-unting nanghina ang manananggal hanggang sa bumagsak ito sa sahig. Unti-unti ring nalusaw ang manyika na nasa kawa.
Paglatag ng umaga, parehong naging abo sina Braguda at Barbara.
EPISODE III: LAMANLAMANAN
BAGO umuwi si Cardo, naisipan niyang puntahan ang gubat sa bayan ng Kuntalian upang alamin kung totoo ang kinukuwento ng pinsan niya na isinasabit daw ng mga aswang sa mga puno ang balat ng tao na kanilang biktima.
Bagamat dis oras na ng gabi, hindi man lang siya natakot pumunta mag-isa roon dala ang sasakyan niya. Tila walang balak matakot ang kanyang puso sa gagawin. Mas lalo nga siyang nabubuhayan ng dugo kapag may isang nakakatakot na bagay siyang nais tuklasin.
Hindi siya nabigo. Dahil pagkarating niya roon, nakakita siya ng isang balat ng tao na nakasabit sa isang puno. Bakas iyon ng dugo na tumutulo pa sa lupa.
Nandiri siya, ngunit hindi natakot. Kinuhanan pa niya ng litrato saka nagmadaling umalis.
Pinakita niya sa mga kaibigan ang litrato ng balat ng tao. Gulat na gulat din ang mga ito at hindi makapaniwala. In-upload pa niya ito sa FB sa pagbabakasakaling magba-viral.
Di pa nakuntento, muli siyang nagbalik nang gabing iyon upang kumuha ng mas maraming litrato. Subalit iba ang nasaksihan niya.
Sa puno kung saan niya nakita ang balat ng tao noong isang gabi, may isang hubad na babaeng nakatayo. Matapos nitong inumin ang langis na nasa bote, bumagsak ito sa lupa.
Dahil sa kuryosidad ay nagtago si Cardo sa madamong parte ng gubat habang nakasilip sa susunod na magaganap.
Sunod-sunod ang pagsuka nito. Ang una nitong isinuka ay ang maliliit na laman nito, sumunod ang bituka, pagkatapos ay ang puso, atay, kidney, pati kalansay at buto ay isinuka nito. Ang sumunod na lumabas sa bibig nito ay ang utak, baga, at spinal cord. Nahulog din ang mata nito at nalagas ang buhok. Lahat ng lamang loob nito sa katawan ay isinuka nito hanggang sa balat na lamang nito ang natira.
Nagsimula nang pantayuan ng balahibo si Cardo sa nakita. Halos bumaligtad ang sikmura niya. Lalo pa siyang nasindak nang sunod-sunod na nagbago ng anyo ang mga lamang loob ng babae. Naging hayop ang mga ito. Ang mga bituka ay naging ahas. Ang mga buto ay naging aso. Ang mga buhok ay naging alupihan. Ang utak ay naging mga ipis. Ang iba pang lamang loob ay nagsama-sama at naging mga hayop at insekto rin. Bagama't naging iba't ibang hayop at insekto ang mga ito, iisa lang ang kulay ng mga ito--kulay itim.
Nakita ni Cardo kung paano umakyat ang ahas sa puno at isinabit ang balat-tao. Ang ibang mga hayop ay nagbantay sa taas ng puno. Ang iba naman ay umalis upang maghanap ng pagkain.
Sa takot ay maingat siyang tumakas. Pagbalik niya kung saan nakaparada ang sasakyan niya, nakita niyang may babaeng nakatayo roon.
"Miss? Ano'ng ginagawa mo rito?"
"Naliligaw po kasi ako. Pwede mo ba akong ihatid sa bayan?"
"Walang problema, Miss. Tara na!"
Habang nagmamaneho, sumagi sa isip ni Cardo ang nasaksihan kanina. Kung ganoon, ang balat-tao na nakasabit sa puno ay hindi galing sa mga taong biktima ng aswang. Galing iyon sa balat ng mismong aswang na kung tawagin ay lamanlamanan. Isang uri ng manananggal iyon kung saan ang lamang loob nila ang humihiwalay sa katawan at nag-aanyong mga hayop pagkatapos ay isinasabit nila ang kanilang balat-tao sa taas ng puno o di kaya'y pansamantalang ililibing sa lupa.
Nang makalabas na ng gubat sina Cardo ay biglang may dumaang itim na aso sa gitna ng kalsada kaya biglang nagalaw ng lalaki ang manibela hanggang sa bumangga ito sa isang truck na paparating. Nagkataon din na nawalan ng preno ang truck kaya nagkasalpukan ang mga ito.
Makalipas ng ilang minuto, nagsidatingan ang mga itim na hayop. Sinigurado nilang patay na ang dalawang taong nasa taxi pati ang isang lalaking driver ng truck bago nila ito nilapa.
***THE END***
SHAKE RATTLE AND ROLL 7: THE RETURN by Daryl John Spears All Rights Reserved 2016
Property of University of Horror Stories